25.6 C
Manila
Linggo, Hunyo 14, 2026

Limang ginto sa Palanca awards: Pasaporte sa ‘Palanca Hall of Fame’

- Advertisement -
- Advertisement -

(Ikalawa sa Serye)

HALOS napuno ang bulwagan ng Manila Polo Club sa Makati City para sa awarding ceremonies ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature na nasa ika-75 taon na ng pagpaparangal sa mga natatanging manunulat na nagwagi sa patimpalak. Dalawa sa ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan ang dumalo: sina Virgilio Almario at Dr. Gemino ‘Jimmy’ Abad. Kabilang naman sa mga Palanca Hall of Fame (HOF) awardees na naroon ay sina Jose ‘Butch’ Dalisay, Alfred ‘Krip’ Yuson, Nicolas Pichay, Eros Atalia, Mikael De Lara Co, Miguel Antonio Alfredo Luarca, Rody Vera (na isa sa nanalo ngayong taong ito sa kategoriyang ‘Dulang Pampelikula’), Ruth Elynia Mabanglo (na siyang Panauhing Tagapagsalita ng gabing ‘yun at tumanggap ng pagkilala bilang ‘Gawad Dangal ng lahi 2025), at ang inyong lingkod (na nagsilbing Tagapangulong hurado ng kategoryang ‘Tula Para sa mga Bata’).

Pinagkakalooban ng gintong medayon ang manunulat na nakasusungkit ng Unang Gantimpala sa Palanca Awards

Walang idineklarang Hall of Fame awardee ngayong taong ito. Ang isang manunulat ay kailangang manalo ng limang ulit na Unang Gantimpala sa ano mang ‘regular na kategoriya’ (hal. Maikling kuwento, Tula, Dula, Kuwentong pambata, at iba pa; hindi kabilang ang kategoriyang Kabataan Essay) para mailuklok sa Palanca Hall of Fame. Bakit nga ba may ganitong pagkilala ang Palanca? Naniniwala ang Palanca na ang sino mang manunulat na limang beses na nanalo ng First Prize ay dumaan sa mga mapanuring mata ng iba’t ibang set ng hurado sa iba’t ibang taon, kung kaya’t karapatdapat pagkalooban ng Palanca Hall of Fame. Para bang sinasabi na kahit bago-baguhin pa ang komposisyon ng mga hurado, at kahit sa iba’t ibang kategorya pa ng naturang patimpalak, napipili pa ring Unang Gantimpala ang kanilang lahok.

Ang apat na manunulat na iniluklok sa Palanca Hall of Fame noong nakaraang taon (2024): Mikael de Lara Co, Eros Sanchez Atalia, Miguel Antonio Alfredo Luarca, at Joshua Lim Co. Kasama nila sina Carlos Palanca IV (Presidente ng Carlos Palanca Foundation), Nicole Palanca, Dang Cecilio-Palanca; at iba pang Palanca Hall of Fame awardees na sina Luis Gatmaitan, Peter Solis Nery, at Jun Robles Lana.

Pinagkakalooban ng gintong medalyon ang manunulat na nagwagi ng Unang Gantimpala (bukod sa sertipiko at premyong cash). Ang manunulat naman na iluluklok sa Palanca Hall of Fame ay pinagkakalooban ng isang silver plaque kung saan nakalista ang kaniyang limang akdang nagwagi ng Unang Gantimpala sa iba’t ibang taon ng Palanca Awards (bukod pa sa medalyon at special cash prize). Umabot na sa 30 ang bilang ng mga Hall of Fame awardees ng Palanca Awards mula nang magsimula ang naturang literary contest noong 1951.

Nagkamit ng First Prize sa Essay category ang first-time winner na si Joan Saga-oc, isang manunulat mula sa Kalinga province

Minsan, nagbibiruan ang ilang manunulat na makailang ulit nang nagwagi ng Ikalawa o Ikatlong puwesto sa Palanca. Sabi nila, sila’y Hall of Famers na sa pagiging ‘second prize’ o ‘third prize’ winners. Isa pa pala, hindi ibinibilang ang pagwawagi ng Unang Gantimpala sa Kabataan Sanaysay/Kabataan Essay para sa Palanca Hall of Fame award. Ngayong taong ito, may isang mahusay na manunulat – si Christopher Rosales – na limang ulit nang nakasungkit ng ginto sa Palanca pero hindi pa nailuklok sa HOF. Noon pala, ang isang napanalunan niyang Unang Gantimpala ay sa kategoryang ‘Kabataan Sanaysay’ (na hindi ibinibilang bilang isang regular na kategoriya).

Ang ipinagkakaloob na silver plate/plaque sa sino mang manunulat na nagkamit ng limang Unang Gantimpala sa Palanca Awards.

Sa mga regular na sumasali sa taunang timpalak pampanitikan, ito rin ang nagiging biruan ng mga nananalo ng Unang Gantimpala – sa kung ilang ‘First Prize win’ na lang bago masungkit ang Hall of Fame. Kung nakatanggap na ng dalawang Palanca First Prize, ang susunod na sasabihin sa kanila ay ‘tatlong First Prize’ na lang.

