26.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Papel ng interest rate sa pagpapalago ng ekonomiya

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

 ISA sa mga layunin ng isang ekonomiya ay mapalago ito para sa dumarami at nagbabagong kagustuhan ng mga mamamayan nito. Maraming paraan sa pagpapalago ng isang ekonomiya ngunit ang isa sa pinakamahalaga ay ang pagpapalawak ng produktibong kapasidad nito sa pamamagitan ng pangangapital.  Ang pangangapital ay pagdagdag sa dami ng istak ng kapital ng kompanya at ng ekonomiya. Ito ay isang uri ng gugulin na nakatuon sa pagbili ng mga kagamitan, instrumento at teknolohiya na magagamit sa proseso ng produksiyon. Pangangapital din ang tawag sa pagpapatayo ng mga pabrika, gusali, daan, tulay, airport, pier at iba pang imprastruktura dahil pinalalawak ng mga ito ang kapasidad isang ekonomiya na magprodyus.

Dahil ito ay isang gugulin kakailanganin ng mga kompanya at ng pamahalaan ng pondo upang tustusan ang proseso ng pagdagdag ng kapasidad. Bunga ng limitasyon sa pondo ng mga kompanya at ng pamahalaan kinakailangan nilang maghiram ng pondo upang maisagawa  ang pagdagdag ng kapasidad.

Sa panghihiram ng pondo, kinakailangang malaman muna ng mga nanghihiram kung magkano ang presyo ng salaping kanilang hinihiram. Ang presyo ng salapi ay ipinakikita ng interest rate. Ang mababang interest rate ay nagpapahiwatig na mura ang halaga ng salapi kaya’t tumaas ang demand sa salapi na magagamit sa pagbili ng mga kagamitan o isagawa ang iba’t ibang konstruksyon. Samantala, sa pagtaas ng interest rate maraming mga negosyante ang magbabawas ng kanilang planong pangangapital dahil nagiging magastos ang pagsasagawa ng pagpapalawak ng kapasidad.

Ang interest rate ay naghahayag din ng presyo ng kasalukuyang pagkonsumo sa presyo ng pagkonsumo sa hinaharap. Kapag ang interest rate ay bumababa mas nagiging mura ang pagkonsumo o anumang gugulin kaya’t tataas ang kabuoang guguling ng ekonomiya. Samantala, ang pagtaas ng interest rate ay nag-uudyok sa mga mamimili na bawasan ang kasalukuyang pagkonsumo at itaas ang pagkonsumo sa hinaharap dahil mababa ang presyo ng pagkonsumo sa hinaharap. Ang pagkonsumo sa hinaharap ay tinatawag ding pag-iimpok sa kasalukuyan. Ang pondong di ginagamit sa pagkonsumo sa kasalukuyan ng mga mamamayan ay iniimpok nila upang gamitin sa pagkonsumo sa hinaharap.

Batay sa ating diskusyon, ang pagbaba ng interest rate ay may kakayahang mapalago ang ekonomiya dahil tumataas ang pagkonsumo, pangangapital at iba pang gugulin. Ito ay nagpapataas sa pangkalahatang demand na nauuwi naman sa pagtaas ng pambansang kita at paglago ng ekonomiya. Dahil dito, ginagamit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagbabago ng interest rate upang mapalago at mapatatag ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagbabago sa suplay ng salapi.


Ang papel ng interest rate at patakarang monetaryo sa pagpapalago ng ekonomiya ay pinawalang halaga ng mga ekonomistang Keynesian at Makabagong Teoryang Pananalapi o Modern Monetary Theory (MMT). Sa mga ekonomistang Keynesian, mahina ang papel ng pagbabago sa interest rate upang mahimok ang mga mamimili at negosyante na mamuhunan dahil sa tinatawag na liquidity trap o pagkapatid sa paghawak ng salapi. Ayon sa pananaw na ito, kahit anong  pagbaba ng interest rate upang mapalawak ng salapi hindi tumataas ang pagkonsumo, at pangangapital dahil itinatago lamang ng mga mamimili at negosyante ang dagdag na hawak nilang salapi.

May kabuluhan ang kritisismong ito lalo na noong panahon ng Great Depression dahil makitid ang demand ng mga negosyante dahil wala silang ganang dagdagan ang kanilang kapasidad bunga na kawalan ng trabaho at kita ang mga mamimili upang dagdagan ang kanilang demand o pagkonsumo.

Sa harap ng mga kritisismong ito naniniwala ang mga ekonomistang Keynesian sa bisa ng patakarang fiscal sa pagpapalago ng ekonomiya. May mga ekonomsta ring tagasunod ng mga prinsipyo ng MMT na nagtataguyod ng paglikha ng salapi upang mapalago ang ekonomiya at makapagbigay ng trabaho sa mga taong walang trabaho.

Ngunit ang walang humpay na pagpapalawak sa suplay ng salapi upang pondohan ang gugulin ng pamahalaan ay may kaakibat na mga sakripisyo kasama na ang mabilis na pagtaas ng presyo.

- Advertisement -

Sa kabilang dako, ang pagbibigay ng trabaho sa milyon milyong Filipino sa pamamagitan ng pagdagdag ng suplay ng salapi ay hindi lamang magpapabilis sa inflation rate ngunit haharap sa matinding kakulangan sa ibang sangkap sa produksiyon. Ang produksiyon ay hindi lamang nangangailangan ng mga manggagawa nguni’t ibang pang sangkap tulad ng kapital at teknolohiya. Dahil ang mga ibang sangkap ay inaangkat hindi ito mababayaran sa sariling salapi ngunit sa dayuhang salapi. Samakatuwid ang sinasabi ng MMT na siguradong trabaho sa mga walang trabaho ay hindi makatotohanan dahil sa kakulangan ng pondo upang bumili ng mga kagamitang capital at iba pang kasangkap ng mga manggagawa.

Batay sa ating diskusyon, kayo ang pumili kung aling patakaran ang makatotohanan sa pagpapalago ng ating ekonomiya, ang patakarang fiscal gamit ang pondong galing sa walang humpay na paglikha ng salapi o ang patakarang fiscal gamit ang pondong hiniram sa bilihan ng salapi?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -