SENTRAL ang papel ng poverty communication sa pagpapaliwanag, pag-unawa at pagtugon sa kahirapan bilang masalimuot na problemang pangkaunlaran. Ang kritikal na pagsasakasaysayan at pagsisiyasat sa kahirapan ay may malaking ambag sa pagbuo ng mga epektibong patakaran, programa at proyekto laban rito. Ang mga sumusunod ay ilang gabay at tagubilin sa pagsusulong ng mapagpalaya at makapagpanibagong-hubog na poverty communication sa pangkalahatan.
- Bigyang diin ang halaga ng komunikasyon upang ilantad ang kondisyon at ipanawagan ang hinaing ng mga mahihirap mula sa iba’t ibang sektor at rehiyon.
- Unawain ang mahalagang papel ng komunikasyon sa pagsusulong ng kaunlaran batay sa alinman sa tatlong sumusunod na pagpapalagay: (1) komunikasyon bilang instrumento ng pagsusulong ng kaunlaran, (2) komunikasyon bilang sentral sa proseso ng kaunlaran at (3) kaunlaran bilang isang proseso mismo ng komunikasyon.
- Kilalanin din ang kritikal na papel ng komunikasyon sa pagpapataas ng panlipunang kamalayan, pagsusulong ng panlipunang hustisya at pagpapanawagan ng pagbabagong panlipunan.
- Gamitin ang kritikal na komunikasyon upang ilantad at hamunin ang puno’t dulo ng kahirapan (superordinate causes) at hindi lamang ang mga sintomas nito (subordinate causes).
- Itampok ang penomenon ng kahirapan hindi bilang personal na pagkukulang (personal failure) kundi istruktural na pagkabigo (structural failure). May tendensiya ang una na isisi lamang ang kahirapan sa indibidwal (o pamilya).
- Itampok ang mga pang-ekonomiko, pampolitika at pangkultural na salik at sikumstansya sa likod ng mga sumusunod na magkaka-akibat ng penomenon: kahirapan (poverty), panlipunang eksklusyon (social exclusion), pagiging atrasado (underdevelopment) at hindi pagkakapantay-pantay (inequality).
- Unawain kung papaano lumalaganap ang mga atrasadong pananaw at persepsyon ukol sa kahirapan sa loob ng pamilya, organisasyon, institusyon, komunidad at lipunan. Hamunin ang mga umiiral na mito, pambabaluktot at misrepresentasyon sa kahirapan at mga mahihirap.
- Panatilihin ang dignidad ng mga maralita sa pagsasalarawan ng kanilang katangian at kondisyon. Iwasan ang victim blaming at poverty pornography.
- Palawakin ang demokratikong espasyo ng mga maralita upang tukuyin ang sariling pagkakakilanlan at mabigyang kahulugan ang sariling karanasan.
- Isalarawan ang mga maralita na taglay ang ahensiya at kapasidad na mabago nila ang kanilang kalunos-lunos na kondisyon. Kilalanin ang kanilang political efficacy, political autonomy at political agency. Huwag sila isalarawan bilang pasibo, sikil at walang kakayahan sa sariling pagpapasya.
- Langkapan ng pagsasakasaysayan ang kondisyon ng kahirapan ng komunidad upang maugat ang puno’t dulo nito (halimbawa: kasaysayan ng pangangamkam ng lupa, pagpapalit-gamit ng lupa, pagtataboy, agresyong pangkaunlaran, pandarahas at iba pa).
- Gumamit ng stats (quantitative approach) at stories (qualitative approach) upang isalarawan, suriin at hamunin ang kanilang sadlak na kondisyon. Itampok ang numerikal na datos at ang kanilang mga kuwentong buhay upang pagtibayin ang panawagan ng pagbabago.
- Bigyang boses ang mga maralita sa pananaliksik gamit ang discourse of understanding (interpretivism) at discourse of suspicion (critical theory) upang maitampok ang kanilang abang kalagayan at kolektibong pakikibaka (Mumby, 1997). Sa pamamagitan nito ay maisasalarawan ang iba’t ibang mukha ng kahirapan at porma ng pagkilos.
- Bigyan ng pagkakataon ang mga maralita na makapagsalaysay ng kanilang mga naratibo sa pamamagitan ng testimonio, walking interview, photo voice, photo elicitation, life events calendar, power mapping, bodymapping, countermapping at iba pang alternatibong metodo at metodolohiya ng pananaliksik.
- Pagkumparahin (o kaya ay pagbanggain) ang mga opisyal na tala ng kahirapan sa pananaw at paninindigan ng mga mismong nakararanas nito. Tukuyin ang mga tambalan (convergence) at talaban (divergence). Alamin din ang mga magkakaugnay na salik (factors), sanhi (drivers), nagpapanatili (maintainers) at nagpapasahol (intensifiers) ng kahirapan.
- Tukuyin ang mga nagtatambalan at/o nagbabanggaang pananaw at paninindigan ukol sa kahirapan bilang problemang pangkaunlaran. Isang kategorya ng halimbawa ay behavioral, structural at political theories ayon kay Brady (2019). Alamin din kung ano ang pinakalapat sa konteksto ng lipunang Pilipino.
- Unawain na ang kondisyon ng kahirapan ay nagiging balakid din mismo sa epektibong komunikasyon ng mga maralita. Dahil sa kahirapan ay kumikipot ang espasyo at plataporma ng mga maralita na makapagpahayag. Nagiging hadlang din ang kahirapan sa epektibong pakikisalamuha sa kapwa at sa aktibong partisipasyon sa mga demokratikong institusyon at proseso.
