26.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Apat na araw na pre-trial hearings sinimulan na laban kay Duterte

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGSIMULA na ang apat na araw na pre-trial hearing sa mga krimeng kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Pebrero 23 na siyang pagbabasehan ng International Criminal Court (ICC) kung may sapat bang ebidensya upang ipagpatuloy ang kaso o hindi na.

Ayon sa schedule ng ICC, nakatakda ang mga pre-trial hearing sa Pebrero 23, 24, 26 at 27.

Sa “confirmation of charges” na ginanap nitong Lunes, hindi humarap si Duterte sa korte matapos aprubahan ng ICC ang kahilingan ng kampo ng akusado na huwag dumalo rito.

Inaasahang magkakaroon  ng desisyon kung itutuloy ang kaso, base sa mga iniharap ng ebidensiya sa apat na araw na pre-trial hearing, 60 araw matapos isagawa ang mga ito.

Kinakaharap na mga kaso


Kumakaharap sa tatlong bilang ng krimen (crime against humanity) na kinapapalooban ng 76 kaso ng pagpatay si Duterte mula pa nang siya ay alkalde ng Davao City hanggang sa manungkulan siyang Presidente.

Hinati ng ICC sa tatlong grupo ang mga kaso ng pagpatay kung saan naganap ang 19 rito noong alkalde pa si Duterte ng Davao City mula 2013 hanggang 2016.

Ikalawa ang 14 na kasong tinaguriang “high-value target killings” na naganap sa unang bahagi ng kanyang pagkapangulo noong 2016 hanggang 2017.

Pangatlo naman ang 43 kaso ng mga tinaguriang “barangay clearance operations” kung saan mga maliliit na suspek sa droga ang namatay noong taong 2016 hanggang 2018.

- Advertisement -

Pasok sa kategoryang crimes against humanity ang mga kasong ito base sa Artikulo 7 ng Rome Statute.

Ayon sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency, 6,215 ang namatay sa “drug war” ni Duterte pero ayon sa mga kritiko at grupo ng human rights, nasa 20,000 hanggang 30,000 ito.

Inilunsad ang programang ‘Double Barrel’ ng Philippine National Police (PNP) sa panahon ng administrasyon ni Duterte. Kinapapalooban ito ng ‘Oplan Tokhang’ kung saan tinarget ang maliliit na drug user at pusher. Isa pang programa sa ilalim ng programa ang ‘High Value Target Operations’ na target naman ang mga big time na drug lord at financiers.

Sa kabila ng mga report ng pang-aabuso ng ibang miyembro ng kapulisan habang isinasagawa ang operasyon, sa kabuuan, ikinokonsidera ng Duterte administration na isang matagumpay na programa ito ng pamahalaan upang supilin ang pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga.

Mga bintang ng prosekusyon

Sa unang araw ng pagdinig, iprinisenta ni ICC Deputy Prosecutor Mandiaye Niang ang balangkas ng kaso kung saan idinetalye niya ang mga ebidensya na nagpapakita na si Duterte ang nasa gitna ng kampanya ng malawakan at sistematikong pagpatay sa mga indibidwal na hinihinalang may kinalaman sa droga at iba pang krimen.

- Advertisement -

Ayon sa abogado, base sa ulat ng The Manila Times, may kagagawan sa mga krimen si Duterte bilang di-direktang may-sala dahil sa pag-uutos, pag-uudyok, o pagtulong at pagsuporta nito sa mga krimen.

Dinesenyo at isinulong umano ni Duterte ang polisiya para i-neutralize ang mga kriminal sa pamamagitan ng dahas, kabilang na ang pagpatay sa mga ito.

Itinatag, pinangasiwaan, at pinayagan umano ni Duterte ang DDS at kalaunan ang national anti-drug campaign na “Double Barrel.”

Nagbigay umano si Duterte ng mga sandata, logistical support, insentibong pinansiyal, at promosyon sa mga nagsagawa ng krimen.

Personal umanong kinilala ni Duterte ang mga target at isinapubliko ang mga pangalan ng mga indibidwal na umano’y high-value targets.

Paulit-ulit rin umanong nagpahayag si Duterte na nag-eengganyo ng pagpatay at pagtiyak na may immunity ang mga pulis na magsasagawa nito.

Binigyang-diin pa ni Niang na ganap ang impluwensya ni Duterte sa mga lokal at nasyonal na level, kung saan binanggit nito ang mga pagkakataon kung saan pansamantalang sinuspinde ni Duterte mga operasyon dahil sa panawagan ng publiko, na isa umanong patunay na sinunod ang kanyang mga utos nang walang eksepsyon.

Iprinisenta rin ng prosekusyon ang mga ebidensiya kabilang ang mga testimoniya ng mga saksi, mga opisyal na dokumento, audiovisual material, at mga financial record upang ilarawan na nagresulta sa libo-libong pagkamatay ng mga sibilyan ang programa ni Duterte kontra sa ipinagbabawal na gamot.

Dismayado ang mga biktima

Nagpahayag naman ang abogado ng mga biktima na si Atty. Joel Butuyan ng pagkadismaya sa hindi pagdalo ni Duterte sa pre-trial hearing.

Aniya, isa na sanang mahalagang sangkap ng hustisya para sa mga biktima ang makita ng mga ito na humaharap si Duterte sa kahindik-hindik na mga kasong ito.

Pinagbigyan ng ICC ang kahilingan ng kampo ni Duterte na hindi ito dumalo sa pagdinig ngunit hindi umano ito nangangahulugan na hindi fit to stand trial ang dating pangulo.

Kung paglilitis ang kalalabasan ng apat na araw na pagdinig na ito, hindi na papayagan ng ICC na wala sa rito si Duterte.

Pag-aresto at pagkakakulong sa The Hague

Noong Marso 11, 2025, inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa bisa ng isang ICC arrest warrant. Agad siyang dinala sa The Hague, Netherlands, kung saan siya kasalukuyang nakakulong habang pinoproseso ang mga akusasyon laban sa kaniya.

Nitong nakaraang Agosto, naghain ng mosyon ang kampo ni Duterte upang ipagpaliban ang proceedings dahil sya ay “not fit to stand trial.”

Nakatakda sana sa Setyembre 23, 2025 ang “confirmation of charges hearing” kung saan titimbangin ng korte kung sapat ang ebidensya upang ituloy ang mga pagdinig sa full trial ngunit ipinagpaliban ito.

Ayon sa kampo ni Duterte, mayroon siyang cognitive impairments dahil nahihirapan na ang 80-anyos na dating pangulo na makaalala, mangatwiran at maging sa oryentasyon na maaaring makaapekto sa kanyang kakayahan na umunawa at makilahok sa paglilitis.

Mga legal na pagtutol

Bukod sa usaping pangkalusugan, tinututulan din ng depensa ni Duterte ang hurisdiksiyon ng ICC. Giit nila, hindi na sakop ng Rome Statute ang Pilipinas simula noong Marso 2019 dahil bumitiw na ito sa pagiging state party matapos ipahayag ng administrasyon ni Duterte ang pagkalas dito.

Sa isyu ng hurisdiksyon, may dalawa sa limang hurado ng Appeals Court ng ICC ang nauna nang sumang-ayon na wala na ngang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.

Bukod pa rito, sinabi ni Atty. Harry Roque, dating tagapagsalita ni Duterte at isang eksperto sa international law, sa panahon pa lamang ng imbestigasyon,  hindi na saklaw ng ICC ang Pilipinas at wala na itong karapatang mag-imbestiga pa dahil natapos na ang panahon para isagawa ito ng international court.

Bago pa man maihain ang charge sheet, nitong nakaraang Hunyo, humiling na ang kampo ni Duterte ng kanyang pansamantalang kalayaan dahil sa kanyang edad at lagay ng kanyang kalusugan.

Sinubukan din ng depensa na ipa-disqualify ang dalawang hukom ng ICC dahil umano sa maaaring pagkiling ng mga ito na ibinasura naman ng ICC.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -