(Ikatlo at huli sa serye)
TINANONG ko ang aking pamangking si Audrey, na doon ipinanganak at naninirahan sa Taipei (Taiwan), kung ano ang kanyang paboritong subject sa school. Nasa Grade 3 na siya at kasama sa kanyang inaaral ang wikang Chinese na Mandarin. Nag-enumerate siya ng kanyang mga gustong subjects ayon sa pagkakasunod-sunod: Nangunguna sa listahan niya ang Art at Science, sinundan ito ng English at Social Studies. Binanggit niyang sunod ang Chinese language. Sabi ko, ‘nasaan ‘yung math?’ Sabi niya, ‘yun daw ang pinakahuli sa kanyang listahan kasi’y hindi niya masyadong gusto at mahirap daw.

Hindi lang si Audrey ang may ganitong pagtingin sa Math. Marami ang umaayaw o di nagugutustuhan ang Math dahil ang tingin nila’y mahirap ito’t nakatatakot. Katunayan, lumaki ang marami sa atin sa mga sambahayang may takot sa subject na ito. Marami ang nagsasabing ‘itanong mo na sa akin ang lahat, ‘wag lang Math!’ Hindi pa man nae-explore ang Math, tinatanggihan na agad. At malaking factor dito ang gurong nagtuturo ng Math.
Dahil dito, maraming guro ngayon ang nagtatangkang gumawa at maglathala ng mga picture books para sa younger readers na may inilalangkap na ‘learning competency.’ Wala namang masama rito. Katunayan, maganda itong hakbang para lalong mailapit sa batang mambabasa ang mga bagay na nais ituro. Padadaanin sa kuwento ang nais iturong learning competency dahil lahat ng bata ay sadyang mahiligin sa kuwento. “Yun bang nakinig ka lang ng kuwento ay may nakuha ka na. No actual teaching is involved.”
No “explicit teaching tone.” Gayon ang nais nating mangyari kapag gumagawa tayo ng picture books para sa younger children, kasama na rito ang mga kindergarten learners. Hindi dapat mapansin ang nakahalong “learning competency” sa loob ng ating mga kuwento. Kapag ang ‘learning competency’ ay naging kapansin-pansin, hudyat ito na kailangang upuan at muling isulat ang naturang kuwento. Sino ba ang nagsabi na madali LANG magsulat para sa mga bata? Gayon kasi ang madalas na naiisip ng marami kapag binanggit na aklat pambata ang ating ginagawa. Ako mismo ay natanong na, noong nagsisimula pa lang akong magsulat ng mga aklat pambata, kung kailan daw ako susulat ng seryosong libro. Agad kong sinangga ang naturang tanong at sinabing ‘seryoso po ako nang sulatin ko ang mga aklat pambatang “yan.”

Kapag ang audience ng ating panulat ay mga batang nasa Kindergarten, hayaan nating ang ‘kuwento’ mismo ang manguna, hindi ang takdang ‘learning competency’ (na sadyang nais nating ihatid sa mga bata). Dapat ay tahimik lang at hindi naghuhumiyaw ang lesson na nais maibahagi. Kung Math concept ito, let the Math follow quietly. Kapag naghumiyaw ang math concept, patahimikin natin ito. Muling bisitahin ang isinulat na kuwento. Pagtiwalaan din natin ang kakayahan ng mga batang umunawa sa iyong kuwento.
Anyayahan natin ang mga bata na i-explore ang kuwento, at tiyak na mangyayari ang pagkatuto (learning) sa natural na paraan. Ang storybook o picture book, bilang isang kasangkapan, ay nilikha upang mang-aliw o magdulot ng kaaliwan sa mambabasa. Kaiba ito sa mga textbooks at worksheets na ang tangka ay talagang magturo ng leksiyon. Kung naisip nating daanin sa pamamagitan ng storybooks ang learning competency, ang pagiging ‘storybook’ nito ay hindi dapat makompromiso.