- Hamunin kung paano isinasalarawan ang mga mahihirap sa dominanteng midya (o mainstream media). Sa partikular, tukuyin at suriin ang mga nananaig na pananaw ukol sa mga informal settler at street vendor.
- Hamunin din ang malaganap na poverty pornography na nagtatampok sa mga mahihirap sa kalunos-lunos na kondisyon upang pagkakitaan o gawing puhunan sa akademya, midya o negosyo man.
- Iwasan ang poverty pornography sa pamamagitan ng pag-ugat sa suliranin ng kahirapan, paglalantad sa mapaminsala nitong epekto at pagbalangkas ng likas-kayang solusyon na tatapos dito.
- Tukuyin ang mga nananaig na boses (privileged voices) at ang mga binusalan (muted voices) sa mga talakayan at talastasan ukol sa kahirapan. Alamin at suriin ang bersyon ng katotohanan na hindi nahahagip ng mga teknikal, opisyal at akademikong depinisyon at pagsasalarawan ng kahirapan.
- Hamunin ang umiiral na technological divide, digital divide at information divide na higit na nagpapalala ng agwat sa pagitan ng mga uring panlipunan.
- Tukuyin at tugunan ang mga sagka sa komunikasyon (communication barriers) kagaya ng wika, teknikal na terminolohiya, pormat, kultural na pagtatangi at iba pa.
- Bigyang diin ang mahalagang papel ng impormasyon, komunikasyon, midya, teknolohiya, edukasyon at sining upang unawain, hamunin at tapusin ang kahirapan at ang mga puwersang panlipunang sumusuhay rito.
- Kasangkapanin ang communication for development (C4D) upang hamunin at tuldukan ang kahirapan sa pamamagitan ng pag-asinta mismo sa mga ugat nito.
- Maging sensitibo sa paggamit ng mga salita sa pagsasalarawan ng mga maralita upang hindi makasakit o makainsulto.
- Humingi ng pahintulot sa mga maralita kung pumapayag silang masipi o magamit ang kanilang larawan at/o bidyo sa binubuong pananaliksik o dokumentaryo.
- Tiyaking naipaliwanag sa kanila sa paraang maayos, lubos at madaling maunawaan ang layunin ng binubuong pananaliksik at dokumentaryo.
- Isulong ang kolektibong laban upang wakasan ang kahirapan sa pamamagitan ng mapagpalayang komunikasyon at midya. Labanan ang tendensiya ng tradisyonal na midya na magpalaganap ng indibidwalismo, pagkamakasarili at pagiging dekadente.
- Hamunin ang mga istiryotipo (stereotype) ukol sa kahirapan at mga mahihirap kagaya ng paratang ukol sa katamaran, kawalang disiplina at pagiging pasaway.
- Magbukas ng oportunidad, puwang at plataporma upang makabahagi ang mga maralita sa usapan at talastasan ukol sa kahirapan. Isang kabalintunaan (o irony) ang paglulunsad ng poverty summit na walang kumakatawan na malaking bilang mula mismo sa kanilang hanay.
- Paigtingin ang komunikasyon sa komunidad at lokalidad upang mapalakas ang pagkakabuklod ng kanilang hanay.
- Palakasin ang civic intentionality (Mihailidis, 2018) ng media literacy sa pamamagitan ng pagbibigay diin sa malasakit (care), ahensiya (agency), kritikal na kamalayan (critical consciousness), pagpupunyagi (persistence) at paglaya (emancipation).
- Tandaan na bahagi ng mapagpalayang komunikasyon ang paglalatag ng alternatibong moda ng produksyon at landas ng kaunlaran na tatapos sa kahirapan. Sa parametrong ito, mahalagang maunawaan ang mahigpit na ugnayan ng materyal (pang-ekonomiko) at di-materyal (pangkomunikasyon) na mga salik sa ating pakikibaka laban sa kahirapan.
- Lansagin ang istrukturang panlipunan na sumusuhay sa subalternity, invisibility at voicelessness ng maralita.
- Tandaan na mahalaga ang kritikal at mapanuring poverty communication sa pagtiyak na kabahagi ang mga mahihirap sa diskurso at adyendang pangkaunlaran.
- Tiyakin ang makatotohanan, makatarungan at sensitibong pag-uulat ukol sa kahirapan at mga mahihirap.
- Gamitin ang pag-uulat, pagkukuwento at pagpapahayag upang papanagutin ang mga kinauukulan sa kanilang papel sa pagpapalala ng kahirapan.
- Palakasin ang action-taking (o action-orientation) ng mga paglalahad at pag-uulat ukol sa kahirapan at mga maralita upang maging pagkakataon at lunsaran ito ng kritikal na pagsisiyasat, organisadong pagkilos at ganap na pagbabago.
Bilang pagbubuo(d), mahalagang mabigyang diin na hadlang sa demokratikong partisipasyon ang pagpapatahimik at pagsasaisantabi sa mga batayang sektor. Samakatwid, kritikal ang papel ng komunikasyon upang maging mapanlahok ang pakikibaka laban sa kahirapan at upang maisakongkreto ang panlipunang kamalayan sa porma ng kolektibo at tuloy-tuloy na pagkilos at pagpupunyagi.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring magpaabot sa pamamagitan ng [email protected].

