29.1 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Tagisan ng pagiging pantay at pagiging mabisa

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

LIKAS sa mga ekonomista na suriin ang mga benepisyo at sakripisyo ng mga patakarang ipinatutupad ng pamahalaan sa pagtugon sa sari-saring layunin ng ekonomiya. Sa mga patakarang Ipinatutupad ng pamahalaan madalas lumalabas ang tagisan sa pagtugon sa iba’t ibang layunin na nakaugat sa prinsipyo ng sakripisyo dahil ang lahat ng aksiyon at desisyon ay may kaakibat na mga sakripisyo. Isa sa mga tagisan ay makikita sa pagpapatupad ng layuning maging pantay, sa isang banda, at sa layuning maging mabisa, sa kabilang banda, ang isang patakaran.

Ang layuning maging pantay ay ipinatutupad upang ang nakararami, kung di man, ang lahat ng mga mamamayan ay mabigyan ng oportunidad na malasap ang angkop na antas ng pagkonsumo ng mga produkto at serbisyo. Halimbawa, ang progresibong pamumuwis ay ipinatutupad ng pamahalaan upang ang mga mayayaman ay mabuwisan ng mas mataas na proporsiyon ng kanilang kita samantalang ang mga maralita ay hindi binubuwisan sa kanilang maliit na kita. Ang ganitong patakaran ay ipinatutupad upang mabigyan ang lahat ng sapat na kitang magagamit sa kanilang pagkonsumo.

Samantala, ang layuning maging mabisa ay natutungkol sa di maaksayang  paggamit ng mga yaman. Kapag di maaksaya ang paggamit ng mga kapos na mga yaman nakapagbibigay ito ng pinakamataas na resulta sa mga mamimili at sa mga prodyuser.  Nagpapahiwatig na kapag mabisa ang paggamit ng mga yaman napatataas ang pangkalahatang kagalingan ng isang lipunan. Halimbawa, ang paggamit ng presyong itinakda ng mekanismo ng bilihan ay makapagigibay ng pinakamataas na linis na kasiyahan sa mga mamimili at ang pinakamataas na tubo sa mga prodyuser

Maipakikita ang tagisan ng dalawang layuning ito sa pagpapatupad ng pamahalaan ng mga kontrol sa paggalaw ng presyo tungo sa presyong itinakada ng bilihan. Sa presyong itinatakda ng bilihan, ang karagdagang kasiyahan nakukuha ng pinakahuling mamimili ay pantay sa karagdagang gastos ng pinakahuling prodyuser. Sa kundisyong ito, nakukuha ng mga mamimili ang pinakamataas na linis na kasiyahan samantalang natatamo ng mga prodyuser ang pinakamataas na tubo. Dahil dito, walang insentibo sa mga prodyuser at mamimili na baguhin ang kanilang produksiyon at pagkonsumo. Samantala, sa pagkontrol sa presyo hindi natatamo ang pinakamataas na antas ng kagalingan para sa mga mamimili at mga prodyuser.

May dalawang halimbawa sa pagkontrol sa paggalaw ng presyo. Una, ang pagtatakda ng pinakamataas na presyo at ang ikalawa ay ang pagtatakda ng pinakamamabang presyo.


Sa pagtatakda ng pinakamataas na presyo na itinakda sa mas mababa sa presyong itinakda ng bilihan at hindi ito pinahihintulang tumaas.Ang layuning itinataguyod ay ang mapagpantay na akses sa mga pangunahing bilihin na nagtataasan ang presyo dahil sa pagbagsak ng suplay bunga ng bagyo at iba pang kalamidad. Sa layuning mabigyan ng sapat na makakain ang mga mamamayan pinipigilan ng pagtatakda ng pinakamataas ang mabilis na pagtaas ng presyo.

Ngunit sa layuning maging abot kaya ang mga produkto, kakulangan ng suplay ang nangyayari bunga ng presyong mababa sa presyong itinakda ng bilihan. Dahil kulang ang suplay liliit din ang demand ng mga mamimili. Kahit may insentibong dagdagan ng mga suplayer ang kanilang produksiyon upang matamo ang pinakamataas na tubo dahil maliit lamang ang kanilang karagdagang gastos samantalang mas mataas ang presyong handang bayaran ng mga mamimili; ngunit ang insentibong ito ay hindi naipatutupad bunga pagtatakda ng pinakamataas ng presyo ng pamahalaan.

Dahil sa pagkukulang ng suplay ang potensyal na pinakamataas na tubo ng mga prodyuser ay hindi natatamo  bunga ng mababang presyo at maliit na antas ng produksiyon. Samantala, sa pagkukulang sa pagkonsumo ang potensyal na pinakamataas na linis na kasiyahan ng mga mamimili ay hindi rin natatamo bunga ng makitid na demand na nakaugat sa makitid na suplay bunga ng pagtatakda ng pinakamababang presyo na mas mababa sa presyong itinatakda ng bilihan. Ang sitwasyong ito ay nauuwi sa pag-aaksaya ng mga yaman dahil hindi nakukuha ang potensyal na benepisyo ng mabisang paggamit ng mga yaman na pinipigilan ng pagtatakda ng pinakamataas na presyo.

Samantala, ang pagtatakda ng pinakamababang presyo ay  ipinatutupad ng pamahalaan upang hindi bumagsak ang kita ng mga prodyuser bunga sa pagbagsak ng presyo ng mga produktong itinatanim nila tulad ng tobako sa ating bansa. Ang ganitong sitwasyon ay nauuwi rin sa kakulangan ng demand dahil sa mataas na presyo na itinakda na mas mataas sa presyong intinakda ng bilihan. Sa kakulangan ng demand napipilitan ang mga suplayer na babaan din ang kanilang suplay. Sa ganitong sitwasyon, hindi natatamo ng mga mamimili ang pinakamataas na linis na kasiyahan at hindi rin natatamo ng mga prodyuser ang pinakamataas na tubo.

- Advertisement -

Samakatuwid, sa pagkontrol ng sa paggalaw ng presyo nangingibabaw ang layunin ng pamahalaan na maging mapagpantay ay kaysa layuning maging mabisa. May pag-aaksaya ng yaman sa pagkontrol ng presyo ngunit sa pananaw ng pamahalaan, mas matimbang sa mga namumuno ang pagtataguyod ng interes mga mamamayan lalo na ang mga maralita kaysa ang pagpapataas ng kasiyahan ng mga mamimili at tubo ng mga prodyuser.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -