28.4 C
Manila
Lunes, Hulyo 13, 2026

Sen Bato mapoprotektahan sa Senado, sa korte sa Pilipinas idudulog kung may arrest warrant ang ICC

- Advertisement -
- Advertisement -

ISANG buwan na nang makita ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Philippine National Police chief na si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at ganoon na rin katagal hindi pumapasok sa plenaryo ang mambabatas.

Pinanindigan ni Ombudsman Remulla ang kanyang pahayag sa programang DZRH Executive Session nito lamang Nobyembre 6 na mayroon nang arrest warrant laban kay Senador Dela Rosa sa kasong may kinalaman sa madugong kampanya sa droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam sa DZMM Teleradyo sinabi muli ni Ombudsman Remulla na nakita na nya ang buong dokumento noon pang isang buwan na ipinakita ng isang opisyal na dati niyang kasamahan sa Department of Justice (DOJ).

Sa kabila nito, naglabas ng pahayag ang mga kagawaran o opisyal ng kagawaran gaya ng DOJ at Department of Interior and Local Government at Department of Foreign Affairs (DFA) na wala silang natatanggap na opisyal na dokumento mula sa ICC.

Wala nang isang buwan


Simula nang magtapos ang sesyon ng Senado nitong nakaraang Oktubre 11, na nagbalik nitong Nobyembre 11, hindi pa nagpapakita o pumasok sa Senado si Senador Dela Rosa.

Lalo pa itong naging kapansin-pansin nang dumating ang araw ng pagdebate para sa panukalang budget ng Department of National Defense (DND)  para sa susunod na taon dahil siya ang Vice Chair ng finance committee.

Bago magsimula ang sesyon ng mataas na kapulungan, inihayag ni Ombudsman Remulla na may arrest warrant na laban kay Senador Dela Rosa.

Sa kabila nang pagliban nito, walang kapalit na sanksyon ang pagliban ng mga mambabatas ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, ang finance committee chair ng Senado at siyang pinadalhan ng mensahe ng tauhan ni Dela Rosa na hiniling na siya na ang magdepensa sa budget ng DND.

- Advertisement -

Wala umanong ipinadalang pormal na komunikasyon o excuse letter si Senador Dela Rosa upang ipaliwanag ang dahilan ng kanyang matagal na pagliban.

Pag-aresto kay Dela Rosa hindi papayagan sa Senado

Bagama’t hindi napasok sa trabaho bilang Senador si Dela Rosa, nagpahayag si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi niya papayagang arestuhin ang kapwa mambabatas sa loob ng Senado.

Sa ulat ng The Manila Times, sinabi rito na inihayag ni Sotto na bibigyan si Dela Rosa ng buong suporta ng Senado gaya nang ipinakitang suporta noon sa ibang mambabatas.

““We did it during Senator Enrile’s time. During Senator Salonga’s time. We also did it during Leila [de Lima]’s time and Sonny Trillanes’ time. Why can’t we do it for Bato?” ayon kay Sotto

Sa iba pang ulat, sinabi ni Sotto, na hindi niya papayagan na magkaroon ng pag-aresto sa Senado lalo pa sa kalagitnaan ng sesyon.

- Advertisement -

Lokal na korte

Ayon pa sa ulat ng TMT, sinabi ni dating presidential spokesman Atty. Harry Roque, na lumabas na nga ang warrant ni Dela Rosa.

“Senator Bato, your warrant of arrest is out! Don’t allow yourself to be kidnapped!” ani Roque. Pinayuhan niya ito na ipilit na sa korte sa Pilipinas siya dalhin  kung sakaling may mga dayuhang awtoridad na nagbabalk kunin sya.

Si Atty. Roque ang tagapagsalita ng Palasyo sa panahon ng administrasyon ni dating pangulong Duterte.

Tinawag ni Bise-Presidente Sara Duterte ang naganap na pagdakip sa kanyang ama pagbaba nito ng eroplano mula sa isang bakasyon sa ibang bansa na “state kidnapping” ang naganap.

Sa mga panayam ng media, naging mariin ang pagkondena ni Bise-Presidente Sara Duterte sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang running-mate noong panahon ng kampanya, sa kawalan nito ng aksyon kung kaya naisakatuparan ang pag-aresto sa kanyang ama.

Sa isang pahayag, sinabi ni Vice President Duterte na isang lantarang pagsuway sa kasarinlan at isang malaking insulto sa bawat Pilipino na nananalig sa kalayaan ng bansa.

