INUUDYOK ko ang agarang pagbuo ng Joint Congressional Commission on Justice Reform sa ating Senate Bill 1547.
Ito ang pahayag ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.
Dagdag pa niya, “Marami na ang nasawi, at marami na ang nawalan ng tahanan at kabuhayan—bunga ng bilyon-bilyong nawaldas at ng isang bulok na sistemang matagal nang pinahina ng katiwalian at pagwawalang-bahala sa batas at pananagutan.
“Patuloy itong nahahayag sa patung-patong na pagkukulang sa serbisyong publiko, sa pamamahala ng pondo, sa pagkakaloob ng pangunahing pangangailangan, at sa kabiguan ng mga institusyon na gampanan ang tungkuling protektahan ang buhay at kapakanan ng mamamayan.
“Atat na atat na ang taumbayan para sa katarungan. Gusto nilang makulong mga may sala, hindi malaya at nagpapakasasa sa kinurakot.
“Sa ating panukalang pagbuo ng joint commission, uugatin natin ang mga dahilan kung bakit sukdulan na ang pagkabigo ng sistema ng hustisya sa bansa, lalo na para sa pinapasweldo ng taumbayan para pangalagaan ang kanilang kapakanan. Lalo na para sa mga sumumpang magsisilbi sa bayan, hindi busugin ang sariling bulsa.
“At higit sa lahat, aayusin natin ang buong sistema ng katarungan nang sama-sama, bilang isang sambayanang sawang-sawa na sa korapsyon at kawalang-katarungan.”



