28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Legarda nais tugunan ang kakulangan sa pondo ng kalusugan, nananawagan ng pagpasa ng PhilHealth Automatic Funding Act

- Advertisement -
- Advertisement -

SA kanyang talumpati sa plenaryo ng Senado noong Pebrero 3, nanawagan si Senadora Loren Legarda ng agarang reporma upang matugunan ang patuloy na kakulangan sa pondo na nagpapahina sa Universal Health Care Act at nag-iiwan sa milyun-milyong Pilipino na lantad sa mapangwasak na gastusing medikal.

 

“The fight for a just and equitable health system in the Philippines has never been easy. It is a race against time,” ani Legarda, kasabay ng pagbibigay diin na dapat ipakita ng pamahalaan ang moral na tapang upang protektahan ang mga may sakit at mahihina.

Ipinunto ni Legarda na nawalan ang PhilHealth ng kabuuang ₱113.44 bilyon mula sa sin tax revenues para sa 2023–2026, at karagdagang ₱106.95 bilyon mula sa statutory shares ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) na nananatiling hindi naipapasa. Binanggit din niya ang kautusan ng Department of Finance (DOF) noong 2024 na ibalik ang ₱60 bilyon mula sa pondo ng PhilHealth sa National Treasury bilang isang malinaw na halimbawa ng mga desisyong nagpahina sa sistemang pangkalusugan.

Binalaan ni Legarda na ang ganitong paglihis at pagkaantala ay sumisira sa tiwala ng publiko sa mga institusyong pangkalusugan at humahadlang sa transisyon tungo sa zero-out-of-pocket care. Ipinakita niya ang bigat ng epekto nito sa pang-araw-araw na buhay.

“May nanay sa public hospital na pinipiling umuwi na lang dahil kulang ang pambayad kahit may PhilHealth card siya. May lolo na pinapahaba ang pagitan ng check-up dahil iniipon pa ang pamasahe at pambayad sa laboratory. May batang hindi maipasok agad sa ospital dahil takot ang magulang sa posibleng bill, kahit may sinasabing coverage ang PhilHealth,” pahayag ni Legarda.

Nagpahayag din siya ng matinding pangamba sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), na bagama’t nilikha upang tulungan ang mga walang kakayahang magbayad ng hospital bills, sa praktika ay pinapahirapan ang mga pasyente sa pamamagitan ng maraming opisina, endorsements, at appeals.

“Hindi dapat nakikiusap ang mahirap para mabuhay. Hindi dapat namamalimos ang maysakit para magamot,” diin ni Legarda, na nagsabing pinahihina ng MAIFIP ang diwa ng Universal Health Care Law at sinisira ang mandato ng PhilHealth.

Nanawagan siya sa unti-unting pag-phase out ng MAIFIP at ang paglipat ng pondo nito sa PhilHealth, ipinaliwanag na ang repormang ito ay magpapalakas sa case rates, magpapalawak ng coverage sa lahat ng antas ng lipunan, at magbabalik ng kaayusan sa health financing framework ng bansa.

Upang matugunan ang mga kakulangan, hinimok ni Legarda ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 1662, ang PhilHealth Automatic Funding Act, na siya mismo ang may-akda upang matiyak ang awtomatikong paglalabas ng lahat ng legal na pondong nakalaan sa PhilHealth at ang obligadong quarterly transparency reports mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), PAGCOR, at PCSO.

Nanawagan din siya ng mas matibay na oversight sa pamamagitan ng Joint Congressional Oversight Committee on Public Expenditures upang matiyak na ang mga pondong nakalaan para sa kalusugan ay ganap na naipapasa, malinaw na naiuulat, at agad na nagagamit para sa gamot, serbisyong ospital, at primary care.

“This serves as a direct warning to all officials of PhilHealth, the Department of Health, and any agency entrusted with public health funds: any form of abuse will not be tolerated. This Senate will ensure that all erring officials, those who authorize, defend, or tolerate misuse of health funds, will be held fully accountable under the law,” diin ni Legarda.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nanawagan si Legarda: “The struggle for Universal Health Care is a moral emergency, and it is a promise we must keep,” at hinikayat ang mga kapwa mambabatas at ahensya ng pamahalaan na kumilos nang may tapang upang mapangalagaan ang kalusugan at dignidad ng mga pamilyang Pilipino.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -