BAGAMA’T masakit makita ang sinapit ng ilan sa kanyang mga kasamahan sa iskandalo ng mga maanomalyang flood control project, nagsalita na ang ebidensya, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Miyerkules, Enero 21.
Diin ni Lacson, na namumuno sa Senate Blue Ribbon Committee, dapat maging patas ang imbestigasyon sa naturang isyu, at susunod lamang kung saan patungo ang ebidensya, nang hindi namimili ng titirahin o pagtatakpan.
“Hindi nakakatuwa ito na ang mga kasamahan namin na-involve. At ito ang sinasabi natin, masakit man pero lagi kong sinasabi kung saan kami dadalhin ng evidence doon kami pupunta. Di kami magpilit maghanap ng ebidensya laban sa mga tao na iba pa naman kasama namin sa Senado,” aniya sa panayam sa DZMM radio.
“Masakit sa amin yan. Sa akin particularly. At nararamdaman din ito ng ilang member na regularly and actively nagpa-participate. Pero wala tayong magagawa. Kung maginvestigate tayo, mainly in aid of legislation, para pagtakpan ang ibang personalities e huwag na lang tayo magimbestiga,” dagdag niya.
Binalikan ni Lacson ang kanyang opening statement sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee noong Lunes, kung saan niya binigyang-diin na hindi gagamitin ang imbestigasyon para mang-target o magprotekta ng sinuman.
“Fair is fair. Kaya mine-maintain ko may integrity ang ginagawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee, in fairness to members who are actively participating,” aniya.
Sa mga nakaraang pagdinig ng Blue Ribbon Committee, iba’t ibang ebidensya — kabilang ang mga dokumento at testimonya — ang iprinisinta na nag-uugnay sa ilang senador sa mga iregularidad sa mga flood control project.
Ani Lacson, karamihan sa mga ebidensyang ginamit sa pagbuo ng mga kaso laban sa mga sangkot ay nagmula sa mga pagdinig ng komite. Dahil dito, dagdag niya, hindi lang nakakainsulto ang tangka ng ilang kapwa senador na maliitin ang trabaho ng Blue Ribbon Committee.
“(It is also) at the very least unfair, not just to me but the members who have actively participated and contributed in no small measure to the ongoing investigations by the Ombudsman and Department of Justice,” aniya.
“Binibigyan namin ng kopya ang nakukuha naming evidence, pati mga testimony, ang DOJ and Ombudsman. Kaya sila nakakuha ng sapat na evidence para makapag-establish ng probable cause kaya ngayon may arrest warrants na lumabas,” saad niya.



