26.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Bakit kinakailangang kontrolin ang mga monopolistang kompanya?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

MARAMING pamahalaan sa buong mundo ang humuhubog ng mga batas at nagtatayo ng mga institusyon upang kontrolin ang kapangyarihan ng mga monopolistang kompanya sa bilihan.

Sa ating bansa, itinatatag ang Ang Philippine Competition Commission (PCC) noong 2016 upang ipatupad ang batas RA 10667 (Philippine Competition Act). Ang PCC ay itinatag upang itaguyod ang patas na kompetisyon sa bilihan, pangalagaan ang kapakanan ng mga mamimili, ipagbawal ang mga di kompetitibong kasunduan, at tutulan ang pang-aabuso ng mga nangingibabaw na mga kompanya sa industriya at bilihan.

Ipinahihiwatig sa pagbuo ng PCC na ang huwarang estruktura ng bilihan na itinaguyod ng PCC ay ang kompetitibong bilihan. Ang dahilan ng pagtataguyod na ito ay nakaugat sa malawak na antas ng suplay at demand ng mga produkto at serbisyo bunga ng interaksiyon sa pagitan ng maraming  mamimili at maraming suplayer sa bilihan. Ang kompetitibong interaksyon ng mga mamimili at suplayer ay nauuwi din sa presyong nagbibigay ng pinakamataas ng kasiyahan sa mga mamimili, sa isang banda, at ang pinakamataas na balik sa mga suplayer, sa kabilang banda.

Samantala, ang kawalan ng kompetisyon bunga malawak na kapangyarihan sa bilihan ng mga monopolistang kompanya at nangingibabaw na suplayer sa bilihan ay nauuwi sa pagpapaliit ng dami ng suplay at pagpapataas ng presyo. Sa pamamagitan ng gawaing ito ay napatataas nila ang kanilang tubo.  Ang mataas na tubo at mataas na presyo ay salungat sa kapakanan ng mga mamimili dahil ang kanilang kasiyahan ay kumikitid sa mataas na presyo at kaunting produkto at serbisyong ipinagbibili at mapagpipiliian.

Nagagawa nila ang pagpapataas ng tubo sa pamamagitan ng pagpapataas ng presyo na labis ang agwat sa kanilang gastos sa produksiyon. Ang mataas na presyo ay naisasagawa nila dahil maaari nilang paliitin ang kanilang suplay. At dahil sila lamang ang tanging tagapagsuplay ng produkto at serbisyo ang pagbabawas ng suplay ay nauuwi sa nagkakaroon ng labis na demand sa limitadong produkto o serbisyo. Ang kalagayang ito nauuwi sa kompetisyon sa maraming mamimili na itaas ang presyong handa nilang bilhin ang pinaliit na suplay.


Ang gawi ng mga nangingibabaw na mga suplayer sa pagpapaliit ng suplay at pagpapataas ng presyo ay nauuwi din sa di episyenteng alokasyon ng yaman o pag-aaksaya. Dahil dito, isa sa mga pangunahing layunin ng PCC ay itanghal ang kapakanan ng mga mamimili sa pagmamagitan ng kompetitibong kapaligiran na nauuwi sa mababang presyo at maraming suplay tungo sa episyenteng alokasyon o wastong gamit ng mga yaman.

Ngunit hindi lamang ang mamimimili at lipunan ang pumapasan ng mga epekto ng mga gawi ng mga monopolista upang mapataas ang kanilang tubo. May epekto rin ito sa bilihan ng paggawa na nauuwi sa desempleyo o makitid na empleyo.  Dahil makitid lamang ang kanilang suplay at produksiyon, nangangailangan lamang sila ng mas kaunting manggagawa at iba pang mga produktibong sangkap. Kung mayroong kompetitisyon, mas maraming kompanya ang magsusuplay ng produkto at mauuwi ito sa malawakang produksiyon at empleyo.

May epekto rin ang mga nangingibabaw na mga kompanya sa distribusyon ng kita. Mas malaking tubo ang nakukuha nila sa pagpapakitid ng suplay at pagpapataas ng presyo.  Samantala ang mga manggagawang nabibigyan ng empleyo ay nakakakuha lamang ng mababang pasweldo dahil nakikipagtunggali sila sa makitid na trabaho bunga ng pagliit ng produksiyon. Samakatuwid, distribusyon ng kita sa monopolistang bilihan ay pabor sa mga mayayamang nagmamay-ari ng mga kompanya.

Isa pang dahilan sa pagkontrol sa mga gawi ng mga monopolista ay ang epekto nito sa paglikha ng teknolohiya. May ilang ekononomista ang naniniwala na walang insentibo sa mga monopolyong kompanya na magsagawa ng mga inobasyon at paghusayin ang kanilang teknolohiya dahil wala naman silang kokompetensya sa bilihan.

- Advertisement -

Samantala, sa isang kompetitibong kapaligiran, malakas ang pwersa sa mga kompanya na magsagawa ng inobasyon dahil lalawak ang demand sa kanilang produkto at serbisyo bunga ng mga makabagong produkto at serbisyo.

Sa kabilang dako, may naniniwalang mahirap ding magsagawa ng mga inobasyon ang kompetitibong kompanya dahil sa kakulangan ng kanilang pondo upang isagawa ang pagpapahusay ng teknolohiya.

Sa kabilang dako, dahil sa lawak ng tubong nalalasap ng mga monopolistang kompanya mayroon silang sapat na pondo upang isagawa ang inobasyon. Idagdag pa rito malakas din ang pwersa sa mga nangingibabaw na kompanya na magsagawa ng inobasyon dahil maaari silang palitan ng malalaking kompanya na kayang palitan, baguhin at itaas ang antas ng kanilang produkto at serbisyo. Samakatuwid, hindi malinaw ang papel ng mga monopolista sa paglikha ng teknolohiya.

Batay sa ating diskusyon sa itaas ang mga monopolyong kompanya at mga nangingibabaw na kompanya sa isang industriya ay kinokontrol ng pamahalaan dahil nagdudulot ang mga ito ng mabibigat na pasanin sa mga mamimili, nauuwi sa mapag-aksayang gamit ng mga yaman, makitid na empleyo sa mga manggagawa, paglala ng di pantay na distribusyon ng kita at marahil sa pagkitid sa paglikha ng mga makabagong teknolohiya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -