26.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Gatchalian isinusulong ang Agri Info System Bill para pababain ang presyo ng pagkain

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG digitalization ng datos sa agrikultura ang susi sa pagpapataas ng produktibidad at mainam na paraan para maiwasan ang pagtaas ng presyo ng pagkain, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Ang isang agricultural information system (AIS) ay magbibigay ng real-time na impormasyon tungkol sa ani ng mga pananim, pangangailangan ng merkado, at iba pang mahahalagang datos sa pagsasaka. Makakatulong ito upang bigyang lakas ang mga magsasaka na mapaganda ang kanilang mga ani at maiwasan ang pagtaas ng presyo,” ani Gatchalian kasabay ng paghahain niya ng Senate Bill 1653, na naglalayong magtatag ng AIS sa lahat ng lalawigan, lungsod, at munisipalidad sa bansa.

“Ang nararanasan natin ngayong pagtaas ng presyo ng ilang bilihin sa palengke, tulad ng gulay, ay maiiwasan kung merong agricultural information system,” dagdag pa niya.

Ang ipinapanukalang AIS ay pamamahalaan ng Department of Agriculture (DA) at magiging isang integrated, computerized, at web-based na sistema para sa imbentaryo at rehistro ng mga suplay ng produktong pang-agrikultura na mag-uugnay sa mga magsasaka at mga komunidad sa buong bansa.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang sistemang ito ay magbibigay sa mga magsasaka ng access sa real-time na lokal at pandaigdigang impormasyon na makakatulong para palawakin ang ugnayan sa pagitan nila at ng mga mamimili.

Idinagdag pa niya na bukod sa pagpapanatili ng katatagan ng presyo, ang AIS ay magpapatatag sa ugnayan ng mga magsasaka at end-users, naglalayong bawasan ang anumang dagdag sa presyo na gawa ng mga middleman, magpapababa sa aksaya ng pagkain, at tutulong sa pamahalaan na bumuo ng mga polisiyang matibay laban sa climate change.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -