NOONG Nobyembre 20 ay tinalakay ko sa kolum na ito ang paglikha ng salapi sa pamamagitan ng pag-iimprenta. Ang pamamaraang ito ay mura lang dahil ang gastos sa pag-imprenta ay napakaliit kung ihahambing sa halaga ng mabibili na mga produkto at serbisyo ng salaping papel. Halimbawa, kung ang salaping papel na P1000 ay may gastos sa produksiyon na P10 lamang, ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay may nakukuhang mga produkto at serbisyo na nagkakahalaga ng P990 na walang katapat na isinakripisyo ang Bangko Sentral ng Pilipinas. Dahil wala itong isinasakripisyo maliban sa P10 gastos sa produksiyon, ang pag-iimprenta ng salapi ay nauuwi sa malawakang inflation o hyperinflation.
Ngunit may mga alternatibo sa paglikha ng salapi na may katapat na sakripisyo. Dahil may katapat na mga sakripisyo hindi gaanong magtataasan ang presyo ng mga produkto at serbisyo.
Isa sa alternatibo sa paglikha ng salapi ay ang papel ng mga bangko komersiyal sa kanilang pagpapautang mula sa tinanggap nilang deposito. Kapag ang isang bangko ay nakatanggap ng deposito, halimbawa, P100 milyon, bahagi nito ay inilalaan nila bilang reserba, halimbawa, P10 milyon at P 90 milyon ay maaari nilang ipautang. Kung ang inutang na P90 milyon ay idedepositong muli sa ibang bangko; ang tatanggap na bangko ng depositong P 90 ay maglalaan ng P9 milyon bilang reserba at maipauutang ang halagang P81 milyon. Sa payak na halimbawang ito ang unang P100 milyong deposito ng isang bangko ay nakalikha ng dagdag na salapi na nagkakahalaga ng P171 milyong salapi. Ngunit hindi dito natatapos ang paglikha salapi dahil maidedeposito muli ang P81 milyon. Ang teoretikal na malilikhang salapi ng buong sistema ng mga bangkong komersiyal kapag ang laan ay 10 porsiyento ay P1 bilyon.
Kung ibababa ng BSP ang kinakailangang reserba mula 10% tungo sa 5%, ang unang depositong P100 milyon ay makalilikha ng hanggang P2 bilyon. Samakatuwid, ang pagbababa ng BSP ng porsiyento ng kinakailangang reserba ay nagpapalawak ng suplay ng salapi dahil mas malaking pondo ay maipauutang ng mga bangko.
Ang kinakailangang reserba ay laan ng mga bangko kung sakaling marami ang magwidraw ng kanilang deposito. Maliit lamang ang inilaan dahil hindi naman lahat ng mga nagdeposito ng kanilang salapi sa mga bangko ay sabay sabay na magwiwidraw maliban na lang kung mayroon krisis sa bangko.
Sa alternatibong ito bakit may katapat na sakripisyo ang paglikha ng salapi? Ang unang depositong P100 milyon na pinagmulan ng paglikha ng dagdag na salapi ay galing sa isang indibidwal o kompanya na naglagak ng pondo sa bangko kaya’t isinakripisyo o ipinagpaliban nila ang maaaring mabibiling produkto at serbisyong sa halagang ito. Ang dagdag na salapi bunga ng pangungutang ay may katapat ding sakripisyo dahil ang mga nangutang ay may maglalaan ng pondo upang bayaran ang kanilang obligasyon.
Isa pang mahalagang alternatibo sa paglikha ng salapi ay ang pagdidiskwento ng mga commercial papers ng mga bangkong komersiyal. Kasama sa mga hinahawakang commercial papers ng mga bangko ay mga isinanlang yaman ng mga nangutang sa kanila at mga sertipikong pangakong magbabayad. Kung ang pautang ng bangko ay P90 milyon, humahawak ito ng mga commercial papers o isinanla na nagkakahalaga ng P90 milyon. Pwedeng mangutang ang bangko at gamitin ang mga isinanlang papel na may diskwento. Halimbawa, kung ang diskwento ay 10%, ang maipapautang ng BSP sa bangko na may hawak na P90 milyong commercial paper ay P81 milyon lamang. Ang dadgag na pondo ng bangko ay maaaring maipautang uli at lumikha ng dagdag na salapi.
Kung ang porsiyento ng diswento sa mga commercial paper ay ibinaba ng BSP at ginawang 5% na lamang, ang makukuhang pondo sa pagdidiskwento ng mga commercial papers na P90 milyon ay P85.5 milyon na mas malaki kung ihahambing sa naunang utang. Dahil dito lalong lumalawak ang suplay ng salapi. Tulad ng dati, ang sakripiyso ay nanggagaling sa mga nangutang ng pondo na dapat nilang bayaran sa hinaharap.
Ang isa pang alternatibo ng mga bangko sentral sa paglikha nd dagdag na salapi ay ang pamimili ng mga bonds. Ang mga nag-iisyu ng bonds ay mga kompanya at pamahalaan upang tustusan ang kanilang guguling pangangapital. Dahil bumibili ang BSP ng mga bonds, nagkakaroon ng dagdag na pondo ang mga kompanya at pamahalaan na nakararagdag sa suplay salapi.
Mayroon ding sakripisyo dito dahil ang mga nag-isyu ng bonds ay may pananagutan na bayaran ang kanilang obligasyon na nakatala sa mga bond.
Sa mga sinuring alternatibong ginagawa ng mga bangkong komersiyal at ng BSP upang lumikha ng dagdag na salapi na hindi nauuwi sa malawakang inlation dahil may mga katapat na sakripisyo ang mga dagdag na salapi. Ang anumang pagtaas ng presyo ay nangyayari dahil hindi nagtutugma ang panahon sa pagdagdag ng suplay at sa pagdagdag ng demand sa mga bilihin bunga ng dagdag na salapi.

