ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matiyak na ang national budget ay mabilis na maging aktuwal na serbisyo para sa mamamayang Pilipino, naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng National Budget Circular (NBC) No. 599, na naglalaman ng malinaw at kumpletong gabay sa paglalabas ng pondo para sa Fiscal Year (FY) 2026.

Nilagdaan noong Enero 5, 2026, ang NBC No. 599 ay nagbibigay ng malinaw na patakaran sa paglalabas ng pondo sa ilalim ng FY 2026 General Appropriations Act (GAA), kabilang ang mga continuing at automatic appropriations. Saklaw din nito ang mga patakaran sa pag-isyu ng GAA as an Allotment Order (GAAAO), General Allotment Release Orders (GAROs), Special Allotment Release Orders (SAROs), at Notices of Cash Allocation (NCAs) upang matiyak ang mas mabilis, mas predictable, at mas disiplinadong budget execution. Iniaayon din ng Circular ang paglalabas ng pondo sa aprubadong physical, financial, at performance targets ng mga ahensya para tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto.
Ayon kay DBM Secretary Rolando “Rolly” Toledo, mahalagang kasangkapan ang Circular na ito sa pagsasakatuparan ng bisyon ng Pangulo para sa isang budget na talagang gumagana para sa taumbayan.
“NBC No. 599 gives agencies predictability. Kapag malinaw sa mga ahensya kung kailan at paano ilalabas ang pondo, mas maayos ang plano, mas mabilis ang implementasyon, at mas maagang naihahatid ang serbisyo. Malaki ang papel nito sa pagtupad sa bisyon ni Pangulong BBM na maramdaman ng mga Pilipino ang benepisyo ng budget,” ani Secretary Toledo.
Direktang makikinabang sa NBC No. 599 ang mga national government agencies, state universities and colleges, government-owned or -controlled corporations, at local government units, dahil nagtatakda ito ng malinaw at sabay-sabay na patakaran sa paglalabas at paggamit ng pondo. Tinutulungan nitong maitugma ang cash programming sa aprubadong plano ng mga ahensya, maiwasan ang pagkaantala, mapalakas ang kakayahang gumastos ng pondo, at mapabilis ang pagpapatupad ng mga programang mahalaga sa mga komunidad.
Tinukoy rin sa Circular ang mga kondisyon at detalye sa paglalabas ng allotments at cash, kabilang ang tamang paggamit ng GAAAO para sa mga item na may comprehensive release, GAROs para sa mga item na kumpleto na ang requirements, at SAROs para sa mga item na may kailangang tuparin muna bago mailabas ang pondo. Nakasaad din ang patakaran sa pag-isyu ng comprehensive at additional NCAs, batay sa cash programming, aktuwal na pangangailangan, at fiscal position ng pamahalaan, upang masigurong maayos ang cash management at napapanahon ang disbursement.
“Tinitiyak ng Circular na ito na ang FY 2026 budget ay hindi lang aprubado sa papel, kundi naipapatupad sa tamang oras—para tuloy-tuloy ang mga programa, umuusad ang mga proyekto, at agad na nararamdaman ng taumbayan ang benepisyo,” diin ni Secretary Toledo.
Nililinaw din ng NBC No. 599 ang validity periods ng appropriations, allotments, at obligations sa iba’t ibang klase ng gastusin, upang malinaw sa mga ahensya kung kailan maaaring ilabas, obligahin, at gastusin ang pondo. Sa pamamagitan nito, naiiwasan ang idle funds, nababawasan ang year-end spending pressure, at mas napapabilis ang paghahatid ng mga produkto at serbisyo sa mga benepisyaryo.
Upang palakasin ang results-based execution at fiscal discipline, inuugnay ng NBC No. 599 ang paglalabas ng pondo sa napapanahong pagsusumite ng Budget Execution Documents (BEDs)—kabilang ang physical plans, financial plans, at monthly disbursement programs—pati na rin ang mga financial accountability reports. Kasabay nito, may sapat na flexibility para sa mga ahensyang handa, compliant, at may maayos na performance, bilang bahagi ng layunin ng administrasyon na disiplinado ngunit epektibong paggastos.
Ayon pa kay Secretary Toledo, “Our goal is disciplined speed. Pinapalakas ng NBC 599 ang accountability habang binibigyan ang mga ahensya ng malinaw na sistema para gawing tunay na resulta ang mga appropriations para sa mga komunidad.”
Sa pagtatakda ng malinaw na timelines, responsibilidad, at mekanismo sa ilalim ng FY 2026 budget, pinatitibay ng NBC No. 599 ang national budget bilang isang maaasahan at tumutugong instrumento para sa kaunlaran—tinitiyak na ang pondo ng bayan ay maayos na dumadaloy mula sa pag-apruba hanggang sa aktuwal na implementasyon, at sa huli, natutupad ang layunin ng Pangulo na magkaroon ng isang pamahalaang naghahatid ng serbisyo sa tamang oras, para sa bawat Pilipino.



