SA pakikipagtulungan ng tanggapan ni Sen. Robin Padilla, dumulog ang apat na survivors ng lumubog na barkong M/V Trisha Kerstin na pagmamayari ng Aleson shipping kay Committee on Public Services Chairperson Sen. Raffy Tulfo upang ibunyag ang umano’y kabulukan ng nasabing vessel na lumubog sa katubigan ng Basilan.
Sa meeting na naganap nitong Feb. 3, kinuwento nila Nur Hussein Sali, Atty. Aquino Sajili, Muzhaheeda Ismi at isa pang survivor na piniling hindi isapubliko ang kanyang pagkakakilanlan ang kanilang karanasan. Kasama rin nila si Raimona Romoros, asawa ng missing passenger na si Judge Alberto Romoros.
Kwento ni Nur, kakaaalis pa lamang ng barko ay ramdam na niya na mabigat at overloaded ito. Aniya, nagsisiksikan sa cargo bay ang tinatayang pitong wing vans, pati mga motorsiklo at pribadong sasakyan, gayong lima lamang ang alam niyang capacity ng barko para sa malalaking truck.
Kapansin-pansin din daw na kahit puno na at okupado na ang lahat ng mga bunk beds, mayroon pa ring mga pasaherong nakatayo sa gilid ng barko na malamang ay hindi naitala sa passenger manifesto o opisyal na listahan ng mga sakay.
Ayon naman kay Atty. Aquino, mula pagkabata pa raw niya ay talamak na ang bentahan ng ticket kahit nakaalis na ang barko, na tila isa lamang itong bus patungong Quiapo. Dahil dito, maraming pasahero raw ang hindi napapabilang sa manifesto. Napipilitan din daw ang ilan na bumili ng mas mahal na ticket mula sa scalpers dahil palaging sold out ang mga ticket kapag dumadaan sila sa opisyal na ticket booth.
Ibinahagi rin ni Nur na bulok na raw ang pasilidad ng M/V Trisha, partikular na ang CR na madaling nawarak ang dingding at hagdanan na kinakalawang na. Sinegundahan naman ito ni Muzhaheeda na nagsabing napakarami raw ng surot at ipis sa buong barko.
Kwento pa ni Nur, noong tumagilid na raw ang barko ay wala ni isang crew ng M/V Trisha ang nag-assist sa mga pasahero at sila sila lamang ang nagtulungan para magsuot ng life vest – na maliban sa kulang na nga ay substandard pa dahil gawa lamang sa styrofoam. Ang ibang pasaherong may suot ng life vest ay hindi raw lumutang at tuluyang lumubog.
Ayon kay Atty. Aquino, ang dating rota ng M/V Trisha ay Tawi-Tawi, subalit batid na raw ng mga pasahero roon na kinakalawang na ang barko at ayaw na nilang sumakay dito kaya inilipat umano ng Aleson Shipping ang rota nito sa Jolo, Sulu. Ito rin daw ang kauna-unahang biyahe ng barko sa naturang ruta.
Matapos marinig ang mga rebelasyong ito, sinabi ni Sen. Raffy na magpapatawag siya ng hearing sa kanyang Public Services Committee. “At sa pagkakataong ito, mas marami pang kabulukan ang mabubunyag at hindi pwedeng walang mananagot,” saad niya.



