NAPUNA ba ninyo?
Ang mga maniobrang pananggol ni Duterte sa kanyang kaso sa International Criminal Court (ICC) ay nagbubukas ng isang bagong usaping ligal. Sa kakapusan ko ng kaalaman sa sistema ng hustisya kriminal, hindi ko mawari kung ano ang itatawag sa napansin ko sa depensa ni Duterte. Ganun pa man, sapat nang talakayin natin dito ang paksa at hayaang tukuyin ng marurunong sa batas kung ano kahulugan nito.
Una, hiniling ng defense counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na bigyan ng interim release o pansanantalang paglaya si Duterte. Ipakukupkop siya sa isang bansang miyembro ng ICC. Sa isang panayam, ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na meron nang kinausap na ganung bansa, bagama’t hindi pinangalanan.
Tumanggi ang ICC sa kahilingan. Tinukoy nito ang mga naging gawi ni Duterte – ang kanyang mga pagmumura’t paghamak sa ICC, ang di-maampat na mga pagkilos ng pamilya Duterte sa pulitika ng Pilipinas tulad ng Maisug, at ang napakalaking posibilidad na pupuslit siya papuntang Davao na doon ay wala nang hurisdiksyon ang ICC.
Bigo sa unang kahilingan, sumunod na pinatampok nI Kaufman ang gulang ni Duterte na 80 anyos at ang kanyang kondisyong pisikal na diumano ay sakitin na, ulyanin pa.
Argumento ni Kaufman, hindi na makatanda si Duterte sa mga pangyayari, mga taong sangkot at mga petsa. Kung ganun, hindi magiging parehas ang paglilitis kung hindi niya kayang sagutin ang mga tanong tulad ng kung totoo bang meron siyang mga taong pinatay at ipinapatay, sinu-sino ang mga ito, ilan sila, at kung anu-ano pa.
Ultimong mga kaanak, wika ng abogado, ay hindi na halos makilala ni Duterte.
Sa kabuuan, ani Kaufman, hindi na kakayanin pa ni Duterte na pumailalim sa isang paglilitis na ang katindihan ay malaking pasanin para sa kanyang limitado nang pang-unawa.
Malamang sa hindi, lahat ng argumento ng abogado ay drama.
Kabaligtaran ng kahambugang ipinamalas sa buong panahon na hindi pa nahuhuli si Duterte.
Panghatak sa simpatiya ng balana.
Pagpapakamartir upang kahit nasukol na, siya pa rin ang bida.
Ang mga ito kaipala ang inasahang pampalubag ng damdamin ng pre-trial judges upang pagbigyan ang kahilingan naman ngayon ni Kaufman ng walang taning na pag-antala sa paglilitis kay Duterte.
Ang pinagtatalunang usapin ay noon pa dapat Setyembre 23 ginawa.
Kontra argumento ng prosekusyon, krimen laban sa sangkarauhan ang kasalanan ni Duterte at hindi dapat maisantabi dahil lamang sa kanyang katandaan.
Ayon sa prosekusyon, ang tinutukoy ng depensa na memory loss at iba pang problema sa kalusugan ni Duterte ay hindi sapat na batayan upang antalain ang paglilitis.
Kung meron mang pag-antala sa paglilitis, iyun ay dapat na sapat lamang upang tiyakin ang kalusugan ni Duterte.
At sa paggawa nito, hiniling ng prosekusyon sa korte na humirang ng mga international experts na may karanasan sa mga ganitong paglilitis.
Ito ngayon ang naging kapuna-puna sa pitak na ito.
Hindi pa man nakapagpapahayag ng desisyon ang ICC sa kanyang kahilingan, biglang bago ang ihip ng hangin ang depensa.
Hiniling na ni Kaufman na pakawalan si Duterte sa argumento na ang Pilipinas ay hindi na miyembro ng ICC at samakatuwid wala itong hurisdiksyon kay Duterte.
Ito ngayon ang dinedesisyunan ng Pre-trial Chamber ng ICC.
Pakakawalan ba si Duterte sa katwiran ni Kaufman na ang ICC ay walang hurisdiksyon sa kanya?
Ito ang usapin na pinasimulan kong tukuyin sa itaas.
Balik ang usapin sa walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas
Ergo, walang hurisdiksyon kay Duterte.
Pero humingi na si Kaufman ng interim release noong una pa.
Ano ba ang paghingi niyang iyun?
Hindi ba pagkilala ng hurisdiksyon ng ICC sa kaso?
Pag sinabing interim, pansamantala. Pagkatapos ng interim, balik ka rin sa kulungan ng ICC.
Pansinin na sa interim release, ang bansang kukupkop kay Duterte ay miyembro ng ICC. Sa prosesong hinihingi ni Kaufman, kahit isang saglit, hindi nawawala ang hurisdiksyon ng ICC.
Dito ngayon tayo sa paghiling ni Kaufman ng walang taning na suspensyon ng paglilitis.
Ano ang ipinakikita nito?
Na kinikilala ni Kaufman na si Duterte ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng ICC.
Na bagama’t walang taning ang suspensyon ng paglilitis na kanyang hinihiling, hindi pa rin niya ikinakaila na nananatiling nasa ilalim ng kapangyarihan ng ICC si Duterte.
Sa katunayan, sa simula pa lamang na pumayag si Duterte na paaresto at magpadala sa The Hague upang makulong sa piitan ng ICC, tinanggap na niya ang hurisdiksyon nito.
Subalit huwag na tayo sa isyung iyan.
Dito tayo sa pinakahuling maniobra ni Kaufman.
Maaaring sa kanyang pagtantiya, kawalang hurisdiksyon ng ICC ang pinakamabisang panangga ni Duterte.
Maaari ngang totoo ito kung sa una pa lang ito na ang kalasag na ginamit niya.
Subalit sa laki ng napabalitang sahod ni Kaufman kay Duterte (isa’t kalahating milyun isang buwan), nasilaw na siya at ganap na nakaligtaang sa una pa lang ay ipinailalim na niya si Duterte sa hurisdiksyon ng ICC, idiniin pa rito nang hilingin niya ang interim release para kay Duterte, at napako na nang husto sa ganung hurisdiksyon nang humingi ng walang taning na pagpapaliban ng paglilitis kay Duterte.
Maari bang kwestyunin niya ang hurisdiksyon ng ICC kay Duterte makaraang buong puso niyang tanggapin ang hurisdiksyon na iyun?
Hindi lang minsan.
Ni dalawa.
Kundi tatlong beses pa!
Napaka interesanteng abangan ang magiging hatol ng Pre-trial Court sa usaping ito.
Isang bagay ang tiyak. Sa bali-balikong depensang ginagawa ni Kaufman, malaki ang pag-asa na ang sambayanang pinaagos ni Duterte sa luha at dugo ay sa wakas makakamit ang matagal nang inasam na hustisya.
- Advertisement -

