28.5 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

DBM tiniyak ang salary increase, dagdag allowance, at mas matinding suporta para sa MUPs sa 2026

- Advertisement -
- Advertisement -
MULING pinatunayan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na prayoridad nito ang kapakanan ng mga sundalo at iba pang military at uniformed personnel (MUPs), matapos ilahad ng Department of Budget and Management (DBM) ang malinaw at tiyak na pondo para sa kanilang sahod, allowance, at benepisyo sa ilalim ng FY 2026 National Budget.
Sa isang press conference sa Malacañang, binigyang-diin ni DBM Secretary Rolly Toledo na ang 2026 budget ay hindi usapin ng politika kundi pagkilala sa araw-araw na sakripisyo ng mga MUPs na nagbabantay sa bayan—kahit pagod, puyat, at malayo sa kanilang pamilya.
“Malinaw ang mensahe ng 2026 National Budget: nakikita namin kayo, naririnig namin kayo, at hindi namin kayo kailanman pababayaan,” ani Toledo.
Ayon sa DBM, sisimulan na sa 2026 ang unang tranche ng pagtaas ng base pay ng military at uniformed personnel, alinsunod sa Executive Order No. 107. May malinaw at nakalaang P21.7 bilyon para rito—P15.4 bilyon para sa aktibong serbisyo at P6.3 bilyon para sa pension obligations.
“Hindi ito sinulat lang sa tubig—sigurado ito at may nakalaan nang pondo,” diin ni Toledo.
Kasabay nito, itinaas din ang subsistence allowance mula P150 sa P350 kada araw, na epektibo simula Enero 1, 2026. May kabuuang P71.5 bilyon na inilaan upang masigurong tuloy-tuloy ang dagdag na benepisyong ito.
“Ang dagdag sa subsistence allowance ay hindi luho at hindi pabor—ito ay pagkilala na ang nagbabantay sa bayan ay dapat may sapat na pagkain, lakas, at nutrisyon araw-araw,” pahayag ng DBM Secretary.
Mahigit 10,000 bagong MUP positions sa 2026
Bukod sa sahod at allowance, kasama rin sa FY 2026 National Budget ang pagpapalakas ng hanay ng mga naglilingkod. May nakalaang P4.06 bilyon para sa paglikha ng 10,077 bagong military at uniformed positions sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, upang gumaan ang bigat ng trabaho at mas mapatatag ang kakayahan ng pamahalaan na tumugon sa panganib, krisis, at sakuna.
Ang mga bagong posisyon ay ipamamahagi sa mga sumusunod na ahensya:
• 1,358 sa Armed Forces of the Philippines
• 2,000 sa Philippine National Police
• 2,000 sa Bureau of Fire Protection
• 2,000 sa Bureau of Jail Management and Penology
• 1,000 sa Bureau of Corrections
• 1,719 sa Philippine Coast Guard
Binigyang-diin din ng DBM na ang mga posisyong ito ay hindi basta dagdag bilang sa plantilla.
“Hindi lang ito numero—ito ay karagdagang kamay, karagdagang lakas, at karagdagang proteksyon para sa bayan,” ani Toledo.
Dagdag pa ng DBM, mahalaga ang paglikha ng mga bagong posisyon upang masigurong hindi nalulunod sa trabaho ang kasalukuyang mga kawani, at mas handa ang bansa sa mga banta sa seguridad at emerhensiya.
Paglilinaw sa mga isyu at alegasyon
Nilinaw din ng DBM na walang maaantala, mawawala, o mababawasan sa salary increases, allowance, at retirement benefits ng military at uniformed personnel.
“Ang mga pondong sinasabing “naalis” umano sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations ay hindi kinansela. Ang mga ito ay inilipat lamang mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund patungo sa mismong budget ng kani-kanilang ahensya, bilang bahagi ng patakaran ng pamahalaan na ilagay ang regular na benepisyo sa mas direktang budgetary allocation,” ani Toledo
Aniya, layunin nito na gawing mas mabilis, mas malinaw, at mas direkta ang paglabas at paggamit ng pondo.
Nilinaw rin ng DBM na ang salary increases ng lahat ng kasalukuyang kawani ng gobyerno— civilian man o uniformed— ay nakapaloob na sa budget ng kani-kanilang ahensya. Hindi ito tinanggal, hindi ipinagpaliban, at hindi maaapektuhan.
Pagdating naman sa pensyon, tiniyak din ng DBM na hindi ito apektado, at may sapat na mekanismo ang pamahalaan, kabilang ang Special Purpose Funds tulad ng Miscellaneous Personnel Benefits Fund at Pension and Gratuity Fund, upang tugunan ang anumang karagdagang pangangailangan kung kinakailangan.
“Hindi binawasan ang pondo—iniayos lang para mas diretso, mas mabilis, at mas malinaw ang benepisyo para sa ating mga MUPs,” diin ni Toledo.
Binigyang-diin ng DBM na malinaw ang paninindigan ng pamahalaan sa ilalim ng 2026 National Budget: ang naglilingkod ay aalagaan, ang nagbabantay sa bayan ay susuportahan, at ang sakripisyo ay kikilalanin nang may dignidad at malasakit.
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -