30.1 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

Kilos, Pilipinas: Kalas sa Amerika ngayon na   

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG giyera ng tambalang Estados Unidos-Israel kontra Iran ay namimintong maging digmaang pangwakas sa lahat ng digmaan.

Ito ang ipinasilip ni Iran Foreign Minister Abbas Araghchi sa isang panayam sa NBC News kamakailan. Itinanggi niyang humingi ang Iran ng ceasefire, na nagwiwika (salin sa Tagalog) “Wala kaming makitang dahilan upang makipagnegosasyon sa Estados Unidos.” Hinggil sa posibilidad ng pagsalakay sa teritoryo ng Iran ng mga puwersang panglupa ng US, winika ng opisyal, “Kumpiyansa kami na komprontahin sila.”

Dagdag pa niya, “Magiging napakalaking kasawian iyun para sa Estados Unidos.”  Sa wikang Kano, “Bring it on (itodo mo na).”

Iran pa ang naghahamon ngayon.

At ang Amerika ay aligaga, halatang sising-kalabaw kung bakit naisip-isip pa ang atakehin ang Iran.


Batay sa mga palatandaan, ganito ang istratehiyang inisip ng Amerika. Pipilan ang buong pamunuan at pagkatapos ay manawagan ng regime change o pagbabalikwas upang maluklok ang panibagong liderato na kayang hatakin ng Kano sa ilong.

Pansinin na bukod kay Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei, may ilan pang mga miyembro ng konseho supremo ng Iran ang nasawi sa matinding ballistic missile attacks na gawa ng Amerika.

Pansinin kung papaanong agad pagkaraan ng mga atake na kumitil sa Ayatollah at iba pang mga opisyal ng Iran, halatang pautong nanawagan si US President Donald Trump sa mga Irano na palayain na ang mga sarili mula sa aniya’y “diktadurang Islamic.”

Maliban sa dating prinsipe at kakaunting mga alipuris nito sa naigupong monarkiyang Pahlavi ilang dekada na ang nakaraan, walang makinig kay Trump.  Sa halip sumiklab ang malawakang poot ng mga sumasampalataya sa Ayatollah at ang Iran Revolutionary Guards Corps (IRGC) ay nagpakawala ng sangkaterbang ballistic missiles at drones na dumurog sa Tel Aviv at naghasik ng kilabot at malawakang pagkawasak ng mga bansang Arabo na pawang nangagkakandili ng mga base militar ng Amerika.    Partikular na nadurog ang pangunahing oil refinery ng Saudi Arabia.

- Advertisement -

Wasak ang higanteng desalination plant ng Israel, pinakamalaki sa buong mundo, na nagsusuplay ng 40 porsiyento ng pangangailangan sa sariwang tubig ng Israel.

Saan mo man ibaling ang iyong tingin, pagkawasak ng mga impraistruktura, kilabot ng mga tao, kaguluhan.

Libu-libong mga turista ang nilisan ang kanilang mga luxury suites upang magkanlong sa mga basement ng mga hotel.

Sa isang panawagan, binatikos ni Trump ang Iran, “Tigilan na ang pagwasak sa mga airport.”

Kung di ka ba naman isa’t kalahating… umph!

Giyera ito, lahat ng kasiraan mula sa kaaway asahan.  Sisimu-simulaan mo, tapos magrereklamo ka.

- Advertisement -

Sa totoo lang, napakalaking miskalkulasyon ang nagawa ng Amerika at Israel.  Inasahan nila na ang kalamangan sa teknolohiya sa pakikipagdigma ay magbibigay sa kanila ng mabilis na tagumpay. Walang-wala sa kanilang hinagap na ang inasahang kalamangan ang siya mismong  sanhi ng pagkabigo.

Ayon sa isang ekspertong pagsusuri, ginamit ng Iran ang kung tawagin ay asymmetric warfare, hindi pakikipaligsahan sa abanteng sandata bagkus sa malawak na kasiraan ng mga pasilidad at impraistruktura (mga paliparan, oil refinery), supply chains (payak na inuming tubig na sa isang iglap ay ipinagkait sa pagkawasak ng  desalination plants), etc.    Eto pa ang siste.

Sa halip na pantayan ang abanteng teknolohiya sa pananandata ng tambalang US-Israel, dinaan ng Iran sa paramihan ng gamit ang laban. Mas maraming drones at ballistic missiles, mas maraming interceptors ang kailangang itapat ng tambalang US-Israel. Ang nangyari ay ito. Sa kada, halimbawa, isang drone na nagkahalaga lamang ng 2000 dolyar, ipinantatapat ay interceptor na nagkahalaga ng 20,000 dolyar. Isipin mong laking kalamangan na iyan ng Iran.

Lalo na nang pakawalan na ng Iran ang kung tawagin ay modular splittable drone na habang papalapit sa target ay biglang sasambulat na hindi lang isa kundi walo pala, kandakahog na ang iisang interceptor ng Israel kung alin sa walo ang uunahin.  O di kaya magpakawala ng pito pa upang sanggahin ang kabuuang bilang ng drones.

Sa arithmetic ng gastos, ang dating nag-iisang drone na kailangang sanggahin ng interceptor na nagkahalaga ng $20,000 ay mangangailangan ng kabuuang halagang $160,000 upang sanggahin.

Hindi kataka-taka na aapat na araw pa lamang ang giyera, si Dan Caine, ang chairman ng Joint Chiefs of Staff ng America ay nagpahayag na ng pagkabigat sa gastos ng giyera na umabot na sa $5 bilyon.

Si Trump, takbo naman sa US Congress, humihingi ng karagdagang $50 bilyon na panggastos sa giyera.

Naging malaking patutsada ng panlalait na ang ipinagyayabang ng Israel na Iron Dome at naging napakadaling punitin na Paper Dome.

Harapin na ng Pilipinas ang realidad. Sa labanang nagaganap, dehado na ang Estados Unidos. At sa pursigidong pagbaka ng Iran, ipinakikita na handa siyang makipag-ubusan ng lahi.

Sa ganyang senaryo, lantarang pasok na ang China.

Sa ngayon, hindi pa nalalantad, pero ang modular splittable drone na ugali nang pakawalan ng Iran ay maaaring kaloob ng China, sapagkat siya lamang ang merong ganitong abanteng teknolohiya.  Ano pang abanteng kaunlaran sa pakikipagdigma ang maaaring ihampas ng China sa Amerika oras na lumantad na ito ng pagpanig sa Iran?  At saan pa ba magaganap ang paghampas kundi sa pinag-aagawang rehiyon ng South China Sea?  Sa mga base militar ng Amerika sa Pilipinas.

Kagaya ng pangangatwiran ng Iran sa mga pananalakay nito sa mga ganung base sa mga bansang Arabo – pagtanggol sa sarili – ganun din ng China oras na pagpasiyahan na nito na durugin na ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas.  Kumilos na ang bayan kung walang bayag si Presidente Marcos Jr. na kumalas sa pundiyo ng Amerika.  Sa anu’t-anuman, naririyan na ang Anti-War Peace Caravan ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI) na masigasig na nagsisikap na pigilan ang pagsabog ng ngitngit ng China sa Pilipinas.  Kung hindi kaya ni Bongbong, kilos bayan.  Sa lahat ng usapin, ang mga mamamayan at mamamayan lamang ang magpapasya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -