MAGANDANG balita na nanumbalik ang lusog ng sektor ng agrikultura ayon kay Agri Asec Arnel de Mesa sa isang presscon kahapon (Jan. 28). Anya, natapos ang taong 2025 na may pinakamataas na halaga sa loob ng limang taon: 1.77 trillion pesos! Ayon sa pa rin sa kanya, malaking bahagi ng pag-unlad ng sektor ang poultry. Chicken!
Binabati natin ang mga opisyal at kawani ng D.A. sa pamumuno ni Secretary Kiko Tiu Laurel, sa napakasayang balitang ito. Binabati rin natin syempre ang lahat ng kabahagi ng sektor ng agrikultura.
Simula nang umupo tayong muli sa Senado, nagpursigi tayong mapatupad ang ating pangakong mas maunlad na sektor ng agrikultura — na nasusukat sa mas mataas na kita ng mga Pilipinong magsasaka’t mangingisda, at mas abot-kaya (affordable) at mas abot-kamay (accessible) na pagkain para sa lahat ng pamilyang Pilipino.
Malayo pa ang ating lalakbayin, pero meron tayong ganitong ipinagdiriwang dahil inagad-agad at sineryoso natin ang pagpapatupad ng ating pangako sa tatlong paraan:
1. Nag-lobby tayo sa Pangulo para sa Executive Order No. 101, na nag-uutos ng dali-daling pagsasatupad ng Sagip Saka Act. Pinayagan nito ang mga LGU at ahensya ng pamahalaan na bumili ng mga kailangang pagkain sa kanilang mga feeding at iba pang programa direkta sa mga magsasaka at mangingisda. Wala nang trader o middlemen na sobrang binabarat ang mga ani at huli nila. Sa 2026 budget, may limang-daang milyong piso na pondo para sa ganap na pagpapatupad ng Sagip Saka. Nawa’y tuloy-tuloy na ito.
2. Tinulak din natin ang EO 100, na siya namang nagtalaga ng Palay Floor Price, para hindi lugi ang ating mga magpapalay sa kabila ng kanilang pagbubuno sa palayan. Napakataas ng ani ng palay noong unang kalahati ng taon, pero naiwasan ang pagbagsak ng presyo nito dahil sa EO 100. Tinulak din natin ang rice import ban para mas patas ang laban ng ating magpapalay kontra sa mga importer.
3. Nakumbinsi rin natin ang DA na gamitin ang mga vacancies sa kagawaran para kumuha ng mga agri extension workers, ang katumbas ng barangay health workers na face-to-face na sumasagot sa mga mahahalagang tanong ng mga magsasaka, tulad ng paggamit ng pataba at pestisidyo.
Sa tulong ng mga nasabing hakbang, at masugid na pagtutok sa pagkain natin at sa mga nagpapakain sa atin, umaasa tayong hindi lang isang fluke o swerte itong magandang balita ng pagbabalik ng agrikultura. Sa Pangulo, sa tukayo kong kay Sec. Kiko, sa mga kasangga natin sa Senado at House of Representatives, sa DA, sa mga magsasaka’t mangingisda, sa lahat ng tumaya sa agrikultura, atin ang tagumpay na ito.



