ANG AI ethics ay mahalagang konsiderasyon upang matiyak ang katumpakan at integridad ng iskolarship at pananaliksik. Kritikal na bahagi ito sa pagtiyak na ang isinasagawang pananaliksik ay may pananagutan sa kapwa, pamantasan at bayan. Ang sumusunod ay ilang tala ng mga gabay at paalala sa etikal at responsableng paggamit ng artificial intelligence sa pananaliksik bilang isang panlipunang praktika at komunikatibong gawain.
· Alamin kung anong AI framework at AI policy ang umiiral sa pamantasan ukol sa paggamit ng teknolohiyang ito. Alamin at linawin ito sa mga kinauukulan.
· Tukuyin kung anong patakaran ang ipinapatupad ng inyong tagapayo, komite, programa, departamento at kolehiyo. Alamin din kung nagtatambal ang mga patakaran upang maiwasan ang kontradiksyon at kalituhan.
· Alamin din kung coded (explicit) o uncoded (implicit) ang umiiral na AI framework at AI policy sa institusyon at organisasyon.
· Umantabay kung mayroong mga pagbabago sa patakaran at alituntunin lalo na sa koteksto ng mabilis na inobasyon sa larangan at teknolohiyang ito.
· Unawain ang AI bilang isang disruptive technology. Ang disruptive technology ay tumutukoy sa isang teknolohiya o inobasyon na ganap na nakapagpapabago ng panuntunan, proseso, praktika, produkto at serbisyo sa industriya, larangan at lipunan. Kabilang din sa disruptive technology ang immersive reality at quantum computing.
· Alamin ang ipinahihintulot at hangganan sa paggamit ng AI sa inyong pang-akademikong konteksto. Magsisilbi itong gabay at proteksyon ng mga kaguruan, mag-aaral at mananaliksik.
· Panatilihin ang integridad mo bilang mananaliksik at ng iyong pananaliksik. Maging maingat at maagap na hindi AI ang humahalili at nag-iisip para sa iyo bilang
mag-aaral, mananaliksik at mamamayan.
· Ipatupad ang pagiging kritikal sa pag-aaral at pananaliksik. Ang katagang kritikal ay mula sa salitang Griyego na “krinein” na ang ibig sabihin ay paghihiwalay (o separate), pag-iiba (o distinguish) at pagpili ng posisyon (o take side). Bilang pagpapalawig, tumutukoy ito sa pag-alam sa pagkakaiba ng tama at mali at sa makatwirang pagpanig at pagdedesisyon.
· Pairalin ang pagiging kritikal sa paggamit (o hindi paggamit) ng AI sa mga pang-akademiko, pampananaliksik at pampagsasanay na gawain.
· Langkapan ng kritikal na beripikasyon, pagsusuri at interpretasyon ang anumang isinangguni at ipinadaan sa AI.
· Iwasan ang plahiyo (o plagiarism) sa pamamagitan ng wastong atribusyon at pagtiyak na hindi lamang nakasandig sa AI ang iyong proposal at mismong pananaliksik.
· Tandaan na kapwa mahalaga ang transparency at accountability sa paggamit ng AI. Ang pagiging tapat at pagkakaroon ng pananagutan ay mahahalagang rekisito sa responsableng pananaliksik.
· Isaisip ang mahalagang papel ng human agency upang matiyak na tumpak at matuwid ang datos, pagsusuri at interpretasyon ng pananaliksik.
· Maging mapanuri sa mga inihahapag ng AI dahil may mga taglay itong pagkiling (o bias) na maaaring nakasasama sa kapwa, larangan at lipunan.
· Tandaan ang mahalagang ginagampanan ng human oversight sa bias mitigation. Isaad din kung anong mga mekanismo ang ginagamit sa pagtiyak ng human oversight at tamang beripikasyon.
· Alamin ang pagkakaiba ng pagiging AI-assisted at AI-generated. Maging tapat sa pagdedeklara ng katotohanan kung ano ang naging papel ng AI sa pagbuo ng produkto.
· Maging malay (o aware) ukol sa posibilidad ng AI hallucination na humahantong sa mga maling datos, impormasyon, pagsusuri at interpretasyon. Kabilang dito ang mga gawa-gawang sanggunian (o fabricated sources and citations) na hindi talaga umiiral sa literatura o hindi nailathala sa larangan.
· Huwag hayaang mawala ang sining ng iyong pagdadalumat at pagsusulat dahil sa pagiging palaasa sa AI.
· Tiyaking malinang muna ang inyong talas at talino sa mga batayang kasanayan sa larangan para maiwasan ang pagiging palasandig sa AI. Alinsunod sa modernong aplikasyon ng theory of use and disuse, nakababahala at nakakapanghinayang na tuluyang mangalawang, pumurol at mawala ang mga kaalaman at kasanayang ito.
· Maging tapat sa deklarasyon ng paggamit ng AI. Isaad kung anong AI models o tools ang ginamit at maging ang mismong bersyon nito. Tukuyin din ang aktwal na text prompt na ginamit sa pagsangguni sa AI. Kasama ring itala ang petsa kung kailan ito ginamit. Maging detalyado at isaad ang mga impormasyong ito sa talaan ng sanggunian.
· Itala ang mga mismong bahagi ng pananaliksik na ginagamitan, isinangguni o ipinadaan sa AI. Tapat na isaad ito sa seksyon ng acknowledgment at metodolohiya ng pananaliksik.
· Ilagay ang sinagutan at nilagdaang AI declaration form sa kaukulang AI declaration section ng research manuscript alinsunod sa pormat na ibinigay ng paaralan o pamantasan.
· Iwasan ang bulagsak na pag-input at pag-upload ng mga sensitibo at kompidensyal na dokumento at datos sa AI platform para walang malabag na data privacy policy.
· Maging mapanuri sa tinataglay na geographical, political, cultural, ideological, class, ethnic at gender bias ng AI. Para sa pangkasariang dimensyon ng AI, maaaring sumangguni sa babasahing ito bilang panimula: Artificial intelligence at kasarian: Etika, politika at praktika – Pinoy Peryodiko
· Tandanan na nakabatay ang AI sa historical data na pinagsanayan nito. Kung may partikular na pagkiling ang training data pabor sa isang lahi o kasarian ay asahang ganito rin mismo ang pagsusuri at interpretasyon na maaaring ihapag at imungkahi ng AI.
· Isaisip na ang diskriminasyon o pagtatangi ay banta sa parehong siyentipikong integridad ng larangan at moral na barometro ng lipunan. Ang maling representasyon sa mga kababaihan, katutubo, matatanda, kabataan, may kapansanan at maralita ay maituturing na pambabaluktot sa katotohanan at paglabag sa etikal na panuntunan.
· Kilalanin din ang agam-agam ng iba ukol sa panganib na hatid ng AI dahil sa maaaring kaduda-dudang historical data na pinagsanayan, pinaghalawan at pinagsandigan ng teknolohiya. Hindi ito binabale-wala at sa halip ay dapat kritikal na mapagnilayan at matugunan.
· Gumamit ng iba’t ibang batis at metodo upang pagsandigan ng datos at pagpapatibay ng pagsusuri at interpretasyon katulad ng in-depth interview, key informant interview, focus group discussion, delphi method, photo elicitation, photo voice, life calendar method, participatory diary, body mapping, walking interview, participant observation, participatory mapping, countermapping at iba pa.
· Patuloy na alamin ang mga pagbabago sa larangan ng AI upang hindi mapag-iwanan. Ugaliing magbasa ng mga napapanahong akda at dumalo sa mga pagsasanay.
· Tandaan na ang paggamit ng AI ay makonsumo sa kuryente, tubig at iba pang limitadong rekurso para sa pagmementena (o maintenance) ng mga data center nito sa iba’t ibang panig ng daigdig.
· Tiyaking kinakailangan at naayon lamang dapat sa layunin ang paggamit ng AI upang mabawasan ang iyong ecological footprint, maregularisa ang carbon emission at mapangalagaan ang kalikasan para sa kapakanan ng lahat.
Bilang pagbubuo(d), dapat bigyang halaga at mapangalagaan ang integridad ng pananaliksik sa pamamagitan ng pagtiyak na makapag-ambag tayo ng mga orihinal na ideya sa larangan at makaiwas sa bulagsak na pagsandig sa AI bilang bukod-tanging rekurso. Mahalaga ring kilalanin ang potensyal at panganib ng AI sa pamamagitan ng salimbayang pagsisiyasat dito sa siyentipiko, teknolohikal, teknikal, panlipunan at etikal na dimensyon.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaaring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

