ANG pangunahing layunin ng isang kompanya o negosyo ay tumubo; at kung maaari ay matamo ang pinakamataas na tubo. Ang tubo ay ang linis na kita ng isang negosyo. Kapag ang mga gastos sa produksyon ay ibinabawas sa kinita o kabuoang benta ng isang kompanya, nakukuha ang tubo o ang linis na kita.
Isa-isahin natin ang mga konsepto na kaugnay sa diwa ng tubo. Ang kabuoang benta ng isang negosyo ay ang dami ng mga produkto at serbisyo prinodyus ng kompanya at ipinagbili na sinukat sa presyo ng mga ito sa bilihan. Samakatuwid, ang kabuoang benta ay ang kabuoang kinita ng negosyo sa loob ng isang takdang panahon. Subalit, ang kabuoang kita ng negosyo ay hindi lubusang natatamasa ng negosyo dahil may dapat bayaran ang kompanya na iba’t ibang gastos upang maiprodyus ang mga naibentang produkto.
Samantala, ang kabuoang gastos ay kabayaran ng negosyo sa iba’t ibang uri ng sangkap na ginamit sa proseso ng produksiyon. May dalawang uri ng sangkap sa produksiyon, mga hilaw na sangkap at mga produktibong sangkap. Ang mga hilaw na sangkap ay mga sangkap na binabago ng kompanya upang maging bagong produkto. Halimbawa, ang arina ay hilaw na sangkap sa paggawa ng tinapay.
Samantala, ang mga produktibong sangkap ay mga sangkap na ginagamit ng kompanya upang mapabago ang arina at iba pang hilaw na sangkap upang maging tinapay. Kasama sa mga produktibong sangkap ay ang paggawa, capital, lupa, teknolohiya, at pamamahala ng negosyo.
Kapag pinagsama sama ang halaga na ginamit na mga sangkap makukuha ang kabuoang gastos. Samantala, may mga gastos sa produksiyon na lantad at di lantad. Itinuturing lantad ang gastos sa produksiyon kapag may salaping ibinayad ang kompanya sa paggamit ng mga sangkap ng produksiyon. Halimbawa, ang pasweldo ay lantad na gastos na ibinabayad ng kompanya sa mga empleyado nito.
Ang mga di lantad na gastos ay hindi lantarang binabayaran ng kompanya dahil ang mga sangkap na ito ay pagmamay-ari ng negosyo. Ganoon pa man dahil ang mga ito ay ginamit sa proseso ng produksiyon nararapat lamang na ituring mga gastos ito at iulat sa kwentahan ng gastos. Halimbawa, kung ang lupa ay pag-aari ng may-ari ng kompanya binibigyan ito ng angkop na pahiwatig na gastos dahil ginamit ito sa proseso ng produksiyon kahit walang lantarang salaping ibinayad ang kompanya. Ginagawa ito upang maging makatotohan ang pagsukat ng gastos.
Kapag ang kabuoang benta ng kompanya ay mas malaki sa kanyang kabuoang gastos kasama ang mga di lantad na gastos ang kompanya ay nakararanas ng ekonomikong tubo o abnormal na tubo. Dahil sa tubong ito, ang industriya ay nagiging atraktibo sa ibang negosyante na pumasok sa industriyang ito upang makibahagi sa abnormal na tubo. Sa pagpasok ng mga bagong kompanya dumarami ang suplay ng mga produkto sa bilihan na nauuwi sa pagbaba ng presyo nito. Sa pagbaba ng presyo, ang kabuoang benta ng mga kompanya sa industriya ay lumiliit at nauuwi sa pagliit din ng kanilang abnormal na tubo. Kapag ang pagbaba ng kabuoang benta ay nauuwi sa pagpapantay nito sa kabuoang gastos sa produksiyon ang dating abnormal na tubo ay nawawala na.
Kahit wala nang abnormal na tubo, may kinikita pa rin ang nagmamay-ari ng kompanya na tinatawag na normal na tubo. Ang normal na tubo ay ang kabayaran sa sakripisyo ng may ari ng kompanya sa paggamit ng kanyang mga produktibong sangkap at pagpupunyagi sa proseso ng produksiyon ng kompanya. Ito ay nakapaloob sa mga di lantad na gastos sa produksiyon ng kompanya. Samakatuwid, ang mga kabayarang ito ng isang kompanya ay napupunta sa nagmamay-ari ng negosyo.
Kapag ang kinikita ng isang kompanya ay normal na tubo na lamang, wala na ring papasok na bagong kompanya sa industriya dahil ang kikitain nila sa industriyang ito ay kapantay lamang ng kasalukuyang kinikita nila dahil ito rin ang normal na kinikita ng iba’t ibang kompanya sa ibang industriya.
Ang abnormal na tubo ay hindi nawawala sa lahat ng pagkakataon. Kapag ang isang kompanya ay may kapangyarihan sa bilihan na itakda ang dami ng produksiyon at ang presyo napatataas nito ang kanyang tubo. Ang abnormal na tubo na tinatamasa ng kompanya ay hindi nawawala dahil may kapangyarihan ang kompanya na pigilin ang pagpasok ng mga kakompetensiya. Mahirap pumasok sa industriyang ito dahil napakalaking pondo ang kakailanganin nila upang isagawa ang malawakang operasyon. Mahirap ding pumasok ang ibang kompanya dahil bawal gayahin ang produkto bunga ng pinanghahawakang ekslusibong karapatang intelektwal ng negosyong nagtatamasa ng abnormal na tubo.
Samakatuwid, ang abnormal na tubo ay sumasabay sa mataas na presyo ng produkto at monopolistang prodyuser. Samantala, ang normal na tubo ay nakakabit sa mababang presyo at kompetitibong kompanya. Dahil dito, malaki ang pinapasan ng mga mamimili kapag ang nagsusuplay ng produkto ay isang monopolista. Samantala, ang presyong binabayaran ng mamimili sa produkto ng isang kompetitibong kompanya ay pantay lamang sa average na gastos nito sa produksiyon.

