SUPORTADO ni Senadora Loren Legarda ang naging desisyon ng Korte Suprema na nag-aatas sa pamahalaan na ibalik ang ₱60 bilyon na naunang nailipat mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) pabalik sa ahensya sa pamamagitan ng 2026 General Appropriations Act (GAA). Kasabay nito, ipinagbawal ng Korte Suprema ang karagdagang paglilipat ng natitirang ₱29.9 bilyon, na agad na ipinatutupad.
“Tama ang desisyong ito at kaayon ng matagal na nating ipinaglaban—ang pondo ng PhilHealth ay dapat manatili sa PhilHealth. Ang mga subsidyo ay umiiral upang protektahan ang sambayanang Pilipino, hindi upang ilihis sa ibang layunin,” pahayag ni Legarda.
Orihinal na inatasan ang PhilHealth na mag-remit ng kabuuang ₱89.9 bilyon sa National Treasury. Sa halagang ito, ₱60 bilyon ang nailipat noong nakaraang taon bago maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema na pumigil sa paglilipat ng natitirang ₱29.9 bilyon. Mula noon, parehong Kamara at Senado ang nagsama ng probisyon para sa pagbabalik ng ₱60 bilyon sa 2026 General Appropriations Bill (GAB) na tinatalakay sa Senado. Ito ang binigyang-diin ni Legarda sa sesyon ng Senado noong Disyembre 4, 2025.
Sa parehong sesyon, muling iginiit ni Legarda na tungkulin ng Kongreso na tiyakin ang sapat na suporta sa PhilHealth upang maihatid ang pangunahing serbisyong pangkalusugan. Binanggit niya na nananatiling kulang ang alokasyon sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) at hindi ito tumatalima sa itinatadhana ng batas sa sin tax.
“Kongreso ang may pananagutan sa taumbayan na tiyakin ang maayos na pondo ng PhilHealth,” diin ni Legarda. “Sa aking interpelasyon sa General Principles ng 2026 budget, binigyang-pansin ko ang kakulangan sa pondo ng PhilHealth para sa 2024, 2025, at 2026. Kailangang itanong kung saan inilagay ang mga pondo, bakit ito inalis, at paano natin ito ganap na maibabalik.”
Binigyang-diin din ni Legarda ang pangangailangan ng transparency at accountability sa paggamit ng mga subsidyo ng PhilHealth. Pormal niyang hiniling sa PhilHealth at Department of Health (DOH) na magsumite ng detalyadong liquidation reports upang matiyak na ang ibinalik na pondo ay magagamit nang mahusay at naaayon sa mandato ng ahensya. “Habang ibinabalik natin ang mga halagang ito, dapat din nating hingin ang ganap na transparency,” ani Legarda. “Hiniling ko sa PhilHealth at DOH na ipaliwanag ang paggamit ng mga pondong ito upang matiyak na tunay na makikinabang ang ating mga kababayan.”
Dagdag pa rito, iginiit ni Legarda na ang accountability ay dapat sabayan ng sapat at maaasahang pondo. Nanawagan siya sa ganap na pagbabalik ng lahat ng kakulangan sa pondo mula sa iba’t ibang pinagkukunan, kabilang ang earmarked revenues mula sa sin taxes, PAGCOR, at PCSO na naipon sa mga nakaraang taon.
Bilang matagal nang tagapagtaguyod ng abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkalusugan, muling pinagtibay ni Legarda ang kanyang paninindigan na protektahan ang katatagan ng pananalapi ng PhilHealth at tiyakin na ang mga yaman nito ay direktang nakikinabang sa mga pamilyang Pilipino, lalo na ang mga pinaka-nangangailangan.
“Ang kalusugan ay hindi pribilehiyo; ito ay karapatan. Bawat pisong nakalaan para sa kalusugan ng taumbayan ay dapat pangalagaan,” pagtatapos ni Legarda.



