29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Gatchalian: 2026 nat’l budget ratipikado na, malapit nang maging batas

- Advertisement -
- Advertisement -

NASA isang hakbang na lamang ang bansa patungo sa pagsasabatas ng isang makasaysayang “people-first” budget matapos ang ratipikasyon ng naturang panukala, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Kapag pinirmahan na ng Pangulo ang kasalukuyang panukala sa budget, tiyak na ito ay magiging isang mahalagang pagbabago pagdating sa fiscal policy ng bansa na magbibigay-tuon sa human capital development at integridad ng mga institusyon,” pahayag ni Gatchalian, na siyang chairman ng Senate Committee on Finance.

Binigyang-diin niya na ang iminumungkahing national budget ay idinisenyo upang tugunan ang mga pinakaimportanteng pangangailangan ng bansa habang tinitiyak na may mga pananggalang o safeguards upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo ng bayan.

Ayon sa kanya, ang panukala ay nagbibigay ng pinakamataas na pamumuhunan sa edukasyon sa kasaysayan ng bansa at lalo pang nagpapatatag sa sektor ng kalusugan partikular na sa zero-balance billing program ng gobyerno na pinalakas ng pagbabalik ng pondo sa PhilHealth. Layon din ng panukala na mapabuti ang seguridad sa pagkain ng bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng mas mataas na pondo sa sektor ng agrikultura.

“Sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa edukasyon, pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan, at pagsuporta sa productivity ng mga sakahan, namumuhunan tayo para sa isang mas inklusibong pag-unlad ng ekonomiya,” dagdag pa niya.

Matapos ang ratipikasyon ng Senado at ng House of Representatives, ang panukalang batas ay ipapadala na sa Tanggapan ng Pangulo para sa kanyang pag-apruba.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -