UNCLE, nakikita ko ang mga lolo’t lola na gustong-gusto talagang magbigay sa mga apo nila. Minsan, parang mas nauuna pa ang mga apo sa isip nila kaysa sa pansarili nilang pangangailangan lalo na kung ang mga magulang ng mga apo nila ay hirap din sa pagtaguyod ng pamilya. Tama ba ‘yan, Uncle? Paano ba magbibigay nang hindi masasaktan ang sariling kalagayan, lalo na kung matanda at retired na at ang magandang ugnayan sa pamilya?
Naku, Juan, ‘yan ang isang napakakumplikadong tanong na bumabagabag sa maraming pamilyang Pilipino! Ang ating kultura ay puno ng pagmamahal sa pamilya. Bilang isang tatay na lolo na rin, naiintindihan ko ang tindi ng pagmamahal sa mga apo. Pero ang tulong pinansyal ay hindi lang tungkol sa pagmamahal. Ito ay tungkol din sa matalinong pagpaplano, para ang pagiging mapagbigay ay hindi mauwi sa problema.
Sa Pilipinas, ang mga lolo’t lola ay itinuturing na mga ilaw ng tahanan. Ang bawat ngiti ng apo ay parang ginto, at ang pagnanais na tulungan sila, lalo na kung may kakayahan din naman, na magkaroon ng mas magandang buhay ay likas sa ating mga puso. Mula sa pambili ng gamit sa eskwela, panggastos sa araw-araw, hanggang sa malalaking bagay tulad ng matrikula o pagtulong sa negosyo, ang mga lolo’t lola ay laging handang tumulong.
Pero nakikita ko rin sa dami ng aking karanasan at mga nababasa, na ang ating pagiging mapagbigay ay minsan ay nagdudulot ng mga di-inaasahang problema. Ang mga pagbibigay na ito, kung hindi mapaplano nang mabuti, ay maaaring makasira sa ating sariling financial security at maging sa relasyon ng ating pamilya.
Mga karaniwang pagkakamali sa pera na dapat iwasan ng mga lolo’t lola
Pag-ubos ng ipon para sa mga apo. Dahil sa matinding pagmamahal, nagpapakasakit tayo para matulungan ang mga apo. Ngunit, kung ibibigay natin ang pera na dapat sana ay para sa ating sariling pagreretiro, gamot, at pang-araw-araw na gastusin sa pagtanda, sino naman ang magiging kawawa? Kung tayo mismo ang nagipit, tayo ang posibleng maging pasanin sa ating mga anak. Hindi ito balanse. Maaring maghirap tayo sa ating pagtanda, at ang ating mga anak ay magkakaroon ng dagdag na obligasyon.
Pagsalo sa utang ng apo. Ang pagpirma bilang co-maker sa utang ng apo (para sa sasakyan, pag-aaral, o negosyo) ay isang malaking responsibilidad. Sa ating kultura, pagpapakita ito ng pagdamay. Ngunit, kung hindi makabayad ang apo, ang obligasyon ay mapupunta sa atin. Maaring magdulot ng utang na pasanin sa ating pagtanda, na makaapekto sa lahat ng ating pinoprotektahan na ipon para maiwasan ang pag-depende sa mga anak o sa ibang tao.
Hindi pantay na pagtingin at pagbibigay sa mga apo. Sa pamilyang Pilipino, ang “inggit” at “sama ng loob” ay madalas lumitaw kapag may nakikitang hindi pantay na pagtrato. Kung tutustusan natin ang kolehiyo ng isang apo ngunit wala tayong naibibigay sa iba, o mas malaki ang natatanggap ng isang apo kaysa sa iba, maaari itong lumikha ng tensyon at pag-aawayan sa pamilya. Lalo na kung marami sa mga apo ay nangangailangan. Maaari itong humantong sa matinding away sa pagitan ng mga magkakapatid (iyong mga anak mo) at maging sa mga magpipinsan (iyong mga apo mo).
Ang tulong sa apo ay dapat maging pundasyon. Kung magbibigay ka sa apo, mas mainam kung ito ay investment sa kanilang kinabukasan – tulad ng edukasyon, pagsisimula ng negosyo, o pagbili ng unang ari-arian.
Mas mainam na magbigay ng “living gifts” – tulong habang ikaw ay buhay pa. Makikita mo pa ang epekto ng iyong kabutihan. Mag-invest para sa apo (tulad ng education fund) na mayroong magulang bilang trustee hanggang sa tamang edad.
Ano ang puwedeng matalinong stratehiya para iwasan ang mga pagkakamali at panatilihin ang relasyon sa pamilya?
Magtakda ng malinaw na hangganan. Tukuyin kung magkano lang ang kaya mong ibigay nang hindi nasasakripisyo ang iyong sariling financial security.
Magplano ng pantay na kontribusyon. Kung magbibigay sa mga apo, sikaping maging patas sa pagitan ng lahat. Kung hindi man pare-pareho ang halaga, magkaroon ng malinaw na basehan. Mag-focus sa edukasyon. Ito ang pinakamagandang investment.
Direktang bayaran ang mga gastusin. Imbes na ibigay ang pera sa apo, mas mainam na bayaran nang direkta ang matrikula o bills para masigurong sa tama napunta.
Kumonsulta sa eksperto. Makipagtulungan sa financial advisor. Malaking tulong ang magagawa ng estratehiya sa pagbibigay na akma sa iyong long-term goals at maiiwasan ang gulo.
Higit sa lahat, ang bukas at tapat na komunikasyon sa pamilya ay susi upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan o tensyon. Mag-usap nang tapat sa ating mga anak at apo tungkol sa ating mga intensyon at limitasyon sa pinansyal. Ang mga usapang ito ay hindi lang nagpapatibay ng pamilya, kundi nagbibigay din ng kalinawan sa ating financial role at nakakatulong sa pagpapanatili ng family harmony.
Sa huli, Juan, ang pagmamahal ng lolo’t lola ay walang katapusan. Ngunit ang pagmamahal na ito ay dapat ding maging matalino at praktikal. Ang pagtimbang sa pagiging mapagbigay sa ating mga apo at ang pagiging stable sa ating sariling financial future ay mahalaga. Alalahanin na wala ng income na pumapasok kapag ikaw ay retired na at kahit merong passive income, maari itong magkulang lalo na kung nadapuan ka ng malalang sakit. Ang isang balanse na pananaw ay magpapalakas sa ugnayan ng pamilya nang hindi lumilikha ng financial o relational strain, at masiguro ang ating kapayapaan ng isip sa ating pagtanda.

