NANAWAGAN si Senadora Loren Legarda sa mga ahensya ng pamahalaan na ganap na ipatupad ang mga makasaysayang batas sa kalusugan kasabay ng pagbibigay diin sa mahalagang papel ng mga ito sa pagprotekta sa karapatan ng mga Pilipino mula sa kapanganakan hanggang sa pagtanda.
Sa kanyang talumpati sa plenaryo noong Disyembre 3, tumugon si Legarda sa privilege speech ni Senador Raffy Tulfo hinggil sa mga programang pangkalusugan at serbisyo para sa mga may kapansanan, at lalo pang pinagtibay ang panawagan sa pamamagitan ng kanyang sariling mga inisyatiba sa batas.
“Ito po ang pagsusuri sa sanggol kaagad pagkapanganak, ang Newborn Screening. Malaking tulong po ito dahil maaga nating natutukoy kung may kapansanan o kondisyon na dapat agad gamutin,” ani Legarda, habang inalala ang Newborn Screening Act of 2004 (Republic Act 9288) na siya ang may-akda.
Binanggit din niya ang Universal Newborn Hearing Screening and Intervention Act of 2009 (Republic Act 9709), na kanyang isinulong kasama si Dr. Charlotte Chiong, Dekana ng UP College of Medicine.
“Ito naman po ay para sa kapansanan sa pandinig. Kaya po tayo ay tumulong sa UP-PGH na magkaroon ng ear department na nagsasagawa ng hearing screening,” dagdag pa niya.
Bukod sa mga ito, itinuro ni Legarda ang patuloy niyang trabaho sa pamamagitan ng batas na nag-amyenda sa Magna Carta for Disabled Persons (RA 10070), pagpapalawak ng benepisyo sa ilalim ng RA 10754, at ang obligadong PhilHealth coverage para sa lahat ng PWDs sa ilalim ng RA 11228.
“Ako po ang principal author nito noong 2019. Kaya kung ang mga persons with disabilities ay sakop na ng PhilHealth, dapat masaklaw din ang pag-monitor at mga screening para sa maagang pag-iwas sa kapansanan,” aniya.
Ipinaalala ni Legarda sa mga ahensya ang kanilang tungkulin na ganap na ipatupad ang mga batas na ito, kasabay ng paggunita sa International Day of Persons with Disabilities noong Disyembre 3.
“Nais nating matiyak na ang mga ospital ng LGU, mga DOH-retained hospitals, at lahat ng iba pang pasilidad ay tunay na nagsasagawa nito, dahil ito ay mandato ng Department of Health,” pahayag ni Legarda.
Sa pagtatapos, binigyang-diin ni Legarda ang kahalagahan ng magalang na komunikasyon, na ang mga persons with disabilities ay dapat tratuhin nang may dignidad at tawagin gamit ang tamang wika—isang prinsipyong aniya’y dapat nakapaloob sa bawat communications plan.



