MAY naoobserbahan akong mga bagong pahayag, mga bagong estruktura, mga bagong pagpi-Filipino, kadalasang pasalita pero pasulat din, lalo na kung di pormal. Tawagin na lamang natin itong mga bagong pagwiwika.
Ang ibibigay kong mga halimbawang pangungusap ay hindi eksaktong iyong mga pangungusap na binigkas na aking naobserbahan, kundi mga katulad na estruktura. Kung sisipiin ko kasi ang eksaktong mga pangungusap, baka magalit ang mga taong nagsalita ng mga ito dahil hindi muna ako humingi ng nakasulat na pahintulot sa kanila, kahit hindi ko naman sila papangalanan. Baka maakusahan ako ng paglabag sa kanilang karapatang maging pribado.
Dahilan, bagay
Sa halip na gumamit ng angkop na pangatnig para pagdugtungin ang dalawang pangungusap, nauuso na ngayon, lalo na sa mga nagbabalita sa TV, ang paggamit ng salitang DAHILAN.
Ano ba ang pangatnig? Ito ay terminong panggramatika na tumutukoy sa salitang ginagamit para pagsamahin ang mga salita, mga parirala, at mga pangungusap. Ang halimbawa ng pangatnig ay AT, NGUNIT, PERO, SUBALIT, KAYA, atbp. May iba-ibang gamit ang mga pangatnig at nagbibigay ito ng iba-ibang kahulugan sa dalawang pangungusap na naging iisa na lamang, depende sa kahulugang nais ng nagsasalita. Halimbawa ng pangungusap na may pangatnig: (1) Umalis siya NANG (2) dumating ako. Ang dalawang pangungusap na pinagdugtong ng NANG ay may bilang na (1) at (2). Ang nabuong pangungusap ay simpleng nagpapahayag ng dalawang aksyon na magkasabay halos na naganap. Walang paghuhusga kung ang una ay epekto ng pangalawang pangungusap.
Pero maiiba na ang kahulugan ng pangungusap kapag ibang pangatnig ang ginamit.
(3) Umalis siya DAHIL/SAPAGKAT dumating ako. Ang kahulugang nabuo: Ang pagdating ko ang dahilan kung bakit siya umalis.
(4) Umalis siya KAYA dumating ako. Iba na rin ang kahulugang nabuo nang gumamit tayo ng ibang pangatnig.
(5) Umalis siya SAMANTALANG/HABANG dumating ako.
(6) Umalis (pa rin) siya KAHIT dumating ako.
Anim na magkakaibang kahulugan ang nabuo sa pamamagitan ng iba’t ibang pangatnig.
Ngunit sa wari’y limot na ng ilan ang bisa ng angkop na pangatnig. Tingnan natin ang halimbawa sa ibaba:
(7) Noong 2006, nag-alboroto ang Bulkang Mayon, DAHILAN para magpadala ang istasyon ng TV ng kanilang reporter para mag-cover.
Isa pang halimbawa: (8) May nag-overtake sa NLEX, DAHILAN para magkarambolan ang mga sasakyan, BAGAY na ikinasawi ng mga pasahero. Muli, mapapaikli ang pangungusap kung gagamit lamang ng angkop na mga salita.
Pwede namang gamitin ang KAYA na nagsasaad ng relasyong cause/effect sa pag-aalboroto ng Mayon at pagpapadala ng reporter. Pero DAHILAN ang ginamit ng nagsasalaysay. Dahil naumpisahan na ang kakaibang pahayag na ito, sariwa kung tutuusin kontra sa nakagawian, marami na ring gumagamit ng ganitong pahayag.
Ituloy natin. (9) Si Rachel lamang ang nagpaiwan sa lugar upang bantayan ang mga pangyayari, PANAHON KUNG SAAN nagbalikan na sa Maynila ang kanyang mga kapwa reporter, BAGAY NA ikinalungkot ni Rachel. Muli, pwede namang gamitin ang luma nang NOONG sa halip ng mas mahabang PANAHON KUNG SAAN at simpleng NA IKINALUNGKOT (walang BAGAY) sa halip ng mas mahabang BAGAY NA ikinalungkot. Pero gaya ng nasabi na, lahat tayo’y naghahanap ng paraan upang mapaiba at magmukhang bago ang ating mga pahayag.
Panghihiram
Hindi siguro natin namamalayan, napupuno na ng mga hiram na pahayag ang ating diskurso sa wikang sarili. Tingnan ang mga halimbawa sa ibaba:
- Magregister po tayo para sa monitoring at konting fee WHICH IS gagamitin naman sa foods ng mga dadalo.
- Ang namataang LPA IS tatawaging Yasmin kapag naging bagyo.
- Maaga pa rin akong nakarating sa miting OLDO (although) naipit sa trapik.
- Gusto ko ang ugali niya BUT mas ok si Maya.
- Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagkawanggawa AND AGAIN, tumatanaw ng utang na loob.
Napakaprominente ng IS sa pahayag ng isang batiking weather forecaster na napanood ko sa TV. Maluwag at madulas ang pagsasalita niya, hindi tumitigil o nabubulunan, tuloy-tuloy kahit pa biglang napapasingit ang hiram na IS (kapalit ng AY?) sa pagbabalita niya tungkol sa panahon. Siguro, dahil natamo niya ang kaalaman sa wikang Ingles pero kailangang mag-Filipino para maintindihan ng mas nakararami, kaya hindi niya namamalayang nawala na pala ang kanyang AY at napalitan ng IS o kung minsa’y WHICH IS.
Balikan natin ang nasesetress
Natalakay ko na noon ang tungkol sa kakaibang pagbabanghay/reduplikasyon ng hiram na salitang nagsisimula sa S at sinusundan ng isang katinig, halimbawa’y ang salitang STRESS, na problema ng marami, bata man o may edad na, mayaman man o mahirap. (Talaga namang puno ng stress ang buhay natin ngayon.) Naobserbahan ko na NASESETRESS ang gamit ng mga kabataang dumaranas ng STRESS, sa halip ng mas regular at nakagawiang pagbabanghay na NAIISTRES. Nadagdagan pa nga ang listahan ng ganitong phenomenon. Naririnig ko ang iba pang mga halimbawa: NAGSESLEEPWALK (sleepwalk), NAGSISKIP (skip), NASESTRANDED (stranded), NAGSASTARBUCKS (Starbucks).
Hindi pa natin masasabi kung ang mga pagwiwikang ito na naobserbahan ko ay magtatagal sa ating mga dila, o magiging “ephemeral” o panandalian lamang. Sa ngayon, sa tingin ko’y madaragdagan pa ang listahan, at dadami pa ang ganitong mga bago at naiiba. Pero panahon lamang ang makapagsasabi kung ang mga ito ay magiging tunay na bahagi na ng ating wika.

