28.5 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Sen Legarda humanga sa husay ng paghabi ng T’nalak ng mga T’boli sa Lake Sebu

- Advertisement -
- Advertisement -

MASAYANG ibinalita ni Senator Loren Legarda Ang kanyang pagbisita sa Lake Sebu.

“Napakayaman ng kultura ng mga T’boli sa Lake Sebu, at ang pagkakataong ito na mabisita ko ang Lang Dulay GAMABA Center ay isang paglalakbay ng puso tungo sa ugat ng ating pambansang identidad. Nasaksihan ko ang metikulosong proseso ng paghahabi ng T’nalak na patuloy na isinasagawa ng kanyang mga apo, habang ang mga kabataan ay masiglang sumasayaw ng tradisyunal na T’boli dance na Madal Tahu. Ang weaving center ay nagiging daluyan ng sining at pamana ng kanilang komunidad, na lalo pang yayabong sa mga darating na panahon.

”Si Lang Dulay (1928–2015), tinaguriang “Dreamweaver,” ay ginawaran ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan noong 1998, bilang pagkilala sa kanyang “pinakamataas na kahusayan” sa sining ng T’nalak. Sa pamamagitan ng ikat (tie-dye) technique gamit ang hibla ng abaka na kasing-pino ng buhok ng tao, kanyang hinabi ang mga alaala ng T’boli, mula sa bulinglangit (mga ulap), kabangi (paru-paro), bankiring (hair bangs), buwaya, at mga anyo ng kabundukan at ilog. Ang kanyang sining ay naging buhay na salin ng kasaysayan at panaginip ng kanyang mga ninuno.

”Sa aking pag-akyat sa kanyang dambana upang mag-alay ng bulaklak, dama ko ang bigat ng kanyang ambag at ang init ng kanyang alaala. Bagaman siya ay pumanaw na, nananatiling buhay ang kanyang pamana sa bawat hibla ng T’nalak na kanyang hinabi, mga salaysay ng katapatan, pag-ibig, at dangal ng T’boli.”

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -