27.9 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Mga oportunidad at hamon sa pagpapataas ng produktibidad

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG isang linggo ay tinalakay namin sa klase ang pagkakaiba ng produksiyon sa produktibidad. Ang produksiyon ay ang dami ng nabuong produkto o serbisyo mula sa pagbabago ng mga hilaw na sangkap bunga ng  pagproseso ng mga produktibong sangkap tulad ng paggawa, capital, teknolohiya at pamamahala. Samantala, ang produktibidad ay ang kontribusyon ng bawat produktibong sangkap sa nabuong produkto o serbisyo. Kapag ang kabuoang produksiyon ay hinati sa bilang ng mga manggagawa, nakukuha natin ang average na produktibidad ng paggawa o ang ambag ng bawat manggagawa sa produksiyon. Ang produktibidad ng paggawa ay maaari ding sukatin bilang karagdagang ambag sa produksiyon ng dagdang na paggawa. Ganyan din ang mga paraan sa pagsusukat ng produktibidad ng capital at iba pang produktibong sangkap.

Ang produktibidad ng mga sangkap ay mahalagang susi sa pagpapalawak ng produksiyon at paglago ng isang ekonomiya. Isa sa mga dahilan na humahadlang sa pagpapataas sa produktibidad ng mga produktibong sangkap ay ang prinsipyo ng lumiliit na karagdagang produktibidad. Ayon sa ekonomikong prinsipyong ito kapag ang isang nagbabagong produktibong sangkap tulad halimbawa ng paggawa ay dinaragdagan samantalang ang ibang produktibong sangkap tulad halimbawa ng capital ay hindi binabago, ang karagdagang produktibidad ng paggawa ay lumiliit. Ipinahihiwatig ng prinsipyong ito na ang dagdag na kontribusyon ng dumaraming paggawa ay pailit nang paliit dahil nagsisiksikan na ang mga dumaraming manggagawa sa paggamit ng isang takdang dami ng sangkap na capital kaya’t ang ambag sa produksiyon ng dagdag na manggagawa ay lumiliit.

Isa sa mga paraan upang malagpasan ang epekto ng prinsipyong ito ay ang pagdaragdag ng iba pang produktibong sangkap. Tataas ang produktibad ng dumaraming manggagawa kung daragdagan ng kompanya ang katuwang na sangkap na capital sa proseso ng produksiyon. Dahil hindi na magsisiksikan ang mga dagdag na manggagawa sa paggamit ng capital tataas ang kanilang ambag sa produksiyon. Maraming mga kompanya ang pinatataas ang produktibidad ng kanilang manggagawa sa pamamagitan ng pangangapital o pagbili ng dagdag na kagamitan at makabagong kasangkapan na magagamit ng dumaraming manggagawa sa kanilang pagproproseso ng mga hilaw na sangkap.

Sa Pilipinas isa sa mga hadlang sa pagpapataas ng produktibidad ng mga manggagawa at paglikha ng dagdag na empleyo ay ang kakulangan ng kasangkapang makikisangkot sa mga manggagawa sa proseso ng produksiyon. Ang kakulangan sa pagbili ng mga kasangkapan at kagamitan na magagamit sa produksiyon ay bunga ng maliit na pondong iniimpok ng mga mamamayan at kompanya upang ilaan sa pagbili ng kasangkasan, makina, at teknolohiyang gagamitin sa produksiyon.

Ang kakulangan ng pondong inimpok sa ating bansa ang dahilan kung bakit nangungutang ang pamahalaan at mga kompanya upang makabili ng mga kasangkapan at mga mamahaling makinarya. Isa pang alternatibo sa pagdaragdag ng capital sa ating bansa ay ang pag-anyaya sa mga dayuhang  negosyante na magtayo ng kanilang kompanya sa ating bansa kasama ang pagdadala nila ng mga makabagong kagamitan at teknolohiya na nagpapataas sa produktibad ng mga manggagawang Filipino at makapagbibigay na dagdag na empleyo.


Ang problema sa pag-anyaya sa mga dayuhang negosyo ay nakaugat sa kahinaan ng imprastruktura ng bansa, mahal na presyo ng elektrisidad at pabago bagong patakaran ng pamahalaan. Tinatabangan ang mga dayuhang mamumuhunan na magnegosyo sa ating ekonomiya dahil sa pamamaraan ng pagpapatupad ng batas lalo na ang mga patakaran ng pamahalaan na nagbibigay ng walang kaseguruhan na ang kanilang kontrata sa pamahalaan ay ipatutupad ng nagbagagong administrasyon.

Samantala, ang Japan ay nakararanas ng mabagal na paglago sa kanilang ekonomiya bunga kakulangan ng mga manggagawa kahit na sagana ang bansa sa iba’t uri ng capital at makabagong teknolohiya. Ang sanhi nito ay ang mabagal na paglaki ng hukbong paggawa na nakaugat sa bumabagal ng paglaki ng populasyon, pagtanda ng populasyon, makitid na partisipasyon ng mga kababaihan sa hukbong paggawa at ang mahigpit na patakaran ng pamahalaan sa imigrasyon ng mga dayuhang manggagawa. Dahil dito bumababa ang produktibidad ng capital dahil halos hindi nagbabago ang dami ng mga manggagawa sa hukbong paggawa.

Maaari naman nilang dagdagan ang kanilang populasyon sa pagpapataas ng kanilang fertility rate. Ngunit pinipili ng maraming Hapon na hindi mag-asawa at kung mag-aasawa man ay ayaw nilang magkaanak.

Maaari din nilang itaas ng edad ng pagreretiro upang manatili ang mga matatanda sa hukbong paggawa. Ang problema alternatibong ito ay hindi na gaanong kreatibo at produktibo ang mga matatandang manggagawa kung ihahambing sa mga nakababatang manggagawa. Maaari din nilang bigyan ang insentibo ang mga kababaihan na pumasok sa hukbong paggawa ngunit ang pwersa ng kultura ay napipilitan ang mga babaeng may asawa na manatili sa bahay.

- Advertisement -

Isa pang alternatibo upang maragdagan ang kumikitid na suplay ng paggawa ay paglalatag ng pamahalaan ng magaan na patakaran sa pagpasok ng mga dayuhang manggagawa. Ngunit mahigpit pa rin ang pamaahalaan sa pagpasok ng mga dayuhan manggagawa.

Samakatuwid, sa Pilipinas ang kakulangan ng pondo ang humahadlang sa pagpapataas ng produktibidad ng paggawa samantalang sa Japan mga dahilang kultural at political ang humahadlang sa pagpapataas sa produktibidad ng kanilang kapital.

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -