APRUBADO na ng Senado ang panukalang 2026 General Appropriations Act, kung saan sinabi ni Finance Committee Chairperson Senador Win Gatchalian na ito ay isang national budget na nakatuon sa tao at nagtataguyod ng transparency at accountability.
‘Education Budget’ ang tawag sa panukalang pondo para sa susunod na taon, dahil sa sektor ng edukasyon naglaan ng pinakamalaking bahagi ng pondo o P1.37 trilyon, na tinatayang 4.5% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Binanggit ni Gatchalian ang ilan sa mga highlights ng panukalang pondo: tampok dito ang pagpapalakas ng programa ng gobyerno na Zero Balance Billing (ZBB) para sa mga ospital na pinapatakbo ng DOH. “Sa sektor ng kalusugan, malinaw ang layunin: mas maraming medikal na serbisyong libre ang ibibigay sa bawat Pilipino, at mabawasan ang gastos ng bawat pasyente,” sabi ng senador.
Binigyang-diin niya ang pagpapalakas ng disaster recovery sa mga komunidad. Malaki ang idinagdag sa National Disaster Risk Reduction Management Fund o P15.33 bilyon upang mapabilis ang recovery efforts, pagbibigay ng mga tirahan o kanlungan sa mga biktima, at pagpapanatili ng mga pangunahing serbisyo sa mga lugar na madalas tamaan ng mga kalamidad.
Kasunod ng mga kontrobersiya kaugnay ng ‘ghost’ at substandard na mga proyekto sa flood control, binawasan din ng Senado ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng P54.2 bilyon, batay sa recalibrated costing kasunod ng direktiba ng Pangulo na pababain ang halaga ng mga materyales sa konstruksiyon.
Ang mga repormang ipapatupad sa proseso ng pagbabadyet ay malakas na pananggalang laban sa korapsyon at pagwaldas ng pera ng bayan, ayon kay Gatchalian. Kaya lahat, aniya, ng mga proyektong pang-imprastraktura ay dapat may station numbers na ngayon at eksaktong coordinates bilang dagdag na proteksyon laban sa mga ‘ghost’ at maanomalyang mga proyekto.



