31.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

Alaala, gamugamo, paruparo sarisari: tama bang walang gitling?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG ako’y nasa elementarya at hayskul, may gitling ang mga salitang ito: ala-ala, gamu-gamo, gunam-gunam, guni-guni, sari-sari. Pero noong mga dekada 70, nagpalabas ang noo’y Surian ng Wikang Pambansa (SWP, Komisyon sa Wikang Filipino o KWF na ngayon) ng mga bagong tuntunin sa pagbaybay at paggamit ng gitling at kudlit. Ayon sa tuntuning ito, hindi na dapat lagyan ng gitling ang naturang mga salita, kaya ganito na dapat ang maging anyo: alaala, gamugamo, gunamgunam, guniguni, sarisari.

Kasabay nito’y tinanggal na rin ang kudlit sa mga salitang BAKIT, DATAPWAT, NGUNIT, SAPAGKAT, SUBALIT, na dating isinusulat nang paganito: BAKI’T, DATAPWA’T, NGUNI’T, SAPAGKA’T, SUBALI’T. May nawawala kasing letra sa mga salitang ito, na ang tunay na anyo ay BAKIN AT, DATAPWA AT, NGUNI AT, SAPAGKA AT, SUBALI AT. Sa paglipas ng panahon, wala nang gumagamit ng BAKIN, DATAPWA, NGUNI, SAPAGKA, at SUBALI, at ang nanatiling anyo na lamang ay iyong may kakabit na AT. Para maging mas simple na lamang, tinanggal na ang kudlit, total naman ay hindi na nakikita ang lumang anyo. Ngunit pinapanatili ang kudlit sa BAGAMA’T sapagkat may gumagamit pa raw ng BAGAMAN. Ngunit sa ngayon, marami nang gumagamit ng BAGAMAT na walang kudlit.

Tama bang alisin ang gitling sa alaala, gamugamo, paruparo?

Ayon sa tuntunin sa paggamit ng gitling, nilalagyan ng gitling ang mga salitang inuulit. Kaya’t nakagawian nang gitlingan ang alaala, gamugamo, paruparo. Pero 1939 pa pala, ipinahayag na ni Lope K. Santos (LKS) sa kanyang Balarila ng Wikang Pambansa na walang gitling ang sumusunod na mga salita: alaala, balubalô, dilidili, gamugamo, gunamgunam, paruparo, sarisari, taratara at tawitawi. Kaya nakapagtataka kung bakit dekada ’70 lamang tinanggal ng SWP ang gitling sa mga salitang ito. Wala raw salitang ALA, DILI, GAMO, PARO, SARI, atbp., kaya hindi masasabing salitang inuulit ang mga ito.

Suriin natin ang mga salitang binanggit ni LKS. Wala nga bang mga salitang ALA, BALO, DILI, GAMO, PARO, SARI, atbp?


Totoo nga na walang gumagamit ng salitang ALA lamang, lagi itong inuulit: alaala. Nangangahulugang gunita; maaari ring mangahulugang handog o regalo. Wala ring mababasa o maririnig na GAMO at PARO, gayon din ang BALO. (Iba naman ito sa BALO, na nangangahulugang babae o lalaking namatayan ng asawa. Widow/widower sa Ingles).

Pero ang DILI ay ginagamit sa ganitong paraan: Maghunos-DILI ka, na ang ibig sabihin ay huminahon ka, o mag-isip-isip bago gumawa ng ano mang hakbang. Isa pang halimbawa: kumain-dili (halos hindi kumakain); dumalaw-dili, bihirang dumalaw; paroon-dili, madalang pumaroon. Pwede ring: Kunin mo ito o DILI kaya ay iyon – may pagpipilian ka – ito o iyon. Samakatwid, ang DILI ay magagamit sa ibang kombinasyon ng mga salita at hindi lamang sa anyo nito na inuulit.

Kapag inuulit, ang DILI-DILI ay nangangahulugang pag-iisip na mabuti, pagninilay-nilay.

Tingnan naman natin ang GUNAM-GUNAM. Nangangahulugan itong pag-iisip sa mga  bagay na ibig gawin o ibig mangyari. Ang GUNI-GUNI naman ay mga larawang nabubuo sa isip o mga palagay na hindi tunay na nangyayari. Totoo ngang hindi nagagamit nang mag-isa ang GUNAM at GUNI. Laging inuulit: gunam-gunam, guni-guni.

