SINIMULAN na ng Ehekutibo ang masusing pagsusuri sa niratipika ng Kongreso na panukalang P6.793 trilyong 2026 General Appropriations Act (GAA) upang matiyak ang integridad nito, disiplina sa pananalapi, at pagkakahanay sa pangangailangan ng sambayanang Pilipino, ayon sa Malakanyang.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na natanggap ng Executive Branch ang niratipikang 2026 GAA noong Disyembre 29, 2025, at kasalukuyang isinasailalim sa masusing pagsusuri na inaasahang tatagal ng halos isang linggo upang matiyak ang integridad at epektibong pagpapatupad nito.
Dagdag pa ni Recto, masusing sinusuri ng Pangulo at ng kanyang grupo ang lahat ng alokasyon at probisyon upang mapag-aralan ang anumang pagbabago mula sa orihinal na isinumiteng National Expenditure Program (NEP).
“We will ensure that the 2026 GAA will satisfy not only the legal and technical requirements but, more importantly, the needs of the Filipino people. This review is expected to take about a week,” sinabi ni Recto.
(“Titiyakin namin na ang 2026 GAA ay makatutugon hindi lamang sa mga legal at teknikal na mga rekisito kundi, higit sa lahat, sa pangangailangan ng sambayanang Pilipino. Inaasahang tatagal ng halos isang linggo ang pagsusuring ito.”)
Sinabi rin ni Recto na mananatiling tuloy-tuloy ang mga serbisyo ng pamahalaan kahit sa ilalim ng panandaliang reenacted budget, at binigyang-diin na layunin ng pagsusuri na mapanatili ang disiplina sa pananalapi at matiyak na makikinabang ang mga Pilipino sa mga proyekto ng pamahalaan.
“The public is assured that a brief period under a reenacted budget will not disrupt government operations. This deliberate review safeguards fiscal discipline and ensures that taxpayers’ hard-earned money is spent wisely and translated into benefits for the Filipino people,” dagdag ng Executive Secretary.
(“Pinagtitibay ng pagsusuring ito ang disiplina sa pananalapi at tinitiyak na ang pinaghirapang buwis ng mamamayan ay magagamit nang tama at maisasalin sa mga benepisyo para sa sambayanang Pilipino. Tinitiyak din sa publiko na ang maikling panahon sa ilalim ng reenacted budget ay hindi makakaapekto sa operasyon ng pamahalaan.”) | PND



