26.6 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Pilipinas, niyanig ng kalamidad, kontrobersya sa 2025

- Advertisement -
- Advertisement -

NIYANIG, hindi lamang ng  sunud-sunod na lindol at malalakas na bagyo, kundi maging ng kontrobersya ng bilyon-bilyong pisong nakurakot sa mga flood-control project ng pamahalaan ang Pilipinas sa taong 2025.

Larawan mula sa The Manila Times

Sa isang pagbati na video nitong Disyembre 30, inianunsyo ni House Speaker Bojie Dy III ang plano na ipatupad ang “blockchain technology” sa kongreso sa 2026.

Aniya, magiging isa ito sa mga solusyon upang maging mas malinaw at ligtas ang kanilang mga proseso, lalo na sa paggawa ng budget ng bansa sa 2026.

Ayon kay Dy, layunin nito na maibalik ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pagpapakita ng tunay na transparency.

Ano ang blockchain technology?


Isa itong decentralized at permanenteng talaan ng impormasyon, kung saan ang bawat transaksyon ay nai-record sa isang “block” na konektado sa mga nauna (chain). Kapag na-verify na ang isang entry, hindi na ito maaaring baguhin o burahin, kaya’t mas matibay ang proteksyon laban sa pang-aabuso o manipulasyon ng data kaysa sa tradisyonal na database.

Gamit ang blockchain technology, maitatala ang government financial transactions at budget allocations mula umpisa hanggang matapos para maging mas madali at bukas sa publiko ang pagsubaybay sa mga ito. Maaari rin itong paglagakan ng mga dokumento tulad ng Special Allotment Release Orders (SAROs) at Notices of Cash Allocation (NCAs) upang ang bawat mamamayan ay makakita at makaverify kailan at paano ginagamit ang pondo.

Dahil dito, magiging kauna-unahan ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na gagamit ng ganitong teknolohiya sa paggawa ng batas.

Panawagan ni Speaker

- Advertisement -

Nanawagan din si Dy na magkaroon ng commitment ang bawat isa sa Kongreso upang magkaisa.

“Gaya ng aking sinabi noon, ako’y inyong pagkatiwalaan bilang speaker. Patuloy nating gagawin ang lahat ng makakaya upang gawing mas bukas, mas malinaw at mas mapagkakatiwalaan ang Kongreso. May this be our shared commitment, let us be the sources of unity, not division, let us speak with clarity not confusion, let us choose to heal not to wound. Hindi man tayo laging magkakasundo, nawa’y mananatili tayong magalang, makatao, at may malasakit….” pahayag ni Dy.

Pahayag ni Leviste kaugnay ng ‘Cabral files’

Nauna rito, nagpahayag naman ng kagustuhan si Congressman Leandro Leviste na isapubliko ang mga allocable at komisyon ng bawat kongresista mula sa mga allocable budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Hinahangad niyang hindi magalit sa kanya ang kanyang mga kasamahan sa Kongreso at nagpahayag din ang baguhang mambabatas ng pangamba sa kaniyang kaligtasan dahil sa kaniyang isiniwalat.

Nakapost sa kanyang Facebook page ang listahan na ibinigay umano sa kanya ni dating DPWH Undersecretary Cabral bago ito namatay.

- Advertisement -

Sa panayam sa TV5 nitong Disyembre 29, sinabi ni Leviste na ayaw ng kanyang kapwa kongresman na isapubliko kung magkano ang kanilang natatanggap taun-taon mula sa “allocable” na pondo ng DPWH.

Aniya, kung idedetalye ang mga proyektong pumapaloob dito, mga flood-control projects ang karamihan dito na kapansin-pansin na mas malaki ang pondong inilalaan sa mga lugar na maraming kontratista, mayroong mas malaking pondo sa ilang lugar bagama’t kakaunti ang populasyon dito kung ikukumpara sa ibang lugar na di hamak na mas malaki ang populasyon.

Nilinaw ni Leviste na hangad ni DPWH Secretary Vince Dizon na magkaroon ng transparency sa mga proyekto ng gobyerno ngunit ayon kay Leviste, narealize ni Dizon ang maaaring maging consequence kung patutunayan din ng kalihim ang kaniyang inilabas na dokumento.

Magkano ang pondo sa mga flood control project?