Heto ang ilang story models na puwede nating gamitin. Gawin nating halimbawa ang kuwentong nagtataglay ng Math concepts:
Unang Model: PAGBIBILANG (COUNTING)
- Konsepto: Pagbibilang mula 1 hanggang 10
- Plot: Ang tauhan sa kuwento ay nangongolekta ng mga bagay-bagay na mapupulot sa dalampasigan
- Conflict: Na-sidetrack ang tauhan at nalito sa pagbibilang
- Resolution: Muli niyang uulitin ang pagbibilang
- Word count: 250 words
Ikalawang Model: PAGHAHATI-HATI (SHARING/DIVISION)
- Konsepto: Pantay na hatian
- Plot: Maghahati sa pagkain o laruan ang magkapatid
- Conflict: Mas nakalamang ang isa
- Resolution: Muling maghahatian at sisiguruhing pantay ang matatanggap
- Word count: 300 words
Ikatlong Modelo: MGA HUGIS
- Konsepto: Mga hugis sa ating paligid
- Plot: Mga ‘personified shapes’ ang tauhan. Nagdesisyong pumasok sa isang bahay na maraming pinto ang magkakaibigang Bilog, Triyanggulo, at Parisukat
- Conflict: Hindi sila makapasok sa pinto dahil sa mismatch ang pinto sa kanilang taglay na hugis
- Resolution: Hanapin ang tamang pinto na kahugis niya.
- Word Count: 200-300 words
Ano-ano ang posibleng hinahanap ng mga publishers (tagapaglathala) sa mga kuwentong isusulat para sa kindergarten? Heto ang ilang praktikal na gabay:
- Kuwento ang una; pangalawa lang ang ‘concept’ o ‘learning competency’
- Maikli lamang ang teksto (kaya nga may kino-consider tayong word count)
- Malaki ang papel na gagampanan ng ilustrador ng aklat
- Sana’y inclusive at gender-sensitive ang malilikhang kuwento
- May lapat sa ating kultura (culturally adaptable o culture-specific)
- Hindi hayagang nagtuturo (no explicit ‘teaching tone’)
Isang popular na aklat pambatang nalathala sa Amerika na hanggang ngayon ay napaka-popular, maski dito sa Pilipinas, ay ang ‘The Very Hungry Caterpillar’ ni Eric Carle. Gawin natin itong halimbawa. Sa naturang kuwento, may isang munting katerpilar na nanggaling sa itlog. Wala itong ginawa kundi kumain nang kumain ng prutas araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes. Tapos, pagdating ng Sabado, junk food naman ang kanyang kinain. Sumakit ang tiyan ng naturang katerpilar. Dahil doon, kumain na lamang siya ng dahon para guminhawa ang pakiramdam. Kalaunan ay bumuo siya ng taguang ‘cocoon.’ Di nagtagal, isang napakagandang paruparo ang lumabas mula sa cocoon.
Ano ang iniiwan sa atin ng kuwentong it oni Eric Carle? Ikinuwento niya ang life cycle ng paruparo mula sa pagiging itlog nito hanggang maging katerpilar. Kung Math learning competency ang nais nating tutukan, ano-ano ang mga ‘math concepts’ na nakita natin sa kuwento? Ito’y ang sumusunod: konsepto ng pagbibilang, konsepto ng nakapaloob na araw sa loob ng isang linggo, at ang konsepto ng pagkakasunod-sunod (sequencing). Makikita natin ang sequencing sa pagkakasunod-sunod ng mga araw, at sa nangyaring ‘series of events’ bago naging paruparo ang isang munting katerpilar.
Bakit ito nagustuhan ng maraming bata’t magulang? Naging epektibo ang simpleng pag-uulit-ulit ng mga pangyayari. Ang mga numero ay lumabas nang natural (hindi ipinilit na ipangalandakan sa kuwento!). Hindi ito nangahas na magbigay ng paliwanag kundi nagpakita lamang ng karanasan ng isang katerpilar. At ito’y nagustuhan ng maraming bata! Para bang sinasabihan tayo na ‘let numbers appear as part of life, not as lessons.’
“Children don’t want to learn Math. They simply want to enjoy a story. Math lesson, or any other lesson, academic or non-academic, should follow quietly.” Ang ganitong prinsipyo sa Math ay maia-apply natin sa iba pang subject areas o learning competency habang pinaghuhusay natin ang paglikha ng mga picture books para sa mga batang nasa kindergarten. Hayaan nating sila mismo ang makatuklas na may nakapaloob palang ‘math’ sa ating kuwento.

