MISOGYNY. Misogynist. Mysogynistic remarks.
Kabubukas pa lamang ng Marso, na idineklarang Buwan ng Kababaihan, ay ganyan nang mga salita ang bumulwak sa mga bunganga ng ating kagalang-galang na mga mambabatas, at sa dakilang bulwagan pa mandin ng Kongreso binigkas.
Bilang rebyu ng karumal-dumal na mga pananalitang kinondena ng mga kababaihan at pati kalalakihan, narito ang buod:
1. Para ipagtanggol si VP Sara Duterte sa banta nitong ipapapatay ang Pangulong Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez, sinabi ng isang Kongresista na hindi totoo ang banta ng VP at ito’y imagination lamang. Bilang analogy, sinabi niya: “Nakita ko sa Shangri-La si Anne Curtis. Napakaganda pala niya. Nag-init ang aking pakiramdam at nag-imagine ako ng maaaaring mangyari.” Pagkaraan, binawi niya ang pahayag na ito at sinabing hindi niya totoong nakita sa tunay na buhay ang nabanggit na celebrity. Humingi siya ng tawad pero nanindigang tama pa rin siya sa kanyang pantasya at okey lang sabihin sa publiko ang pribadong pagnanasa.
2. Sa naturalization proceeding sa Senado, pabirong tinanong ng isang senador ang magandang dayuhan na nag-aaplay na maging Pilipino, kung may Filipino boyfriend na ito. Nang sumagot ang babae na wala, baka raw gustong mag-aplay ng isa ring senador, na ang asawa ay kaibigan niya (ng palabirong senador).
3. Isang abogado and nagsabi na siya rin ay nagnanasa sa isang kongresistang babae, na minsan daw ay NAAMOY niya sa Kongreso.
4. Sa ganitong mga pahayag, pinabababa ang katayuan ng mga babae at ginagawa na lamang silang mga BAGAY na pwede lamang pagnasaan.
Ayon sa isang netizen, may mga mambabatas daw na sa totoo lang ay mambabastos pala. Misogynist daw ang mga lalaking ito, at kabastusan, misogynistic remarks ang sinabi nila.
Ano ba ang misogyny? Anong klaseng tao ang misogynist?
Ayon sa mga diksiyonaryo, ang misogyny ay nangangahulugang galit sa kababaihan. Mula sa Griyego, MISO- galit, at GYNE – babae.
Ang misogynist ay tao na nagtuturing na ang mga babae ay mas mababang klase kaysa sa mga lalaki kaya hindi dapat bigyan ng pantay na mga karapatan. Lalo na silang nagagalit kapag may babaeng nakalalamang sa kanila sa talino at husay, kaya pinag-iisipan nilang bastusin at hamakin para ilagay sa tamang lugar.
Ang paggamit ng pananalitang bastos at nangmamaliit ang paraan nila para takpan ang sa totoo lang ay kawalan ng tiwala sa sarili nilang galing at kakayahan.
Ang pinakabastos sa lahat ng bastos na pahayag
Sa tingin ko, pinakabastos sa lahat ang pahayag ng abogadong nagnanasa sa isang kongresista dahil NAAMOY raw niya ito. Ang mga babaeng aso’t pusa at iba pang mga hayop, ay nagpapalabas ng samyo na umaakit sa lalaking kapwa aso o pusa o iba pang mga hayop. Ito ang ibig sabihin ng mabunying abogado. Ginawa niyang aso o pusa lamang ang kongresista na may nakakaakit na amoy. Bagama’t inamin din niya na para lang siyang lalaking aso o pusa, hindi ito dapat ikatuwa ng mga aso o pusa, dahil gaya ng madalas kong sabihin, iwasan nating ikompara ang mga hayop sa mga mambabatas o sino man dahil may sariling dangal ang mga hayop na lagi nating ikinokompara sa kanila.
Ano sa wikang Filipino ang misogynist?
