INIREREPOST ko rito ang isang Facebook post ko noong Disyembre 16, 2016, siyam na taon na ang nakalilipas. Mayroon pa rin kasing nagtatanong kung tama ba ang katumbas sa Filipino ng University of Santo Tomas. Isinasalin kasi ito ng mga taga-UST na Unibersidad NG Santo Tomas. May mga nagtatanong: Bakit NG? Hindi ba dapat ay NI, sapagkat hindi bagay o lugar ang pangngalang Santo Tomas. Narito ang aking post na bahagyang inedit ko para maging mas malinaw.
Bakit Unibersidad NG Santo Tomas at hindi NI Santo Tomas? Hindi ba’t tao si Tomas, na naging santo? Minsan, itinanong ko ito sa mga taga-UST sa isang Pambansang Seminar. Walang nakasagot. Bakit nga ba NG at hindi NI ang ginamit nila? Tama ba sila?
May baryasyon sa gamit ng NI at NG. Halimbawa, sa amin sa Malabon, NG ang ginagamit namin: NG Tatay, NG Nanay, NG Ingkong, NG Pangulong Marcos Jr., atbp. ANG Tatay, ANG Nanay, ANG Ingkong, atbp.
Samantala, may mga lugar naman na NI ang ginagamit: NI Tatay, NI Nanay, NI Ingkong, NI Pangulong Duterte; SI Tatay, SI Nanay, SI Ingkong, SI Pangulong Marcos Jr., atbp.
Kahapon, sa presentasyon ng mga pinal na papel ng mga estudyante sa Linggwistika ni Dr. Ricky Nolasco, isang estudyante ang nagpaliwanag na ang NG at SI ay nagpapahayag ng pagiging malapit sa tinutukoy. Kaya, posible ang ganito: SI Nanay ang nagluluto ng aming hapunan. Samantala, paggalang naman ang kaakibat kapag NG at ANG ang ginamit. Halimbawa: ANG Nanay ay napupuyat sa paghihintay sa pag-uwi naming mga anak niya.
Si Dr. Nolasco ay retiradong propesor ng linggwistika sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Hindi nabanggit ng nasabing estudyante kung may datos o figures ba siyang nakalap para suhayan ang kanyang paliwanag tungkol sa pagkakaiba ng gamit ng NG at NI.
Dagdag ni Tom Agulto, isang makata at manunulat, kapag pinalo ka ng Tatay mo at nagtampo ka, NG ang gagamitin mo. Kapag naman naglalambing ka, NI ang gagamitin mo. Sagot ko, sa amin, laging NG, ANG, SA (NG Tatay, ANG Tatay, SA Tatay) ang ginagamit ano man ang sirkumstansya.
Sa maikling salita, may mga lugar na gumagamit ng NG at SI at sila ay nagpapahayag ng pagiging malapit sa tinutukoy. May mga lugar naman na NG at ANG ang ginagamit dahil mas matimbang ang paggalang at pagpapahalaga sa tinutukoy. Kongklusyon ko tuloy, kami pala sa Malabon ay mas magalang sa mga magulang, nakatatanda, at iba pa, kaysa sa mga tagaibang lugar.
Kaya, solbd na ang problema. Tama ang Unibersidad NG Santo Tomas, hindi NI Santo Tomas, bagama’t NI ang ginagamit kapag tao ang tinutukoy. Dahil ANG Santo Tomas ay hindi karaniwang tao kundi Santo. Karapat-dapat sa pinakamataas na paggalang at pagpapahalaga!
Mga taga-UST, tama kayo.
Paliwanag: Ang mga pantukoy
Ang mga pantukoy ay katagang pananda na laging nangunguna sa pangngalan. Tinatawag itong pananda dahil may tanda ang pangngalang kasunod nito – nililinaw ng pantukoy ang kailanan o bilang ng pangngalang kasunod nito, gayon din kung pantangi o pambalana ang pangngalang ito. Ito ay katangian ng ating wika na wala sa wikang Ingles. Sa Ingles, hindi laging gumagamit ng pantukoy bago ang pangngalan. Ang pangngalang pantangi ay mga tiyak na ngalan ng tao, bagay o lugar; kapag isinulat, nagsisimula ito sa malaking titik. Ang pangngalang pambalana ay tumutukoy sa mga pangngalan sa pangkalahatan at nagsisimula sa maliit na titik kapag isinulat.
Halimbawa ng pangngalang pantangi at angkop na pantukoy: SI Rizal, NI Rizal.
Halimbawa ng pangngalang pambalana at angkop na pantukoy: ANG bayani, NG bayani.
Kapag maramihan ang tinutukoy, SINA Rizal at mga kaibigan; NINA Rizal at mga kaibigan. Kapag pambalana, ANG ang ginagamit: ANG bayani. Kapag pangmaramihan, isisingit ang MGA: ANG MGA bayani.
Magalang nga ba o close/malapit?
Hindi naipaliwanag o nailinaw kung totoo ba ang alegasyon na kapag SI at NI ang ginamit na pantukoy, ito ay dahil close sa tinutukoy ang nagsasalita. Kapag naman daw ANG at NG ang ginamit, kasi mas magalang kaysa malapit ang nagsasalita. Maaaring pag-aralan ito ng mga nagmamaster at nagdodoktor sa gradwadong antas para malaman kung totoo nga. Ang matitiyak natin, bahagi ito ng baryasyon ng wika. May mga lugar na nagsasabing SI NANAY, SI TATAY, SI PRESIDENTE, atbp.; may mga lugar naman, gaya ng kinalakhan kong siyudad sa Metro Manila, na ang gamit ay ANG NANAY, ANG TATAY, ANG PRESIDENTE, atbp.
Kaya, maaaring ganito ang sabihin: ANG Pangulong Marcos ay nasa Cebu ngayon upang dalawin ang mga binaha roon. Pwede rin namang: SI Pangulong Marcos ay nasa Cebu ngayon upang dalawin ang mga binaha roon.
Kapwa tama at tinatanggap naman ang dalawa. Kailangan lamang na maging consistent ang nagsasalita o sumusulat upang hindi naman malito ang nakikinig o nagbabasa. NG kung ito ang iyong preperensya; NI kung ito ang baryasyong mas gusto o nakagawian mo.

