INAPRUBAHAN na ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang bersyon nito ng 2026 national budget, ang kauna-unahang nakatutugon sa pamantayan ng United Nations para sa paggasta sa edukasyon.
Ayon sa chairman ng Senate Committee on Finance na si Senador Win Gatchalian, naglaan ang Senado ng P1.37 trilyon sa sektor ng edukasyon, katumbas ng 4.5% ng Gross Domestic Product. Alinsunod ito sa 4 hanggang 6% na rekomendasyon ng UNESCO pagdating sa pagpondo ng edukasyon.
“Titiyakin natin na mabibigyang prayoridad ang mga mahahalagang programa upang mapalawak ang access sa edukasyon at mapatatag ang pundasyon ng mga kabataan,” ani Gatchalian.
Binigyang diin ng senador ang mga pagbabagong ginawa ng Senado upang tumaas pa lalo ang pondo ng edukasyon. Nagdagdag, halimbawa, ang Senado ng P19.2 bilyon sa halagang nakasaad sa General Appropriations Bill (GAB) o House Bill No. 4058 upang makapagpatayo ng mahigit 24,000 na mga bagong silid-aralan.
Makakatanggap naman ang Department of Education ng P28.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program upang masaklaw ang 200 na araw ng pasukan. Inaasahang 4.8 milyong mga mag-aaral ang makikinabang sa naturang programa. Magiging saklaw na ng feeding program ang lahat ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1, habang nagpapatuloy ang suporta para sa mga ‘wasted’ at ‘severely wasted’ na mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6.
Maglalaan naman para sa mga State Universities and Colleges (SUCs) ng P139.03 bilyon, mas mataas ng P7.35 bilyon sa halagang nakalaan sa GAB, upang palawigin ang kanilang kakayahang tumanggap ng mas maraming mag-aaral. Matatandaang pinuna ni Gatchalian na may 168,000 na mga kwalipikadong mag-aaral ang hindi nakapag-enroll sa mga SUCs dahil kulang na ang mga kapasidad nito.
Binigyang diin din ni Gatchalian na P1 bilyon ang inilaan sa ilalim ng Local Government Support Fund upang ma-convert ang mahigit P3,000 daycare centers sa mga fourth at fifth class municipalities bilang Child Development Centers (CDCs). Saklaw din ng naturang pondo ang paglikha ng 150 plantilla positions ng mga Child Development Workers.