Taong 1995 nang magpasimulang magparangal ang Palanca ng ‘Hall of Fame’ award. Mangyari pa, kanilang ni-review ang listahan ng mga manunulat na sumasali na mula pa noong 1951. Kaya sa unang taon nang paggagawad nila ng Palanca Hall of Fame noong 1995, pito (7) agad ang kanilang Hall of Fame inductees: sina Rolando Tinio (+), Gregorio Brillantes (+), Cirilo Bautista (+), Buenaventura Medina, Jesus Peralta, Rene Villanueva (+), at Ruth Elynia  Mabanglo. Sa paglipas ng mga taon, marami ring Hall of Fame awardees natin ang namayapa na, ngunit nag-iwan sila ng mayamang pamana ng panitikan sa ating mga kababayan. Sila ay sina Lamberto Antonio (HOF 2019), Reynaldo  Duque (HOF 2003), Leoncio Deriada (HOF 2001), Edgardo Maranan (HOF 2000), at Manuel Buising (HOF 2005).

Ang Gabi ng Palanca ay nagsisilbing reunion din ng mga manunulat. Mula sa kaliwa (clockwise): ang inyong lingkod, Carlos Palanca IV, Alma Cruz Miclat, Edward Cabagnot, Ani Almario, Frances Ong, Guest of Honor Ruth Elynia Mabanglo, Emelina Almario ng Adarna House, at National Artist Virgilio Almario

Pinagtakhan ko kung bakit hindi kasama sa listahan ng Hall of Fame awardees ang dakilang manunulat na si Nick Joaquin (+), na tumanggap din ng pagkilala bilang Ramon Magsaysay awardee para sa Literatura. Noong tingnan ko ang kanyang mga nagwaging akda, tatlong ulit pala siyang nanalo ng First Prize sa kategoryang ‘Short Story.’ At maaaring mula noon ay hindi na siya nagtangkang sumali pa. Gaya nga nang nabanggit ko, kailangan ng limang ulit na pananalo ng Unang Gantimpala upang mailuklok sa Palanca Hall of Fame.

Namumuro na sa Palanca Hall of Fame ang manunulat na si Christopher Rosales

Ang isa pang manunulat na hinanap ko sa listahan ay ang namayapang si Lualhati Bautista, na sadyang hinahangaan ko ang panulat. Nanalo pala siya ng apat na Unang Gantimpala sa Palanca (tatlong Grand Prize para sa mga nobelang ‘Gapo’, ‘Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?’, at ‘Dekada ’70); at isang First Prize sa Maikling Kuwento). Kinulang lang ng isang ginto si Bautista para sa Hall of Fame. Maaaring hindi na siya nagtangkang sumali pa sa Palanca kaya ganoon. Totoo, hindi lang naman ang Palanca HOF award ang panukat ng husay sa pagsusulat. Katunayan ang napakarami nating mahuhusay na manunulat na hindi Palancado.

May mga taon na walang nakapapasok sa Hall of Fame. May taon na may paisa-isang manunulat na napapasama sa listahan. Pero may taon na apat ang sabay-sabay na iniluklok sa HOF gaya nitong nagdaang taon (2024): Eros Sanchez Atalia: para sa kanyang nobelang Thirty Virgins (na inilathala ng Avenida Press kamakailan); Mikael de Lara Co: para sa kanyang koleksiyon ng tula na Panayam sa Abo; Miguel Antonio Alfredo V. Luarca: para sa kanyang full-length play na Corridors; at Joshua Lim So: para sa kanyang dulang may isang yugto na Pagkapit sa Hangin.

Si Prof. Elynia Ruth Mabanglo, Guest of Honor at recipient ng Gawad Dangal ng Lahi 2025. Kasama niya sa larawan sina (mula sa kaliwa): Karina Bolasco, Alma Miclat, Dang Cecilio-Palanca, at Carlos Palanca IV.

Naging Guest of Honor ngayong taong ito si Ruth Elynia Mabanglo, na kabilang sa unang batch ng Palanca HOF awardees noong 1995. Si Mabanglo ay 20-time winner ng Palanca Awards sa kategoryang tula at dula. Isa siyang makata, retiradong guro, at journalist. Siya ay naging visiting professor sa University of Hawaii at Manoa, at siyang namuno/coordinator sa pagkakatatag ng Bachelor’s degree program sa Filipino at Philippine Literature sa naturang unibersidad sa Amerika. Ayon sa kanya, sa kanyang naging speech sa Gabi ng Palanca, marami ang nag-enroll sa naturang programa, kabilang na ang ibang lahi na interesado sa ating pambansang wika.

Bukod sa inani niyang mga Palanca Awards, kinilala rin ang mga akda ni Mabanglo ng CCP Literary Contest, National Book Award, at ng Talaang Ginto ng dating Surian ng Wikang Pambansa (ngayo’y Komisyon sa Wikang Filipino).  Bukod sa kanyang paglilingkod bilang guro sa UE, MLQU, PNC (ngayo’y PNU), at DLSU, siya rin ay naging mamamahayag sa pambansang publikasyong Abante at Taliba.

Namayapa kamakailan ang Palanca Hall of Famer na si Gregorio Brillantes. Siya ang awtor ng mga aklat na: Distance to Andromeda and Other Stories, The Apollo Centennial, at On a Clear Day in November Shortly Before the Millennium.

(May karugtong)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -