29.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Lacson naglatag ng pampigil sa tiwaling BIR collectors, sabay tulak ang ‘reform mode’ sa pamahalaan

- Advertisement -
- Advertisement -

BAGO maisipang gumawa ng kalokohan, dapat isipin ng mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang sarili nilang nakasuot ng dilaw na uniporme, may P100 lamang para sa pagkain kada araw, at nakikisalamuha sa ibang Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa kulungan.

Ito ang binigyang-diin nitong Martes, Pebrero 10, 2026, ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson habang hinihikayat niya ang BIR at iba pang ahensiya ng pamahalaan na isulong ang “reform mode.”

“I hope you can re-echo this to your personnel in the field. That’s a very good deterrent. Ma-visualize mo somebody wearing a yellow uniform comingled with ordinary detention prisoners, PDLs. Pag may gagawin tayong kalokohan at yan imagine natin mag-hold back tayo,” ani Lacson sa mga opisyal ng BIR na dumalo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee hinggil sa mga alegasyon ng katiwalian sa ahensiya.

“Kung meron tayong gagawing kalokohan, think not just twice or three times, siguro 10 times,” dagdag niya.

Diin ni Lacson, ang pagpasok sa reform mode ang nararapat na sagot sa isang biro sa BIR at Bureau of Customs, kung saan may ilang kolektor ang nagsasabing para silang mga pipitsuging mandurukot lang kumpara sa mga nasa Department of Public Works and Highways na umano’y kumita ng bilyun-bilyong piso mula sa maanomalyang flood control projects.

Binanggit niya na sa mga hakbang na isinasagawa ng BIR upang tugunan ang katiwaliang kaugnay ng pag-iisyu ng letters of authority (LOAs) at mission orders (MOs), dapat nang makapagsimulang makakolekta ang pamahalaan ng sapat na kita para pondohan ang mga programa sa 2026 budget at mabawasan ang napakalaking utang ng bansa.

Ani Lacson, binanggit ni Executive Secretary Ralph Recto na may kakulangan ang pamahalaan na hindi bababa sa P200 bilyon upang pondohan ang mga proyekto at programa sa 2026 budget. Iminungkahi ni Lacson na markahang “for later release” ang ilang proyekto, lalo na ang mga hindi na-vet at naipasok lamang sa mga bersiyon ng budget bill sa Kamara, Senado, at bicameral conference.

Sa pagdinig na pinangunahan ni Lacson, inilahad ng BIR ang kanilang mga reporma kabilang ang system-assisted, anonymized audit selection at assignment process upang alisin ang discretionary bias sa pagpili kung sino ang ia-audit, gayundin ang paglilimita sa pag-iisyu ng LOAs.

Dagdag ng BIR na patuloy itong nakikinig at tumutugon sa feedback mula sa publiko.

Koleksiyon ng BIR

Sinabi ni Lacson na kailangang matuto ang BIR sa nakaraan, kasabay ng pagbanggit ng datos mula 2023 hanggang 2025 na nagpapakita ng napakahinang kahusayan sa pangongolekta mula sa electronic LOAs na inilabas ng Run After Fake Transactions (RAFT) task force ng BIR.

Mula 2023 hanggang 2025, may 3,520 LOAs na inilabas ang task force ngunit 54 lamang ang nauwi sa Final Decision on Disputed Assessment (FDDA).

Dagdag pa niya, sa kabuuang P601.01 bilyong assessed payables mula sa Notices of Discrepancy (NODs) sa parehong panahon, P7.95 bilyon lamang o 1.32 porsiyento ang nabayaran.

“You can only succeed if you learn from the lessons of the past, para ma-correct kung deliberate or may omission or di sinasadya… if you don’t research properly kung ano cause/s ang laki ng drop from LOA to FDDA, I don’t see how you can succeed,” aniya.

Data-sharing

Ayon pa kay Lacson, maaaring matriple ng BIR ang koleksiyon nito — kasabay ng pagbuking ng tax fraud — kung magpapatupad ito ng data-sharing sa iba pang kaugnay na ahensiya ng pamahalaan.

Aniya, sa pamamagitan ng pag-cross reference sa Securities and Exchange Commission, Land Transportation Office, at Land Registration Authority, mas madali para sa BIR na matukoy ang mga ari-arian ng mga nagbabayad ng buwis tulad ng stocks sa korporasyon, real estate, at mga sasakyang de-motor.

“Easily mag-triple ang collection ninyo,” aniya.

Sinabi naman ni BIR Commissioner Charlito Mendoza na muli nilang sinusuri ang mga data-sharing agreements sa iba’t ibang ahensiya.

Information drive

Hinimok din ni Lacson ang BIR na paigtingin ang information dissemination ukol sa kanilang mga reporma—kabilang ang mekanismo para ma-verify ang mga LOA — upang maging mas mulat ang mga nagbabayad ng buwis.

“Kung hindi alam ng public, they are susceptible to unscrupulous not just BIR personnel maski nagpapanggap na BIR,” aniya.

Tiniyak naman ni Commissioner Mendoza na ginagawa na ito ng BIR, at nabanggit na ang kanilang online verification system ay nakapagtala na ng hindi bababa sa 6,000 verification requests hanggang noong nakaraang linggo.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -