MAGHAHAIN ang Commission on Higher Education (CHED) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mga pamantayan para sa cash-based Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program na nakatuon para sa mga pamilyang kabilang sa low- hanggang middle-income.
“Mayroon itong P634 million to cover 20,000 slots and this is across the country. We are scheduled to present the guidelines mamaya kay President BBM kasi ito ang kanyang number one na ibinigay sa amin sa bagong administrasyon ng CHED,” ayon kay CHED Chairperson Dr. Shirley Agrupis sa isang press briefing ngayong Martes sa Palasyo.
Sa ilalim ng merit-based scholarship, hinihikayat ang mga mag-aaral na mag-enroll sa mga priority program ng gobyerno sa pribado o state universities and colleges.
Para sa mga iskolar na mag-e-enroll sa state universities and colleges (SUCs) sa Metro Manila, maaari silang makatanggap ng P25,000 kada semester na stipend at PhP4,000 allowance para sa libro at connectivity, para sa kabuuang benepisyo na P29,000 kada semester, ayon kay Agrupis.
Mas mababa ang stipend para sa mga iskolar na naka-enroll sa SUCs sa labas ng National Capital Region.
Para naman sa mga nag-aaral sa pribadong unibersidad sa NCR, makatatanggap sila ng P75,000 tuition fee subsidy, P25,000 stipend, at P4,000 allowance para sa libro at connectivity.
Ang kabuuang taunang suporta para sa mga estudyanteng nag-enroll sa pribadong unibersidad ayP208,000 para sa mga nasa NCR at P98,000 para sa mga nasa labas ng Metro Manila.
Ipinaliwanag ni Agrupis na ang slot selection ay isasagawa kada rehiyon, gamit ang formula na binuo ng CHED.
“We already have here the number of senior high schools per region, and then we designated the top five (students), kasi this is, I call it the triple A scholarship program, based on the general weighted average, iyong top five ang kukunin namin,” pahayag ni Agrupis.
(“Mayroon na kaming bilang ng mga senior high schools kada rehiyon at itinalaga na naming ang top five na mga estudyante. Kasi ito ay tinatawag naming Triple A Scholarship Program, base sa general weighted average, iyong top five ang kukunin namin.”)
“Mayroon na po silang pag-asa na matupad ang kanilang mga ambisyon at makatulong sa pagbuo ng Bagong Pilipinas,” dagdag ni Agrupis. | PND



