KABILANG ang immersive technologies sa mga tinatawag na disruptive technologies dahil sa katangian nitong baguhin ang kalakaran at kinasanayan sa larangan at lipunan.
Tagus-tagusan ang pakinabang mula sa immersive technologies batay sa aplikasyon nito sa edukasyon, pagsasanay, kalusugan, negosyo, pamamahala, pananaliksik, komunikasyon, sining at iba pa. Ang mga sumusunod ay tala ng ilang mahahalagang kaalaman at alalahanin ukol sa immersive technologies sa konteksto ng nagbabagong panahon lalo na sa mga papaunlad na bansa kagaya ng Pilipinas.
- Mayroong iba’t ibang uri ang immersive technologies kagaya ng virtual reality (VR), mixed reality (MR) at augmented reality (AR) na nagkakaiba-iba depende sa antas at saklaw ng pagiging immersive at virtual ng disenyo at aplikasyon.
- Malaking bahagi ng immersive technologies ay ang pagtatambal ng natural, pisikal at birtuwal na kapaligiran. Sa kontekstong ito at dahil sa iba’t ibang antas ng immersion at integration, mahalagang itanong: “How immersive is immersive?” at ang kaukulang implikasyon nito sa larangan at lipunan.
- Multisensorial ang katangian ng immersive technologies dahil napapagana nito ang iba’t ibang sense perception tulad ng paningin, pandinig at pandama.
- Kaugnay ng pagiging multisensorial ng immersive technologies, ginagamitan din kadalasan ng camera, motion sensor at visual display ang aplikasyon nito.
- Multimodal din ang immersive technologies dahil sa katangian nitong visual, vocal, auditory, gestural at/o tactile.
- Napaka-epektibo ng immersive technologies sa aspekto ng visual storytelling na sumasaklaw sa malalawak na larangan ng human sciences at humanities.
- Bilang pangunahing pakinabang, napapababa sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiyang ito ang kagastusan (cost) at kapahamakan (risk) lalo na sa mga larangang may kaakibat na mataas na panganib.
- Nagagawa nitong maging immersive at interactive ang karanasan sa pamamagitan ng simulasyon. Tulad ng nabanggit, mahalaga ito sa pagsasanay sa mga itinuturing na high-risk occupation katulad ng construction, mining, gas exploration, surgery, emergency medicine at firefighting upang gawing mas ligtas ang operasyon.
- Sa partikular, may malaking pakinabang sa immersive technologies ang sektor ng edukasyon at pagsasanay sa larangan ng transportasyon (halimbawa: land, maritime at aviation). Nakatutulong ito sa pagpapababa ng mga kaso ng transportation-related crash.
- Isang aplikasyon ng immersive technologies sa pagsasanay sa larangan ng edukasyong medikal ay ang paggamit ng “digital cadaver” na tumutukoy sa birtuwal o dihital na representasyon ng katawan ng tao. Nagsisilbi itong alternatibo sa at/o katambal ng pag-aaral gamit ang aktuwal na bangkay para sa mga asignaturang human anatomy, surgery, pathology at forensic medicine.
- May malaking ambag din ang teknolohiyang ito sa physical therapy (PT) at occupational therapy (OT) para sa rehabilitasyon ng mga pasyente.
- Kapuri-puri rin ang ambag ng immersive technologies para sa mga may kapansanan. Nagsisilbi itong katambal at/o alternatibong paraan ng interaksyon sa kanilang kapwa at kapaligiran. Isang halimbawa ng agapay na ito ay ang umuunlad na teknolohiya ng AI and AR smart eyeglasses.
- Ginagamit din ang immersive technologies sa pagsasagawa ng virtual tours. May malaking ambag ito para sa mga hindi magawang pisikal na makapaglakbay dahil sa distansiya, kapansanan o kawalan ng rekurso. Naging kapaki-pakinabang din ito noong kasagsagan ng pandemya kung kailan may restriksyon sa paglabas at mobilidad.
- Kahanga-hanga ring makita at danasin ang mga virtual tour ng mga museo, pamantasan at silid-aklatan bilang katambal o alternatibong dulog sa pagtuturo at pagkatuto.
- Ginagamit din ang immersive technologies para sa pagsasaya at pagliliwaliw (leisure) katulad ng immersive theaters, immersive concerts, immersive gaming at immersive park rides.
- Hindi rin matatawaran ang kritikal na papel ng immersive technologies sa pananaliksik. Gayundin, kinakailangan ng patuloy na pananaliksik sa akademiya at iba’t ibang ahensiya upang higit na mapaunlad ang teknolohiyang ito lalo na sa konteksto ng tuloy-tuloy na pagbabago at mga kaakibat na hamon sa larangan at lipunan.