Mula sa wikang Griyego ang salitang misogynist. Pinagsama ang miso- at gyne. Ganyan nabubuo ang mga katawagan sa siyensiya, medisina, batas, at iba pang mga larangan. Pinagsasama ang mga panlapi at salitang ugat para makauo ng termino. Sa wikang Kastila, MISOGINO ang katumbas ng misogynist, na tapatang pagtutumbas ng orihinal na termino.
Ano naman kaya ang maitutumbas natin sa wikang Filipino sa salitang misogynist?
Hindi katutubo sa ating kultura ang konseptong ipinapahayag ng salitang iyan. Hindi natural sa ating kultura ang mamuhi sa kababaihan o ituring na hamak at mas mababang uri sila. Matatandaan na sa ating kasaysayan, bago dumating ang mga Kastilang mananakop, ang ating mga ninuno ay may sarili nang sistema ng gobyerno na pinamunuan ng mga datu. May sarili tayong sistema ng pagsulat, ang Baybayin, at lahat ay marunong bumasa’t sumulat, babae man o lalaki, pati mga bata, ayon na rin sa chronicler na si Pigafetta. Mataas ang pagtingin sa kababaihan – may karapatan silang magmay-ari ng lupa at ang ginang ng datu ay katuwang sa pamamahala. Mababakas sa ating wika ang mataas na pagpapahalagang ito: MAYBAHAY ang tawag sa misis, TAO ang asawang lalaki. Babae ang may-ari ng bahay (kaya maybahay), samantalang ang lalaki ay TAO lamang (kapag tumatao ka sa tindahan, hindi ikaw ang may-ari kundi pansamantala lamang na nagbebenta ng mga paninda.
Hanggang nitong Dekada ’70 ay naririnig ko pa sa aming lugar ang mga salitang maybahay at tao. Nababasa rin sa matatandang panitikan. Pero ngayon, wala raw katumbas sa Tagalog/Filipino ang mga salitang mister at misis. Kaya may nanghihiram ng BANA para sa asawang lalaki.
Bumaba ang katayuan ng kababaihan nang maging Katoliko ang ating mga ninuno. Hanggang sa kasalukuyan, may mga pamilya pa rin na nag-iisip na “hindi na dapat pagkagastahan ang pag-aaral ng mga batang babae dahil pag nagdalaga ay mag-aasawa at magiging pambahay na lamang.” Gayon man, may nabasa akong pag-aaral kamakailan lamang, na sa mahihirap na komunidad, kung kailangang piliin kung sino ang unang pag-aaralin, ang anak na lalaki o ang anak na babae, mas pinipili raw ng mga magulang na unang pa-aralin ang anak na babae dahil mas masikhay sila sa pag-aaral at mas may mataas na tsansang makatapos kaysa sa anak na lalaki na baka mabarkada lamang at hindi makatapos.
Balikan din natin ang panahon noon ng mga BABAYLAN, na ayon sa KWF Diksiyonaryo ay kinilala “bilang manggagamot, tagapangasiwa ng mga ritwal at kabilang sa namuno sa sistema ng ating pamamahala. Malaki ang ginampanan nila sa pagpapamana ng kultura at sinaunang kaalaman gaya ng medisina, agrikultura, mitolohiya/literatura, relihiyon, at maging sa himagsikan.” Buhay pa ba sa ating kamalayan ang mga babaylan, o mas kilala na natin ang kababaihan bilang aswang at mangkukulam?
Hayaang walang katumbas
Sa aking palagay, hayaan na nating walang katumbas sa ating wika ang salitang misogynist. Hayaang manatiling dayuhan ang salitang iyan. Hiramin na lamang nang buo ang salita at ibigay ang kahulugan, sabay sabing hindi ito angkop sa ating lipunan. Ngayong naibabalik na ang mataas na pagpapahalaga sa ating kababaihan, huwag nating hayaang manaig ang pananaw ng mga “hornyable na mambabastos” (paglalaro sa honorable mambabatas).

