27.9 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

PBBM, inutos ang rollout ng Benteng Bigas sa Aklan; 85K katao makikinabang

- Advertisement -
- Advertisement -

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalawak ng programang Benteng Bigas, Meron Na sa lalawigan ng Aklan upang masiguro na mas maraming mga Pinoy ang magkakaroon ng access sa abot-kayang bigas.

Inanunsyo ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malacañang nitong Lunes.

Ang paglunsad ng Department of Agriculture (DA) ng programa para magbenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo ay isa pang hakbang tungo sa pagpapalakas ng food and nutrition security ng bansa, ani Castro.

Ayon sa DA sa pangunguna ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang sa 85,000 katao mula sa mga vulnerable na sektor gaya ng mga pamilyang mababa ang kita, senior citizens, persons with disabilities, at mga minimum wage earners.

Bukod sa paglunsad ng subsidized na bigas, nagbigay din ang DA ng iba’t-ibang tulong na pang-agrikultura na nagkakahalaga ng PhP75 milyon upang mapalakas ang produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa Aklan, ayon kay Castro.

Kabilang dito ang mga traktora, harvester, binhi, pataba, crop indemnity checks, pasilidad sa composting, renewable energy systems, kapital para sa kalakalan, at mga bangkang pangisda.

“Ang mga intervention na ito ay naaayon sa pagpupursigi ni Pangulong Marcos Jr. na iangat ang dignidad ng ating mga magsasaka at pagandahin pa ang kanilang tanim at ani,” wika ni Castro.

Ang pagpapalawig ng Benteng Bigas Meron Na ay bahagi ng mas malawak na estratehiya ng administrasyong Marcos Jr. para patatagin ang supply ng pagkain at maibsan ang pasanin ng tumataas na presyo ng mga bilihin. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -