NAUNA na sa Office of the Speaker ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. samantalang ayaw tanggapin sa Office of the Secretary-General ang pangalawa at pangatlong reklamo na dinala rito ng dalawang iba pang grupo.
Sa ulat ng The Manila Times, sinabi rito na may dalawang impeachment complaints ang dinala ngunit hindi tinanggap sa Office of the Secretary General sa House of Representatives nitong Enero 22.
Ikalawang impeachment complaint
Naunang dumating ang grupo ng militateng grupong pinangungunahan ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) chairman Renato Reyes, dating Bayan Muna representatives Teodoro Casino at Neri Colmenares, dating Gabriela Party-list representative Liza Maza at dating ACT Teachers Party-list representative France Castro.

Inendorso ito ng Makabayan Bloc sa pangunguna ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago at Kabataan Party-list Rep. Renee Co.
Hindi ito tinanggap sa tanggapan ng Secretary-General sa katwirang wala roon ang pinuno nito na si Cheloy Velicaria-Garafil, na lumabas ng bansa upang tumanggap ng pagkilala sa Taiwanese Ministry of Foreign Affairs..
Sa ilalim ng panuntunan ng mababang Kapulungan, kinakailangang maisumite ang impeachment complaint sa tanggapan ng Secretary-General bago ito ibigay sa Office of the Speaker.
Magkagayunman, tiniyak ni Casino na nakapag-comply sila sa pamamagitan ng pag-iiwan ng kopya sa tanggapan ng Secretary-General kahit na wala ang opisyal.
Inaasahan nila na maipapadala ito sa Office of the Speaker na siyang magpapadala sa Rules Committee para mailagak sa Order of Business.
Hinimok ni Tinio si House Speaker Faustino Dy III na tanggapin ang kanilang articles of impeachment at ilagay sa Order of Business ngayong Lunes, Enero 26.
Binabalak din nina Reyes na bumalik sa Lunes upang isapormal ang kanilang reklamo.
Sa kanilang impeachment complaint, inakusahan ng grupo si Marcos ng betrayal of public trust dahil sa pagkabigo nitong i-veto ang mga hindi nakaprogramang appropriation sa 2026 budget, gayundin sa mga taon mula 2022 hanggang 2025 na ginamit sa mga maanomalyang flood control project.
Ikatlong impeachment complaint

Sa kaparehong araw, tinangka naman ng grupo nina dating Kongresman Michael Defensor at dating Ilocos Sur governor Chavit Singson na magsampa ng ikatlong impeachment complaint laban sa Pangulo ngunit hindi rin ito tinanggap ng Office of the Secretary General.
Kasama nina Defensor at Singson bilang complainants sina dating Presidential Anti-Corruption commissioner Manuelito Luna, dating Kongresman Jacinto Paras, blogger na si Cathy Binag, Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio, at mga abogadong sina Virgilio Garcia at Ferdinand Topacio.
Sa kanilang reklamo, inakusahan nila si Marcos ng culpable violation of the Constitution, high crimes, graft and corruption, at betrayal of public trust.
Naglabas ng pahayag si Defensor, kasama ang iba pang complainant, matapos hindi tanggapin ng Office of the Secretary General ng House of Representatives ang kanilang impeachment complaint. Aniya isa itong malinaw na paglabag sa Rules of the House at sa 1987 Philippine Constitution. Wala rin aniyang karapatan ang secretary-general na i-reject, salain, antalain o harangan ang mga ganoong paghahain.
Dagdag pa ni Defensor, tinitingnan nila ang posibilidad na ireklamo ito sa Korte Suprema.
Hindi nila pinangalanan kung sino ang nag-endorso ng kanilang complaints.
Kauna-unahang impeachment complaint laban kay Marcos
Bago ang mga ito, may nauna nang nagsampa ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos.
Inihain ito ng abogadong si Andre de Jesus na inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett Nisay.
Inilipat na ito sa Office of the Speaker, ani Garafil.
Reaksyon ni Atty. Harry Roque
Sa isang video sa kanyang Youtube channel, nagpahayag naman ng pagdududa si Atty. Harry Roque sa unang impeachment complaint laban kay Marcos.
Si Roque ang dating presidential spokesman sa panahon ni dating pangulong Rodrigo R. Duterte.
Aniya, abogado ni First Lady Liza Araneta ang nagsampa ng reklamo at bumoto para sa impeachment ng anak ng dating pangulo at Bise Presidente Sara Duterte naman ang nag-endorso nitong mambabatas.
Sumasang-ayon naman si Roque na impeachable offenses ang mga binanggit na reklamo laban kay Marcos gaya ng betrayal of public trust dahil sa umano’y pagsuko sa nakatatandang Duterte sa International Criminal Court (ICC) kung saan hindi na kasapi ang Pilipinas, ang umano’y paggamit ng ipinagbabawal na gamot, at ang kanyang pagkakasangkot sa maanomalyang flood control project.
Subalit, maaari umano itong isang paraan lamang upang mabigo ang isang tunay na impeachment.
Dahil, aniya, kung titingnan ang mga personalidad na nagsampa ng unang impeachment complaint, wala umanong dahilan ang mga ito para patalsikin si Marcos.
Sa ilalim ng panuntunan, may limitasyon na isang impeachment complaint sa isang taon ang maaaring isampa laban sa isang opisyal.
Kung hindi magiging matagumpay ang unang complaint na ito, sa 2027 na ang susunod, na isa namang panahon ng kampanya at eleksyon.
Nasa House na
Ayon sa ulat ng The Manila Times, sinabi ni Secretary-General Garafil na nasa Office of the Speaker na ang unang impeachment complaint samantalang ang dalawang sumunod, nasa level pa lamang ng Secretary-General.
Kung ma-refer ang unang complaint sa House Committee on Justice at ituring itong opisyal na na-“initiated,” hindi na puwedeng maghain ng panibagong reklamo laban kay Marcos sa loob ng isang taon mula sa petisyon na iyon — kahit na mas may datos o ebidensiya ang ibang gustong maghain ng mas mabigat na reklamo, base sa patakaran.
Sa isang pahayag, sinabi House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Adiong na naaayon sa Konstitusyon at sa panuntunan ng Kongreso ang paghawak nila sa lahat ng impeachment complaints.
Reaksyon ng Malakanyang
Sa kabila ng tatlong impeachment complaints, kumpyansa naman ang Pangulo na wala siyang ginagawang impeachable offense.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kumikilos si Marcos ng naaayon sa Konstitusyon at sa batas.
Saad pa ni Castro, kinakailangang makapaglabas ang mga nagrereklamo ng kanilang mga ebidensya at hindi base lamang sa kanilang imahinasyon.
Mahihirapan aniya ang mga ito na patunayan ang kanilang reklamo dahil walang nilabag ang Pangulo.
Maingat, aniyang, hinawakan ng Pangulo ang 2025 national budget at bineto ang ilang item sa kabila ng pagtutol ng mga nagpanukala nito.
“..Ang Pangulo sabi po niya sa atin ay handa po siyang harapin ito dahil alam po niya na wala po siyang nalabag na anumang batas at hindi po siya nag-commit ng anumang impeachable offense. At doon lamang po, sana manatili na ang mga investors, ang mga kababayan po natin ay maniwala at magtiwala sa ating Pangulo at lahat po tayo rito, hindi lamang po ang Pangulo, lahat po tayo ay dapat na magkaisa upang mas lalo pa nating patatagin ang ating bansa,” pahayag ni Castro.