Ayon naman kay Executive Secretary Lucas Bersamin, hindi magiging katulad ng pag-aresto kay dating pangulong Duterte ang mangyayari kay Senador Dela Rosa kung sakali mang totoo ang arrest warrant.

“Not anymore. The Supreme Court has come out with a new rule on extradition requiring a prior resort to a court before the person subject of extradition may be brought out of the country,” ayon sa kalihim.

Hepe si Dela Rosa ng PNP sa panahon na inilunsad ni dating pangulong Duterte ang kontrobersyal nitong kampanya laban sa droga na “Oplan Tokhang” at “Oplan Double Barrel Reloaded.”

Ayon sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency, 6,215 ang namatay sa “drug war” ni Duterte pero ayon sa mga kritiko at grupo ng human rights, nasa 20,000 hanggang 30,000 ito.

Sa kabila ng mga report ng pang-aabuso ng ibang miyembro ng kapulisan habang isinasagawa ang operasyon, sa kabuuan, ikinokonsidera ng Duterte administration na matagumpay na mga programa ito ng pamahalaan upang supilin ang pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga.

Hurisdiksyon ng ICC

Tinututulan ng depensa ni dating pangulong Duterte ang hurisdiksiyon ng ICC. Giit nila, hindi na sakop ng Rome Statute ang Pilipinas simula noong Marso 2019 dahil bumitiw na ito sa pagiging state party matapos ipahayag ng administrasyon ni Duterte ang pagkalas dito.

Sa isyu ng hurisdiksyon, may dalawa sa limang hurado ng Appeals Court ng ICC ang nauna nang sumang-ayon na wala na ngang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.

Bukod pa rito, sinabi ni Atty. Harry Roque, dating tagapagsalita ni Duterte at isang eksperto sa international law, sa panahon pa lamang ng imbestigasyon,  hindi na saklaw ng ICC ang Pilipinas at wala na itong karapatang mag-imbestiga pa dahil natapos na ang panahon para isagawa ito ng international court.

Sa kabila nito, patuloy pa ring hindi pinapayagan ng ICC na makalaya si Duterte habang naghihintay ito ng pagdinig sa kanyang kaso.

Pagbitiw ng Pilipinas sa ICC

Upang makamit ng mga biktima ng war crimes at crimes against humanity ang hustisya, maaaring pumasok ang ICC sa imbestigasyon at prosekusyon laban sa mga suspek mula sa mga bansang kasapi nito.

Ang Pilipinas, sa pamamagitan ng mga mambabatas ay matagal na niratipikahan ang Rome statute, ang international treaty na bumuo sa ICC, at naging kasapi ang bansa noong Nobyembre 1, 2011.

Pirmado pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na noon ay senador ng 15th Congress, ang Committee Report No. 52, bilang suporta dito.

Pagkalipas ng mahigit 12 taon, nagpahayag si Pangulong Marcos na hindi makikiisa ang pamahalaan sa ICC.

Ang pahayag na ito ni Marcos ay reaksyon sa bali-balitang maglalabas  ng arrest warrant ang ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang presidente na nag-utos na bumitiw ang Pilipinas bilang kasaping bansa sa ICC, at ama ni Bise-Presidente Sara Duterte na running mate ni Marcos noong nakaraang eleksyon at sinasabing nagdulot ng kanilang landslide victory.

Naganap ang pag-alis ng Pilipinas sa international treaty sa kasagsagan ng operasyon ng pamahalaan, sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, laban sa mga tulak ng ipinagbabawal na gamot.

Pebrero 2018 nang magpahayag ang ICC na magsasagawa ito ng preliminary examination o Step 1 kaugnay ng extra-judicial killing na nagaganap sa Pilipinas.

Nang sumunod na buwan-Marso 16, 2018, nagbitiw ang Pilipinas sa ICC.

Ang sabi sa Article 127 ng Rome Statute: “Its withdrawal shall not affect any cooperation with the Court in connection with criminal investigations and proceedings in relation to which the withdrawing State had a duty to cooperate and which were commenced prior to the date on which the withdrawal became effective.”

Nangangahulugan ito na kahit ang isang bansa ay nagbitiw na bilang kasapi hindi ito dapat makaapekto sa proseso na nagaganap na imbestigasyon kaya dapat makipagtulungan pa rin ang nagbibitiw na bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -