Katapusang bahagi
PALAISIPAN ang mga naging gawi ni Ninoy sa kanyang pagbabalik sa bansa nang araw na iyun ng Agosto 21, 1983.
Pansinin na mag-isa siya at ang makikitang tanging bitbit ay isang maliit na shoulder bag, na ewan kung ano ang laman.
Wala ni isang kasama na tatayong security kung saka-sakali. Tandaan, bayani siyang nagbabalik, maaaring pagkaguluhan, at tunay na nangangailangan ng mangangalaga sa kanyang kaligtasan. Sa katunayan, marami-rami ang taong dumating sa airport upang salubungin siya.
Mangyari pa, maaaring wikain na kaya nga itinago ni Ninoy ang kanyang identidad, para iligaw kung sinuman ang nag-iisip ng masama sa kanya. Ang gamit niyang pangalan ay Marcial Bonifacio.
Subalit sa halip na makapagpalinaw sa usapin, dagdag pang palaisipan ang bagay na ito.
Sabihin na, ikinubli ni Ninoy ang kanyang pagkatao, pero bakit natukoy pa rin siya ng mga sundalong Avsecom na humuli sa kanya?
Maaaring ikatwiran, buong gobyerno ba naman ang binangga niya, papaano siya lulusot? Sa lawak ng intelligence network ni Marcos, matutuklasan at matutuklasan siya gaano man kalihim siya magtago.
O, sige na, magaling na si Marcos. Walang makaliligtas sa kanya kapag ginusto niya.
Ang pekeng pangalan.
Ang eksaktong China Airlines na sinakyan ni Ninoy.
Sa dami ng eroplanong lumapag sa Manila International Airport nang araw na iyun, paano napin-point ng Avesecom ang China Airlines na kinalululanan ni Ninoy?
Pwedeng sa Taiwan pa lang, tukoy na na sakay doon si Ninoy, at itinembre iyun sa Manila.
Simple?
Pwede.
Pero ito ang ipaliwanag ninyo.
Kasama ni Ninoy sa China Airlines ay mga piling news reporter, kumakatawan sa international media, kabilang ang Hapones na asawa ni Lupita na kapatid ni Ninoy.
Ang presensya ng international media ay pahiwatig na mayroong malaking pangyayari na magaganap.
Kung ano ang malaking pangyayaring iyun, maaga pa ay sa katunayan ipinasilip na ni Ninoy sa mga repoter.
“You had better be ready with your hand cameras. For all you know this will be over in four minutes. And you will never be able to talk to me again (Mabuti pang iready na ninyo ang inyong mga camera. Hindi ninyo alam, tapos na ito sa loob ng apat na minuto. At hindi na ninyo ako makakausap pang muli).”
Bilangin ninyo ang mga sandali mula nang damputin si Ninoy mula sa kanyang upuan hanggang sa ilakad siya ng mga sundalong Avesecom palabas sa pintuan sa tagiliran ng eroplano, pagsarhan ng pintuan nang makalabas na, at umalingawngaw ang unang putok ng baril – eksaktong apat na minuto!
At, tulad ng kanyang sinabi, si Ninoy ay hindi na muling nakausap pa!
Paano maisasalarawan ni Ninoy ang eksaktong oras ng kanyang kamatayan kung hindi siya mismo ang may kagagawan nito!
Kumbaga sa pelikula, sino lang ang nakakaalam sa ending gayong hindi pa man ito nailalabas?
Ang direktor lamang.
Si Ninoy ang direktor ng sarili niyang kamatayan!
Sa isang video documentary na likha ng Worldwide Foundation for People Power noong 2008, tinawag ng host na si Tina Monzon Palma ang tunggaliang pulitikal nina Marcos at Ninoy na isang “political chess game” na sa bawat hakbang ay talo si Ninoy.
“In the end (Sa wakas),” pagtatapos ng host, “Ninoy did the unthinkable. He sacrificed the King (Ginawa ni Ninoy ang di-kapapaniwala. Isinakripisyo niya ang King)”.
Sa chess, isinasakripisyo ang pawn o maging ang isang opisyal upang makakuha ka ng positional advantage at sa wakas magwagi.
Ang King ang laging pinoproteksyunan, dahil oras na nabihag ito ng kalaban, talo ka.
Subalit sobrang napakahenyoso ni Ninoy. Sukat maisip na ang batas ng mga bagay na walang buhay tulad ng larong chess ay isangkap sa buhay-at-kamatayang laro ng pulitika.
Oras na lamang ang binibilang at bangkay na siyang dadamputin sa Amerika.
Uuwi sa Pilipinas si Ninoy, laman na ng kabaong.
Hindi!
Kahit ano pang papuri ang ibigay sayo ng ganito’t ganyang mga bantayog.
Walang kwentang kamatayan.
Taya sa tunggaliang Marcos-Aquino ay hindi ang maugong na alleluia ng kabayanihan kundi ang matamis na kalansing ng di mabilang na yaman.
Kung ako si Ninoy, hindi ako uuwi na isa nang bangkay.
Uuwi akong buhay na nakikihamok – hanggang sa kahuli-hulihang patak ng aking dugo para sa ikalalansag ng diktadurang Marcos.
Oh, ano nga namang kabayanihan kung magkakagayon!
Pansinin na wala ni anumang pag-ayos ang ginawa sa bangkay ni Ninoy.
Ang puting kasuotan na tigmak sa dugo.
Ang mukhang winarat ng bala at lalo pang ginawang nakaririmarim ng dugo na sumabog dito, hindi man lang pinunasan.
Kaipala’y upang huwag mabura sa alaala ng mga Pilipino ang kahalimawang ibig hambampanahong ibintang sa diktadurang Marcos.
Ang kamatayan ni Ninoy ay hindi kasaysayan ng isang assassination.
Ang kamatayan ni Ninoy ay isang obra maestra.
Likhang sining.
Dinesinyo upang paging-Diyosin si Ninoy sa habampanahon.
Tinatayang nasa dalawang milyun ang nakipaglibing kay Ninoy.
Sapat-sapat na iyun upang pagdating ng huling linggo ng Pebrero1986 ay ilunsad ng balo ni Ninoy na si Cory ang unang people power revolution na sa wakas ay nagpabagsak kay Marcos.
Isinakripisyo ni Ninoy ang King upang iluklok sa trono ang Queen.
EPILOGO
Datnan-panawan ang Malakanyang ng mga Presidenteng Aquino. Una ang balo ni Ninoy na si Cory, sumunod ang anak na si Noynoy. Sa kabila ng nakalululang kapangyarihan ng presidencia, hindi nagawang tuklasin ng balo maging ng anak ang mastermind sa pagpatay kay Ninoy.

