KINIKILALA ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang resulta ng survey ng OCTA Research Tugon ng Masa noong Disyembre 2025, na nagpakita na ang mas mataas na sahod ang pangunahing pambansang alalahanin ng mga Pilipino.
Patuloy na binabantayan ng DOLE ang mga usapin sa sahod at kita, at sensitibo ito sa damdamin ng mga manggagawa na magkaroon ng mas mataas na sahod. Sa mga nakaraang taon, palaging inilalagay ang sahod bilang isa sa tatlong pangunahing alalahanin ng mga Pilipino sa mga survey, tulad ng OCTA. Ang direktang kontribusyon ng DOLE sa pagtugon dito ay sa pamamagitan ng taunang pagsasaayos ng minimum na sahod ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) para sa mga manggagawang mababa ang sahod.
Sa panahon ng nasabing survey, nakapaglabas ang mga RTWPB ng 14 Wage Order na nagkakaloob ng dagdag na ₱20 hanggang ₱100 kada araw para sa mga manggagawa na kumikita ng minimum na sahod sa pribadong sektor. Nakatakda ring simulan ng mga rehiyon ng Davao at Bicol ang proseso ng pagtatalaga ng sahod ngayong Enero at Pebrero base sa mga itinakdang timeline.
Samantala, 11 Wage Order din ang inilabas na nagbibigay ng ₱300 hanggang ₱2,000 dagdag sa buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay. Nitong Enero, naglabas ang RTWPB-NCR ng Wage Order na nagbibigay ng ₱800 na pagtaas sa buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay sa nasabing rehiyon, na magkakabisa sa ika-7 ng Pebrero 2026. Nananatiling gabay ng mga RTWPB ang polisiya ng regular, katamtaman, at predictable na pagsasaayos ng sahod na nakabatay sa ebidensya at konsultasyon, para sa kapakinabangan ng parehong manggagawa at employer.
Bukod sa taunang pagsasaayos ng minimum na sahod, nagpapatupad ang DOLE ng iba’t ibang programa na tumutulong sa mga manggagawa upang magkaroon ng mas malaking kita. Sa larangan ng produktibidad, ang DOLE sa pamamagitan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ay nagbibigay ng libreng programa sa pagsasanay at tulong-teknikal sa mga negosyo sa pamamagitan ng Productivity Tool Box upang palakasin ang kompetitibong kakayahan ng mga negosyo. Ito ay sinusuportahan ng pagpapatupad ng Adjustment Measures Program na nagbibigay ng tulong-pinansiyal sa mga negosyo para sa pagpapapabuti ng proseso, digitalisasyon, at pagpapahusay ng kasanayan.
Nagbibigay din ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng iba’t ibang certification programs na nagpapahusay sa kasanayan at kakayahan ng mga manggagawa habang pinapaunlad naman ng Bureau of Labor Relations, National Conciliation and Mediation Board, at ang National Labor Relations Commission ang maayos na ugnayan sa pagitan ng mga manggagawa at namumuhunan pati na rin ang kolektibong pakikipagkasundo na nagreresulta sa patas na negosasyon sa sahod, mas mataas na produktibidad, at mas matatag na pagpapanatili ng empleyado. Kabilang ito sa mga programang ibinibigay ng Regional Office ng DOLE at ng mga ahensya na nasa ilalim nito. Ang mga impormasyon sa mga programang ito ay makikita sa opisyal na website ng DOLE (www.dole.gov.ph) at Facebook page (https://www.facebook.com/laborandemploymentph) pati na rin sa website ng mga ahensya nito.
Patuloy na babantayan ng DOLE ang sosyo-ekonomikong kondisyon ng bansa at maagap na ipatutupad ang mga polisiya at programa na nagpapatatag sa mga institusyon sa merkado ng paggawa, pagtataguyod ng patas at produktibong trabaho, at pagtitiyak ng matatag na regulasyon—tungo sa isang malusog na kapaligiran sa paggawa na humihikayat ng pamumuhunan, sumusuporta sa paglago ng negosyo, at pagpapanatili ng pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya.