- Sa larangan ng edukasyon, masasaksihan natin ang salimbayang aplikasyon ng immersive technologies sa trifocal functions ng pamantasan kabilang ang pagtuturo, pananaliksik at serbisyong panlipunan.
- Sadyang may kamahalan ang mga teknolohiya at kagamitang bumubuo sa immersive technologies. Bagama’t nagmumura ang ilan ay nananatili pa rin itong hindi abot-kaya sa nakararami na kabilang sa lower at middle class na pamilya at komunidad.
- Mariin ang panawagan na gawing demokratiko ang akses sa mga transformative technology kagaya ng artificial intelligence at immersive technology upang mapakinabangan ang mga ito ng nakararami at hindi lamang ng iilan.
- Laganap pa rin ang technological divide, communication divide, information divided at digital divide sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap na bansa. Palalalain lalo ng mga ito ang malaon nang umiiral na economic divide sa pagitan ng Global North at Global South at maging sa pagitan ng mga socio-economic class sa lipunan.
- Mahalaga ang papel ng pamahalaan, negosyo, paaralan, panlipunang sibil at boluntaryong sektor upang maging demokratiko ang akses at kapaki-pakinabang para sa lahat ang teknolohiyang ito.
- Kailangan ding tiyakin na naaangkop ang user interface upang maging komportable at ligtas ang karanasan. Tumutukoy ang user interface sa point of human-computer interaction na sumasaklaw sa mismong device, keyboard, screen, button at iba pa. Dapat itong maidisenyo mabuti upang maiwasan ang ergonomic-related issues kagaya ng eye strain, posture problems, arthritis, motion sickness at iba pa.
- Tulad ng anumang siyentipikong inobasyon, mahalagang maunawaan ang immersive technologies sa panlipunan at etikal na dimensyon nito. Tiyaking holistiko ang pananaw at pamamahala upang maiwasan mga blind spot.
- Dapat ding pag-ingatan ang pribasiya sa pagdidisenyo, pagpapaunlad at paggamit ng immersive technologies. Kaugnay nito, kailangan isulong at ipatupad ang technological, digital at online safety sa umiiral na kurikulum sa paaralan at sa mga nananaig na patakaran sa mas malawak na lipunan.
- Ayon kina Rincon at Perez (2025) ng Ada Lovelace Institute, maraming datos ang nakakalap ng immersive technologies mula sa mga gumagamit nito kabilang ang “physiological, environmental at positional data.” Kaugnay nito at mula sa punto-de-bista ng applied ethics, mahalagang pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan lalo na ng mga bulnerable at unsuspecting victim.
- Mahalagang bigyang diin ang sinabi ni Prop. Eric Hawkinson, isang immersive learning specialist, ukol sa ating kolektibong pananagutan nitong nakaraang World Immersive Learning Labs Symposium (WILLS) 2026 na ginanap sa University of the Philippines Open University noong Marso 4-6. Aniya, dapat maisulong hindi lamang ang digital skills kundi higit lalo na ang digital citizenship upang maging responsable ang mga indibidwal at institusyon sa interaksyon nila sa teknolohiya.
- Hindi rin dapat kalimutan ang pangkasariang konsiderasyon sa disenyo at aplikasyon ng immersive technologies. Kailangang matiyak na walang pagtatangi laban sa partikular na kasarian ang ergonomic, anthropometric at conceptual design ng binubuo at pinauunlad na teknolohiya. Sa konteksto ng AI at kasarian, maaaring sumangguni sa artikulong ito bilang panimula: Artificial intelligence at kasarian: Etika, politika at praktika – Pinoy Peryodiko.
- Dapat ding tiyakin ang interdisiplinal at intersektoral na komposisyon na bumubuo sa hanay. Kabilang dapat dito ang mga scientist, technologist, policy analyst, sociologist, communicologist, ethicist at gender advocate.
- Hindi rin maitatanggi ang napakahalagang papel ng international collaboration para mapalakas ang knowledge co-creation, intercultural dialogue at transboundary partnership. May malaking ambag sa dakilang layuning ito ang pamunuan ni Dr. Roberto B. Figueroa, Jr., dekano ng Faculty of Information and Communication Studies ng UP Open University at chair ng WILLS 2026.
Bilang pagbubuo(d), tandaan na ang anumang teknolohiya ay may kaakibat na potensiyal at panganib. Mahalagang may umaangkop at tumutugong framework at policy na gagabay sa design, development, distribution, utilization, assessment at evaluation ng teknolohiya upang hindi nakokompromisa ang interes ng sinumang indibidwal o grupo. Sa kontekstong ito, kapwa mahalaga ang self-regulation at institutional regulation para matiyak ang mapagnilay at responsableng pagbuo, pagpapaunlad at paggamit ng immersive technologies kung saan lahat ay nakikinabang at nakakapag-ambag.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected].

