TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) na ang mga salary increase, pensyon, at retirement benefits ng mga kawani ng gobyerno ay hindi maaantala o mababawasan sa ilalim ng 2026 National Budget, ayon sa Malacañang.
Pinabulaanan ng Palasyo ang kumakalat na balitang mayroong budget cuts, kasabay ng pahayag na kasinungalingan at misleading ang mga balitang ito.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, binigyang-diin ng DBM na mananatiling buo ang sahod, mga aprubadong dagdag, at benepisyo ng mga empleyado ng gobyerno, at may nakalaang pondo sa kani-kanilang ahensya para dito.
“Mayroon pong gustong linawin ang DBM. May kumakalat na balita na maaantala o maapektuhan daw ang salary increases at retirement benefits ng mga guro, kawani ng gobyerno at uniformed personnel sa 2026 national budget. Hindi po ito totoo. Walang tinanggal na pondo,” ani Castro sa isang press briefing sa Palasyo nitong Martes.
Nilinaw ni Castro na ang pondo ay inilipat lamang sa tamang ahensya upang masiguro ang mas direkta, mas mabilis, at mas malinaw na paglabas ng benepisyo, lalo na para sa uniformed personnel.
“Ang sinasabing PhP24 bilyon ay hindi binawas o kinansela. Inilipat lang ito sa tamang ahensya para sa mas diretso, mas mabilis at mas malinaw na paglabas ng benepisyo lalo na para sa subsistence allowance ng uniformed personnel,” paliwanag niya.
“Buong-buo ang sahod at salary increases. Ang salary increases ng kasalukuyang civilian employees at uniformed personnel ay nasa budgets ng kani-kanilang ahensya. Walang delay, walang bawas, walang mawawala,” dagdag pa ni Castro.
“Hindi apektado ang pensyon ng uniformed personnel. Mananatiling buo ang pensyon, ang mga bagong magri-retire sa optional retirement ay dadaan pa rin sa umiiral na proseso,” ayon pa kay Castro.
Noong Lunes, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang PhP6.793 trilyong pambansang budget para sa Fiscal Year 2026, na nagpapatuloy sa momentum sa reporma sa edukasyon, proteksyon sa kalusugan, seguridad sa pagkain, social security, at paglikha ng trabaho habang pinapalakas ang safeguards laban sa korapsiyon.
Tiniyak din ni Castro na may mga nakahandang mekanismo upang masiguro ang sapat na pondo para sa mga karagdagang personnel, dahil may mga nakalaang alokasyon sa 2026 General Appropriations Act (GAA) for Miscellaneous and Personnel Benefits Fund.
“Kung kailangan naman ng karagdagang pondo para sa mga uniformed personnel na sumasailalim sa optional retirement, meron po tayong nakaantabay na pension and gratuity fund sa GAA,” dagdag niya.
“Kung ang mga ito po ay magkulang, mayroon pa rin tayong contingent fund na maaaring matakbuhan. Huwag po tayo magpalinlang, ikalat natin ang katotohanan,” ani Castro. | PND



