IGINIIT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang malaking papel ng demokratikong partisipasyon sa paghubog ng magandang kinabukasan sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM), partikular na sa paglahok ng mga Bangsamoro sa paparating na eleksyon.

Ito’y isa anyang malaking pagkakataon para marinig ang kanilang boses at mapaigting ang kanilang responsibilidad para sa isang makataong pamahalaan.
“It is our hope that the upcoming BARMM elections will serve as an opportunity for our Bangsamoro brothers and sisters to freely express their voices and aspirations,” pahayag ng Pangulo sa pagbubukas ng pagdiriwang ng ika-pitong anibersaryo ng pagkakatatag ng BARMM na ginanap sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa Cotabato City.
(“Hangad ng pamahalaan na ang nalalapit na halalan sa BARMM ay magsilbing pagkakataon upang maipahayag ng bawat kapatid natin sa Bangsamoro ang kanilang tunay na boses at mithiin.”)
“We aspire to further strengthen a leadership that truly serves the people—one that reinforces democracy and accountability,” dagdag ng Pangulo.
(“Hangad nating mapagtibay pa ang isang pamumunong nagsisilbi para sa sambayanan. Ito ang magpapatibay ng demokrasya at pananagutan.”)
Ayon pa sa Pangulo, dapat pamanahan ang mga susunod na henerasyon ng uri ng pamamahala na nagtataguyod ng pananagutan, pakikilahok, at sama-samang responsibilidad.
“My fellow Filipinos, we must stand as guardians of the progress that we have made through peace. Let us always choose unity and cooperation over division,” diin ni Pangulong Marcos.
“Mga kababayan, kailangan nating pangalagaan ang mga bunga ng kapayapaan. Piliin nating magkaisa at magtulungan sa halip na magka-watak-watak.”)
“So, together, let us build a Bagong Pilipinas marked by peace, by unity, and a shared belief in a brighter future,” pagtatapos ng Pangulo.
(“Sama-sama nating buuin ang Bagong Pilipinas na may kapayapaan, pagkakaisa, at magkakasamang paniniwala sa mas magandang kinabukasan.”)
Naitatag ang BARMM bilang kapalit ng dating Autonomous Region In Muslim Mindanao (ARMM) sa pamamagitan Bangsamoro Organic Law o Republic Act No. 11054 na isinabatas noong 2018 at niratipikahan sa plebisito noong Enero 21 at Pebrero 6, 2019.
Kinikilala ang Enero 21 na Bangsamoro Foundation Day bilang pag-alaala sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law sa pamamagitan ng 2019 plebiscite-isang makasaysayang pangyayari na pormal na nagtatag ng BARMM.
“It marks an important chapter in our nation’s history, not just the history of Muslim Mindanao but of the entire Republic of the Philippines, and it is a landmark in our fight to achieve genuine progress and unity,” diin ng Pangulo.
(“Ito ay isang mahalagang yugto sa ating kasaysayan at sa ating pakikibaka upang makamit ang tunay na pagkakaisa. Patunay ito na ang kapayapaan ay bunga ng sakripisyo, dayalogo, at matibay na paniniwala na ang pagkakaisa ang susi sa pangmatagalang kapayapaan.”)
Ayon sa Punong Ehekutibo, ang pagtatag ng BARMM ay isang patunay sa layunin ng gobyerno, iba’t ibang sektor ng lipunan, mga Bangsamoro, at mga katuwang sa international community na makamit ang kapayapaan, pagkakaisa, at pag-unlad.
“It shows that public service becomes more meaningful when it is carried out in the spirit of solidarity and collaboration,” sabi pa ng Pangulo.
(“Ipinapakita nito na mas nagiging makabuluhan ang ating paglilingkod sa sambayanan kung ito ay isinasagawa sa diwa ng pagtutulungan at pagkakaisa.”)
Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “BARMM 2026: Simbolo ng Pagkakaisa, Pag-alaala sa mga Sakripisyo at Pagpapatuloy ng mas Matatag na Bangsamoro.” | PND



