MAGSASAGAWA ang Senate Committee on Finance ng mahigpit na oversight upang mabantayan at matiyak ang maayos na paggastos sa makasaysayang P1.3 trilyong pondong ilalaan para sa sektor ng edukasyon ngayong taon.
Ito ang tiniyak ni Senador Win Gatchalian kasunod ng paglagda ng Pangulo sa General Appropriations Act, kung saan P1.35 trilyon ang inilaan para sa sektor ng edukasyon. Katumbas ito ng 4.4% ng Gross Domestic Product (GDP). Ito ang unang pagkakataong nasunod ng bansa ang rekomendasyon ng UNESCO na maglaan ng 4 hanggang 6 porsyento ng GDP sa edukasyon.
“Isang hakbang ang paglalaan natin ng malaking pondo para sa edukasyon, ngunit mahalaga ring matiyak nating magagamit ito nang tama para sa kapakanan ng ating mga mag-aaral at mga guro,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Kabilang sa binigyang prayoridad sa pondo ng edukasyon ang mas pinabilis na pagpapatayo ng mga silid-aralan. Umabot sa P85 bilyon ang pondong inilaan para sa naturang programa. Binigyang prayoridad din ang P25.6 bilyon para palawigin hanggang 200 ang 120 na feeding days ng School-Based Feeding Program.
Umabot naman sa P37.4 bilyon ang inilaan para sa Universal Access to Quality Tertiary Education o libreng kolehiyo.



