26.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Isinampang kaso laban kay VP Sara Duterte ni Trillanes, Silent Majority, alamin

- Advertisement -
- Advertisement -

ISANG panibagong serye ng plunder, malversation, at graft complaints ang isinampa laban kay Vice President Sara Duterte sa Office of the Ombudsman nito lamang Enero 21, 2026, ng dating senador na si Antonio “Sonny” Trillanes IV at ng civil society group na The Silent Majority.

Larawan mula sa The Manila Times

Ang reklamo, na may 41 pahina, ay naglalaman ng mga alegasyon hinggil sa umano’y maling paggamit ng bilyon-bilyong pisong pondo ng gobyerno sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang mayor ng Davao City, kalihim ng Department of Education (DepEd), at bilang bise presidente ng Pilipinas.

Sino ang naghain at saan ito iniharap

Ang mga reklamo ay inihain sa Office of the Ombudsman, isang independent constitutional body na may kapangyarihang magsiyasat at magsampa ng kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno na pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian.

Ayon kay Antonio Trillanes IV, ang pagsasampa ng kaso ay hindi lamang para sa imbestigasyon kundi upang maimbestigahan ang kabuuang lawak ng mga transaksiyong may kinalaman sa pondo ng gobyerno.


“Kailangang mabahala ang mga kababayan natin dito. Hindi lang ito sabi-sabi. Hindi ito paninira. Kasi kung paninira, hanggang Facebook lang ‘yan. Ito, dinala namin sa Ombudsman,” ayon kay Trillanes.

Ang mga kasong isinampa

Plunder

Ang plunder ay isang krimen sa ilalim ng Republic Act No. 7080 (Anti-Plunder Law). Nangyayari ito kapag ang isang opisyal ng gobyerno ay umano’y nakalikom o nakinabang ng hindi bababa sa ₱50 milyon sa pamamagitan ng sunod-sunod na katiwalian, pang-aabuso sa kapangyarihan, o maling paggamit ng pondo ng bayan.

- Advertisement -

Graft

Ang graft ay paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), kung saan ang isang opisyal ay gumamit ng kaniyang posisyon upang magkaroon ng hindi makatarungang pakinabang.

Malversation

Ang malversation ay ang ilegal na paggamit ng pondo ng gobyerno — kapag ang perang inilaan para sa isang partikular na layunin ay ginamit sa ibang bagay na hindi pinahihintulutan ng batas.

Confidential Funds

Isa sa pangunahing punto ng reklamo ay ang paggamit ng Confidential at Intelligence Funds (CIF).

- Advertisement -

Ang confidential funds ay pondo ng gobyerno na inilaan para sa mga sensitibong operasyon, kadalasang may kinalaman sa seguridad. Hindi ito detalyadong ipinapakita sa publiko, ngunit may itinakdang alituntunin pa rin sa paggamit at pag-audit.

Ayon sa reklamo, binanggit ang ₱650 milyon na confidential at intelligence funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2023
₱2.735 bilyon na confidential funds na ginamit ng Davao City mula 2010 hanggang 2022, sa panahon na si Duterte ay mayor

Ayon kay Jocelyn Acosta, founder ng The Silent Majority:

“Pinapakita ng complaint na ito na ang kabuuang halaga ng mga nilimas o winaldas ay maihahanay sa pinakamalalaking anomalya sa kasaysayan ng paggamit ng confidential funds,” ayon kay Acosta sa panayam sa media.

DepEd related allegations

Bukod sa confidential funds, detalyado ring inilatag sa reklamo ang mga umano’y iregularidad sa Department of Education noong si Duterte ay kalihim nito. Kabilang sa mga binanggit ay:

  • ₱8 bilyon na umano’y overpriced laptops sa ilalim ng DepEd Computerization Program
  • ₱12.3 bilyon na COA disallowances

Ano ang ‘COA disallowances’?

Ang disallowances ay mga gastusing hindi pinahintulutan ng Commission on Audit (COA) dahil sa kakulangan sa dokumento, hindi pagsunod sa batas, o paglabag sa patakaran.

  • ₱7 bilyon na unliquidated cash advances

Ano ang ‘Unliquidated Cash Advances’?
Ito ay mga perang inilabas ng gobyerno para sa gastusin ngunit hindi naipaliwanag o napatunayan kung saan ginamit sa itinakdang panahon.

SALN at undeclared assets

Kasama rin sa reklamo ang alegasyon na may higit ₱2 bilyon umanong hindi naideklarang assets sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte. Ang SALN ay isang dokumentong kailangang isumite ng lahat ng opisyal ng gobyerno upang ipakita ang kanilang ari-arian, utang, at yaman habang nasa serbisyo publiko.

Drug money at ang testimonya

Isa sa pinaka-sensitibong bahagi ng reklamo ay ang alegasyong tumanggap umano ng pera si Duterte mula sa isang drug lord noong siya ay mayor ng Davao City. Ang alegasyong ito ay batay sa sworn statements ni Ramil Madriaga, dating aide ni Duterte at founder ng Inday Sara Duterte Is My President (ISIP Pilipinas).

Ayon kay Trillanes: Nakausap ko siya bago namin isinama ang kaniyang testimonya. May pahintulot ng abogado niya at malinaw ang kaniyang mga pahayag,” ayon kay Trillanes.

Ano ang ibig sabihin ng ‘bagman’?

Sa reklamo, inilalarawan si Madriaga bilang dating “bagman”, isang terminong ginagamit upang ilarawan ang taong nagdadala o naghahatid ng pera, kadalasan sa mga hindi opisyal na transaksyon. Si Madriaga ay kasalukuyang nakadetine mula 2023 dahil sa isang kidnapping case na nakabinbin sa Manila Regional Trial Court Branch 21.

‘Unhinged state of mind’ at betrayal of public trust

Binanggit din sa reklamo ang ilang kontrobersyal na pahayag ni Duterte, kabilang ang sinabi niyang may umano’y inutusan siyang assassin sakaling may mangyaring masama sa kanya. Ginamit ito ng mga nagrereklamo bilang batayan upang igiit ang:

  • Culpable violation of the Constitution
  • Betrayal of public trust

Ang betrayal of public trust ay isang seryosong paratang na tumutukoy sa pagkawala ng moral at legal na kredibilidad ng isang opisyal dahil sa mga kilos na sumisira sa tiwala ng mamamayan.

Hiniling nina Trillanes at ng The Silent Majority sa Ombudsman na:

  • Magsagawa ng criminal investigation
  • Suriin ang mga bank records sa tulong ng Anti-Money Laundering Council (AMLC)
  • At kung may sapat na basehan, irekomenda ang impeachment proceedings laban kay Duterte sa Kongreso

Ayon kay Trillanes:“Ito ang paraan para tuluyang mabuksan ang mga rekord at malaman kung saan talaga napunta ang pera ng bayan.”

Sa kasalukuyan, ang mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte ay nananatiling reklamo pa lamang at wala pang pinal na hatol mula sa Ombudsman o sa hukuman. Ang susunod na hakbang ay nakasalalay sa magiging resulta ng imbestigasyon ng Ombudsman at sa ebidensiyang ihaharap ng magkabilang panig.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -