NAGBIGAY ng pahayag si Vice President Sara Duterte hinggil sa mga pagguho ng lupa, pagkalunod, pagkasira ng bahay at iba pang sakuna tuwing may bagyo. Pinaalalahanan niya ang mga Pilipino na mag-ingat at sumunod sa mga patakaran kapag kailangang lumikas. Narito ang kanyang pahayag.
“Mga kababayan, Assalamu Alaykum Warahmatullahi Wabarakatuh!
Madayaw ug maayong adlaw kaninyong tanan.
Magandang araw sa inyong lahat.
”Kamakailan lamang, ang mga sakuna ng pagguho ng lupa sa Cebu at iba’t-ibang aksidente sa dagat ay nagpapaaalala sa atin kung gaano kahalaga ang pagbibigay prayoridad sa kaligtasan sa lahat ng aspeto ng ating buhay—sa lugar ng trabaho, sa ating araw-araw na paglalakbay, at maging sa loob ng ating mga tahanan.
“Habang may panibagong bagyong dumaraan sa ating bansa at sa mga susunod pa na sakuna, kinakailangan na gawin nating araw-araw na prayoridad ang kaligtasan natin at ng ating mga mahal sa buhay.
”Palaging tiyakin na ang mga ginagamit na pribado at pampublikong sasakyan—sa lupa, dagat, o himpapawid—ay maayos ang kondisyon at ligtas gamitin.
”Makinig at sumunod sa mga travel advisories at babala ng PAGASA, Philippine Coast Guard (PCG), at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
“Ang pagguho ng lupa, pagkakuryente, pagkalunod, pagkasira ng bahay, at pagbagsak ng mga debris ay karaniwang epekto ng malalakas na ulan at hangin. Tandaan na kahit lumabas na ng bansa ang bagyo, ang patuloy na pag-ulan ay maaari pa ring magdulot ng mga pagguho ng lupa ilang araw matapos ang bagyo.
”Itinayo namin ang Disaster Operations Center (DOC) sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo upang makipag tulungan sa mga lokal na pamahalaan sa pagbigay ng tulong sa ating mga kababayan. Ang DOC ay laging handa na magbigay ng suporta sa unang pagtugon ng mga lungsod at munisipalidad.
“Ang pagiging handa at maingat ay susi sa kaligtasan ng bawat isa. Kailangan natin mag-ingat, magtulungan, at manalangin para maiwasan ang trahedya.“



