BILANG Pilipino, dama ko ang malaking pasasalamat ng mangingisda na nasa larawan. Isa siyang Pilipino na nangingisda sa laot ng South China Sea nang magkaaberiya ang makina ng kanyang bangka. Sa lawak ng karagatan, isa lang siyang napakaliit na tuldok na lamunin at iluwa ng mga naglalakihang alon. Tatlong araw siyang nasa ganung kalagayan. Kumbaga sa kanta, “sa huyuhoy gianud-anod.”
Walang makain.
Ni mainom.
Ni maasahan na anupaman na pang-agdong-buhay.
Bahaw na ang kanyang tinig at damang namamaga na ang kanyang lalamunan mula sa walang humpay na kasisigaw ng paghingi ng saklolo.

Sa ganung kalagayan na saan mo man ibaling ang iyong paningin ay pawang rumagasang alon ang iyong masusulingan, sinong kahit Diyos ni Abrahàm ang makaririnig sa iyong mga hinaing?
Subalit iyun lamang ang kaya pa niyang isipin bilang tagapagligtas, ang Dakilang Maykapal.
Sa ikatlong araw, tila tugon ng langit, gumuhit sa kanyang balintataw ang hugis ng isang barko.
May kalayuan ito, subalit aninag na niya na barko nga ito na sa malas ay matibay ang yari.
Nagliwanag ang kanyang paningin.
Halos magtatalon sa paghingi ng tulong.
Sigaw.
Talon.
Padyak.
Palakpak.
Lahat nang maaaring gawin ng isang desperadong makaahon sa kawalang-palad na kinasadlakan.
Subalit dahil may kalayuan sa barko ang kanyang kinalalagyan, anumang pagpapalahaw ang kanyang gawin ay mauuwi sa wala.
“Diyos ko!” palahaw ng lalaki sa langit.
At totoo nga, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Mabilis ang kilos, hinalbot ng lalaki ang takip ng styrofoam na cooler na imbakan ng huling isda at dito isinulat sa malalaking letra ang panawagang: “HELP ME”
Kung ang mga pagpapalahaw, palakpak at paglulundag ay hindi makaagaw ng pansin sa lawak at daluyong ng karagatan, ang nakasulat na SOS ay hindi makaliligtas sa sinumang may largabista na ipinansusuri sa kapiligiran.
Iyun ang nangyari.
Mula sa malaking barko na kinalaunan ay nakilalang People’s Liberation Army Navy Ship 174, lumunsad ang isang bankang pang-ayuda na sumaklolo sa wakas sa Pilipinong mangingisda.
Agad nagbigay ng pagkain, tubig at iba pang uri ng tulong ang mga tripulanteng Tsino na sumaklolo at pagkatapos ay ikinoordinate ang kalagayan ng mangingisda sa Philippine Coast Guard.
Ito ang tanong, bakit kung kada konting kibot ng pang-uudyok ni Raymond Powell na pasabugin ang hidwaan ng Philippine Coast Guard at China Coast Guard sa kanya-kanyang sinserong pagpapatupad ng mga batas pangkaragatan ng Pilipinas at China, ay nagkakandakahog ang mainstream media na ibalita ito, sa insidente ng pagligtas ng Chinese navy sa naaberiyang mangingisdang Pilipino, ni katiting na balita ay wala.
Nangyari lamang na natisod natin ang insidente mula sa isang mapagkakatiwalaang source.
Papaano kung hindi?
Patuloy ang pananaig ng pabor-Amerikanong propaganda sa sigalot sa West Philippine Sea.
Ang kaso ng mangingisda sa ating naratibo ay hindi isang isolated case lamang.
Ang pagkakaibigan ng Chino-Pilipino ay isang buhay na realidad mula pa sa mga kanunununuan ng lahi. Mauubos ang ating oras kung iisa-isahin pa ito.
Sapat nang puntohin ang matalinong doktrinang ipinanukala ni Presidente Xi Jinping upang panatilihin ang pagkakaibigang Chino-Pilipino sa habampanahon: “Isaisantabi ang mga di pinagkakasunduan at pairalin ang kooperasyon.”
Noon pang 1999, isinadsad na ni Presidente Joseph Ejercito Estrada sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre bilang patibay ng pag-angkin ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group, Nansha Qundao sa mapa ng China.
Hanggang sa ngayon, naroroon ang Sierra Madre, natatanuran ng mga Marinong Pilipino na regular na nahahatiran ng mga probisyon ng Philippine Coast Guard.
Hindi pinagkakasunduan ang Ayungin Shoal, isaisantabi – kahit na inabot na ng kalahating dantaon na naroroon.
Ang tanging mahalaga, hindi nag-aaway ang magkaibigan.
Sa panahon ng Duterte administration, umalagwa sa isang panahon ang planong joint exploration project ng China at Pilipinas sa pagmina ng langis sa Recto Bank, Liyue Tan sa mapa ng China, bahagi ng mas malaking grupo ng mga isla na kung tawagin ay Spratlys, Nansha Qundao sa Chino.
Sa proyekto, gastos lahat ng China, hati sa kita ang Pilipinas. Tumanggi rito si noon ay Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin, na iginiit ang aniya’y hatian na itinatakda ng Saligang Batas ng Pilipinas, na 60-40 pabor sa Pilipinas.
Pinagtatalunan pa nga ang Recto Bank, hindi pa pinag-usapan kung sino ang dapat na mag-may-ari. Hindi pa sangkot ang konstitusyon ng alinman sa dalawa. Pero, heto ka’t igigiit mo ang 60-40.
Saan mo naman ilalagay ang China niyan? Lahat na ng gastos kanya, lamangan pa sa kita.
Kaduluduluhan, buong joint venture plan sa Recto Bank ay naunsiyami.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi ko matanggap na kontra-Amerika si Duterte. Ang exploytasyon ng langis sa South China Sea ay matagal nang ambisyon ni Loida Nicolas Lewis, Pilipina mula sa Sorsogon na nagmana ng bilyung dolyar na yaman ng namayapang asawa. Reputado si Loida na pinakamayamang Pilipino sa labas ng Pilipinas at kilalang financier ng mga presidente ng Estados Unidos. Kung natuloy ang joint oil exploration ng China at Pilipinas sa Recto Bank, habampanahon nang naunsiyami ang intensyon dito ng Amerika.
Kayang-kayang itinuloy iyun dapat ni Duterte, pero hindi. Katwiran niya, iyun ay sagutin ni Locsin bilang Foreign Affairs Secretary.
E, alam na nga ng buong mundo na Amboy si Locsin, paeepalin mo pa.
Kung hindi ka ba naman Amboy din.
Mahabahabang usapin ang isyung ito.
Dito muna tayo sa epektibong pormula ni Presidente Xi Jinping na pagsasaisantabi ng mga di pinagkakasunduan at pagpapangibabaw ng kooperasyon. Ang gawi ng mga tripulante ng People’s Liberation Army Navy Ship 174 na nagligtas sa Pilipinong mangingisda ay sa esensya pagsasabuhay ng diwa ng doktrinang ito.
Laging panghawakan ito at anumang masidhing pagsisikap ang gawin ng Estados Unidos upang pag-awayin ang China at Pilipinas ay tiyak na mabibigo.
- Advertisement -