Sa pahayag ni Pangulong Marcos Jr noong Agosto, sinabi niyang naglaan ng pondo ang pamahalaan mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025 ng halagang ₱545 bilyon.

Batay sa pagtataya ng Department of Finance, pagkawala ng pondo dahil sa katiwalian at “ghost projects” ay maaaring nasa pagitan ng ₱42.3 bilyon hanggang ₱118.5 bilyon sa pagitan ng 2023 hanggang 2025.

Ngunit para sa mga tagamasid, maaaring mas higit pa rito ang budget na napunta sa mga kurakot.

Nagbunga ng malawakang protesta sa iba’t ibang panig ng bansa ang pagkakasiwalat ng anomalyang ito kung saan hinihiling ng publiko na papanagutin ang mga nagkasala.

Pagbaha sa Cebu

Sa kasagsagan ng imbestigasyon sa mga flood-control projects nitong Nobyembre 4, binaha ang lungsod ng Cebu at karatig na bayan nito dahil sa bagyong Tino.

Ito ang pinakamalalang pagbaha na naranasan ng lungsod sa buong kasaysayan kung saan napawi ang maraming kabahayan at mahigit 100 ang namatay sa buong lalawigan.

Bago nito, nakaranas ng malakas na magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30 ang Cebu kung saan maraming gusali ang nabuwal at 79 ang namatay sa buong lalawigan.

Kasunod ito, bagama’t magkaiba ng pinagmulan, ng 7.4 magnitude na lindol sa Manay, Davao Oriental noong Oktubre 10.

Pagtaas ng presyo ng bilihin

Samantala,isa ring naging banta sa mga mamamayan ang inflation na nasawata naman, ayon sa Palasyo.

Nagpahayag ang Malakanyang na naprotektahan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga pinakamahihirap na pamilya sa pamamagitan ng pagpigil sa inflation at pagpapanatili na malakas ang ekonomiya sa 2025.

Pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo na sinusukat sa pamamagitan ng Consumer Price Index (CPI) ang inflation.

Ayon sa pahayag mula sa Malakanyang, napigilan ng mahigit kalahati mula sa 3.4% noong 2024 naging 1.6% lamang mula Enero hanggang Nobyembre 2025 ang inflation sa bansa.

“This continues a downward trend since President Marcos, Jr. assumed office, from 5.8% in 2022 and 6.0% in 2023,” ayon pa sa pahayag.

Dagdag pa nito, patunay ang tuloy-tuloy na pagbagal ng mga kaukulang aksyon ng administrasyon upang mapigilan ang pagtaas ng bilihin, masiguro at supply ng pagkain, at maprotektahan ang kakayahang bumili ng bawat tahanan lalo na sa bigas na syang pinakamalaking gastos ng mahihirap na pamilya.

“To put this in perspective, a 6% inflation rate means that your PHP 100 can buy only about PHP 94 worth of goods and services. But with inflation down to just 1.6% in 2025, that same PHP 100 can now buy about PHP 98.4 worth of goods and services,” paliwanag ni Executive Secretary Ralph Recto.

“Kaya napakahalaga nito para sa bawat pamilyang Pilipino, lalo na ang mga mahihirap. Kapag mababa ang inflation, napapanatili natin na abot-kaya ang mga pangunahing bilihin, lalo na ang pagkain,” dagdag niya.

Pagdakip ng ICC kay Duterte

Isa pa sa naging maugong na balita sa taong 2025, hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa, ang pagdakip ng Interpol kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Naging kontrobersyal ang pag-aresto kay Duterte dahil nang mangyari ito, hindi na kapanalig ng International Criminal Court (ICC) ang Pilipinas.

Kinukwestyon ng kampo ng dating Pangulo ang karapatan ng ICC para isagawa ito gayong nagbitiw na ang Pilipinas sa ICC sa panahon ng administrasyon ni Duterte.

Sinampahan ng ilang kaso si Duterte ng crimes against humanity dahil sa pagpatay ng mga awtoridad sa maraming sibilyan habang isinasagawa nya ang kanyang programa laban sa ilegal na droga.

Kasalukuyan pa ring nakakulong sa The Hague, Netherlands si Duterte sa kabila ng mga mosyong humihiling na palayain ito habang pinoproseso pa lamang ang kanyang kaso.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -