NAGHAIN si Sen. Idol Raffy Tulfo ng isang panukalang batas na naglalayong maisabatas ang pagkakaloob ng abot-kaya at accessible na hospital services para sa lahat ng guro sa pampublikong paaralan at kanilang mga dependents.
Sa paghahain ng Senate Bill (SB) No. 1585, binanggit ni Sen. Tulfo ang 2023 study na inilathala sa Acta Medica Philippina na kung saan napag-alaman na maraming guro sa Pilipinas ang nakararanas ng stress-related disorders, altapresyon at iba pang karamdaman bunsod ng kakulangan sa access sa preventive healthcare.
Maliban dito, binanggit din ni Sen. Raffy ang sinabi ng World Health Organization (WHO) na ang mga guro ay prone sa occupational burnout at chronic fatigue kapag hindi sapat ang mga sistemang sumusuporta sa kanilang kalusugan.
Pero sa kabila ng mga hamong ito, sinabi ni Sen. Raffy na nananatiling limitado ang mga benepisyong pangkalusugan at pang-ospital para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Kaya sa ilalim ng SB No. 1585, inaatasan ang lahat ng pampublikong ospital na magbigay ng preventive, promotive, diagnostic, curative, at rehabilitative na serbisyong pangkalusugan; magkaloob ng hindi bababa sa 10% discount sa konsultasyon at gastusing pang-ospital ng mga guro; at magtatag ng fast lane facilities para sa kanila.
Sa pamamagitan ng pagtiyak ng access sa serbisyong pang-ospital at mga benepisyong medikal, tinutugunan ng panukalang ito hindi lamang ang mga hindi pagkakapantay-pantay sa kalusugan na nararanasan ng mga guro sa pampublikong paaralan, kundi pinatitibay rin ang kabuuang sektor ng pagtuturo.