- Advertisement -

Ngunit iba naman ang kaso ng SARI. Naipaliwanag na natin na ito ay salitang ugat na nangangahulugang “isa sa mga angkan ng tao, hayop o halaman” (KWF Diksyunaryo, 1998), species, kung gayon, sa Ingles. Kaya may salitang SARI-BUHAY, na tumutukoy sa magkakaibang uri ng buhay ng hayop at halaman. Sa diksyunaryo nina Noceda at Sanlucar, ang SARI ay nanganghulugang “pagkakaiba-iba ng mga bagay na magkakasama o magkakahalo.” Sari ang ugat ng KASARIAN (ka-+SARI-+-AN). Mayroon ding SAMOT-SARI, na nangangahulugang maliliit at magkakaibang mga bagay.

Naghanap ako ng mga sanggunian para hanapin ang kahulugan ng TARATARA at TAWITAWI perao wala akong nakitang diksyunaryo na may entri ng ganitong mga salita. Samantala, may BALOBALÓ kay Noceda at Sanlucar, na ang kahulugan ay “mapagkunwari.” Mabilis ang bigkas, samantalang ang kay LKS ay maragsa. Kaya hindi ko alam kung iisang salita lamang mga ito. Maaari rin namang ito’y mga salitang hindi na ginagamit sa ngayon, kaya wala sa mga diksyunaryo.

Mga salitang laging inuulit

Ito ang aking palagay: Ang ALAALA, GAMUGAMO, GUNAMGUNAM, at PARUPARO ay kabilang sa maliit na grupo ng mga salita na laging inuulit. Hindi ginagamit nang mag-isa ang mga salitang ito, kaya wala tayong mababasa o maririnig na ALA, GAMO, PARO dahil gayon nga, laging may pag-uulit, ngunit ang mga ito ay salitang ugat na, kaya nga lamang ay laging may pag-uulit. Maaaring may makita pa tayong iba pang mga salitang kauri nito; kailangan lamang na magsuri pang lalo ng mga lumang teksto.

Matatandaan ang nauna ko nang talakay tungkol sa bilang ng pantig na bumubuo ng mga salitang ugat. Karaniwang dalawang pantig lamang ang salitang ugat sa ating wika; kapag ang salita ay may higit sa dalawang pantig, alin sa dalawa: may panlapi na ito o baka naman hiram.

Ganito ang sinabi ni LKS, sa p. 28 ng Balarila: “Mapapansing lahat ng mga kahahanay pang halimbawa ay panay na dadalawahing pantig. Hindi ibig sabihin nitong pulos na dadalawahin lamang ang mga salitang ugat. Mayroon din namang mangilan-ngilang iisahing pantig; marami ang mga tatatluhin at hanggang aapatin o lilimahin pa. Nguni, sa mga ito’y may kahirapan nang tumiyak ng kung alin-alin ang tunay na ugat, at alin-alin ang may halo na, o haluang natipik lamang at nagmimistulang salitang ugat na rin.”

- Advertisement -

Inamin ni LKS na hindi layon ng balarila na hukayin ang kaugat-ugatan ng mga salita kundi ilahad ang mga katangian ng magkakauri at magkakabagay at ihanay ang mga tuntunin sa wastong gamit ng isa’t isa sa pangungusap. Kaya, masusuhayan nito ang aking paniniwala na dalawang pantig lamang ang mga salitang ugat.

Samantala, may binanggit siyang iilang salitang ugat na may iisahing pantig lamang. Wala akong maisip na halimbawa nito, sa kasalukuyan. Ang totoo, ang mga salitang hiram, na may isang pantig lamang, ay dinadagdagan natin ng isa pang pantig upang maging dalawang pantig. Mga halimbawa: TSA, na binibigkas na TSAA, at GAS, na binibigkas na GAAS. Maaaring ngayon ay hindi na maririnig ang TSAA at GAAS dahil nasanay na ang mga dila natin sa mga salitang hiram, kahit pa iisahing pantig.

Ngunit noong panahon ni Balagtas, ang mga letrang Kastila na may isang pantig lamang ay binibigkas nang may dagdag na pantig (dahil nga doon sanay ang mga dila natin). Kung hindi mo alam ang bagay na ito, iisipin mong nagkamali ng bilang ng pantig ang huling taludtod ng “Kay Celia” mula sa Florante at Laura: “Ang tapat mong lingkod na si F.B.” Lalabing-isa, gayong ang sukat ng tula ay 12 pantig. Ito ay dahil ang bigkas ng inisyal ni Balagtas, ang F. B. ay “EFE BE.E.” Hindi ang Ingles na /ef.bi/. Ang bigkas-Kastila ay /EFE BE/ pero sa mga Tagalog, may dagdag ngang pantig, kaya BE.E ang bigkas sa letrang B /be/.

Dagdag kaalaman ito para sa inyong mga nagtuturo ng Florante at Laura sa Grade 8.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -