TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may sapat na suplay ng langis ang bansa sa kabila ng patuloy na tensiyon sa ilang pangunahing lugar na may produksyon ng langis sa Gitnang Silangan.
Sa isang press briefing sa Palasyo, sinabi ng Pangulo na kasalukuyang mayroong stockpile ng langis ang bansa na kayang sumakop sa humigit-kumulang 50 hanggang 60 araw ng suplay.
“Let me assure everyone that we have a sufficient supply of oil…So, we are okay for that period of time,” sabi ng pangulo sa isang press conference na dinaluhan ng ilang miyembro ng Gabinete.
Ayon sa Pangulo, kabilang sa mga available na reserba ang diesel, sapat para sa humigit-kumulang 50.5 araw; fuel oil at gasolina, bawat isa sapat para sa 51.5 araw; kerosene, sapat para sa 67.5 araw; jet fuel, sapat para sa 58 araw; at liquefied petroleum gas (LPG), sapat para sa 29 araw.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, may karagdagang potensyal na suplay mula sa mga langis na naka-stock ngunit hindi pa naipapadala ng mga supplier.
Gayunpaman, binanggit ng Pangulo na maaaring limitahan ng ibang bansa ang kanilang pag-export ng langis upang mapanatili ang sariling reserba sa gitna ng krisis, lalo na dahil sa kawalan ng katiyakan sa susunod na mangyayari.
Ipinahayag din ni Pangulong Marcos ang ilang hakbang upang mapagaan ang epekto ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis, kabilang ang fuel subsidies para sa mga apektadong sektor tulad ng transportasyon at agrikultura.
Tututukan ang posibleng epekto sa remittances
Samantala, tinututukan ni Pangulong Marcos Jr. ang posibleng epekto nito sa mga remittances na ipinapadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas bilang isang mahalagang aspeto ng tensyon sa Middle East.
Sa isang press conference sa Malakanyang, binigyang-diin ng Pangulo na bukod sa mga usaping pangseguridad at diplomasya, mahalagang mapanatili ang tuloy-tuloy na daloy ng dolyar na nagsisilbing suporta sa milyon-milyong pamilyang Pilipino.
“Pinag-aaralan din natin kung ano ang magiging epekto sa remittances dahil ito ay makakaapekto sa mga pamilya ng ating mga manggagawang nagpapadala ng pera mula sa bahaging ito ng mundo,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, ang Gulf region ay tahanan ng isa sa pinakamalaking bilang ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, kaya’t mahalagang pinagmumulan ito ng remittance inflows.
“Marami sa remittances natin ay galing doon. Iyan ang isa sa pinakamalaking grupo ng ating mga manggagawa na nandoon. Hindi nila makakasama ang kanilang pamilya kung hindi sila magpapadala ng pera sa Pilipinas,” aniya.
Inilarawan ng Pangulo ang sitwasyon bilang isang “mixed bag” dahil mahirap pa sa ngayon na matukoy ang kabuuang epekto nito.
“Sinasabi ng kanilang ulat na nagtatrabaho pa rin sila at pumapasok sa trabaho. Kung hindi sila makapasok, mayroong mga work-from-home setup,” ani Marcos, na nagsabing maaaring makatulong ang patuloy na employment para mapigilan ang pagbaba ng remittances.



